abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Friday, February 06, 2004
Ilandaang bote ng beer na ang nakalilipas mula nang nakainuman ko sina EJ, Kokoy, at Allan Idol, sa Dencio's , sa isang ligaw na bubog ng basag na lungsod na ito, kung saan kinse pesos lang ang beer, tahimik ang tugtog, at malamya ang dilaw na ilaw.

May sinasabi si EJ noon: pinaniniwalaan niyang lumulutang ang tula sa ere; may tula sa anumang bagay, tao, situwasyon.

Ang sabi ko pa noon, hindi. O siguro, baka nagkakatalo lang kami sa depinisyon, nahahadlangan ng mga rehas ng wikang itinatangi namin, itinatangi nating lahat. Ang sabi ko, baka sining ang tinutukoy niya. Sining, at hindi tula - dahil pangunahin sa tula ang paggamit ng wika.

Nagsulat pa ako sa Matanglawin ng sanaysay na sinusubok pabulaanan ang sinabi niyang iyon. Tsk, tsk. Nakakahiya.

Kamakailan lang ako namulat, sa isang ligaw na iglap ng kumukulong dalumat.

May binibigkas ang tula na di nabibigkas - o, siguro, gagana rin ang kabaliktaran: may nabibigkas ang tula na di nito binibigkas. Doon ito kumikilos - sa nibel ng literal na umaamba, lumiligid, sumasalamin sa mas dakilang nibel ng metaporikal. Sadyang di sinasabi ang tunay na nais sabihin. Sa tensiyon sa pagitan ng dalawang nibel na ito tumatahan ang tula.

At hindi lahat ng anyo ng sining ay mayroon ng katangiang iyon. Ngunit maaari, maaaring maabot iyon, anumang wika ang gamit. Lona, tinsel, pintura. Melodi at nota. Indak, saliw, indayog. Lahat, lahat ng maiisip mo: liwanag, bulaklak, kutsara. Miski sinulid, miski siguro plantsa, kung kaya.

Parang mailap na paruparo, maaaring dumapo ang tula, saan man. Ang tulang di nasasabi, naisin man. Lumulutang.

Ang galing. Iyon nga ang ikinatula ng tula. Paulit-ulit nang naipukpok sa akin ang paliwanag na ito - sa workshops, sa klase, ng mga libro. Pero noon lang ako napaso sa matinding realidad na iyon. Pagkapaso, pagkamulat tungkol sa tula at sa mga maidudulot nito sa landas na nais kong tahakin sa buhay.

Napaisip ako: sa kabila ng lahat ng pagsasanay ko sa pagbasa at pagsulat ng tula, ito nga ba ang nais kong gawin? Di rito kumikilos ang mambabasang nais kong pag-alayan ng akda. Gusto nila ng panitikang nahahawakan; gaya ng gusto nila ng pagkaing makakain, ng bubong na puwede nilang masilungan, ng damit na maaaring gawing kalasag laban sa maginaw na madaling-araw. Wala nang sala-salamin; panitikang nakaiiyak, nakatutuwa, nakapagpapamuhi, iyon na. Siguro, iyon lang. Nadarama.

At napaisip na naman ako: alin bang anyo ng panitikan ang kayang gampanan ang tungkuling ito? Kaya ko bang magsulat noon? Ng maraming, maraming ganoon? Ganoon lang?

Natatakot ako.

----------------------------------

Nakikini-kinita ko ang panahong titigil ako sa pagsulat ng tula. Ang panahong magsasawa ako sa pagpapaliguy-ligoy, sa pagkalabit ng kuwerdaas na nag-aasam ng tugtuging dakila, ng tunog na di kailanman mababanaag ng kanino mang tainga.

Nakikini-kinita ko ang panahong susulat ako ng kuwento, maraming kuwento. Siguro, nobela; maraming nobela. At babasahin iyon ng mambabasa dahil nakikita niya roon ang gusto-niyang-maging, dahil napapadpad siya sa lupalop kung saan ang lahat ng pag-iral ay parang ambong dumadampi sa kampana - mga patak, maraming maraming patak na sumusunod sa kurbado ng korteng ito. May bida at kontrabida. May laman ang tiyan ng bawat tao, o tila hindi nananawagan ng ilalaman. Lahat may pag-asang yumaman. Isang lupalop kung saan walang iniiwang tanong ang pagtiwalag ng huling hininga. Nakikini-kinita ko rin ang panahong titigil ako sa pagsulat ng mga ito.

Nakikini-kinita ko ang panahong wala na akong ibang isusulat kundi sanaysay. Personal na sanaysay ko. Personal na sanaysay ng mga kathang-isip ko, mga kathang isip na naaantig lamang ng sanaysay: ang nibel ng pagsasabi ng gustong sabihin kung paano ito dapat sabihin. Walang pagtakas. Nakalatag ang lahat; matalik, personal.

At makikita ng lahat ng mambabasa ang marami nilang mga sarili sa buhay ko, sa buhay ng mga kathang-isip ko. At maaantig sila.

Magsasanib ang katotohan at katha sa iisang mundo. Magtatagpo ang tunay at di-tunay, ang gunita at pangarap, ang balat at dalumat.

Mabubuhay ang lahat - hihinga, masusugatan, magdurugo. Minsa'y magtatagumpay, at minsan, masasawi. Mabubuhay ang lahat, at mamamatay rin. Ang bawat puntod sa bawat sementeryo sa bawat bayan sa buong daigdig, magkakaroon ng katumbas na sanaysay.

Ito ang pangarap ko sa sandaling ilalagi ko sa mundo.

Kayo na ang bahala kung tula ninyong ituturing ito.

posted by mdlc @ 12:35 PM  
0 Comments:
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto