abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Wednesday, February 18, 2004
Pasensiya na.

Mahigit isang linggo ko ring hindi nabalikan 'tong buwakananginang blog na 'to. Hindi naman sa maraming ginagawa; sa totoo lang, mahigit isang linggo rin naman akong pabanjing-banjing. Kung saan-saan rin ako pumunta, kung anu-ano ang ginawa, kung sinu-sino ang kinausap.

Hindi ko naman kinailangang gawin 'yung mga ginawa ko.

Gusto ko lang. Masarap manood ng All Star, maglamiyerda, tumunganga, matulog, magsalsal.

Oo, mas masarap kaysa sumulat.

Kailangang mabuhay muna, sabi nga nila.

At putangina, natatakot ako, at nabibigla. Parang may dambuhalang ibong nakaupo sa dibdib ko. Walang humpay sa kapapagaypay ang mga pakpak niya.

Para na naman akong may abo sa dila. Gusto ko na namang idura nang idura nang idura, lahat, lahat ng alaala.

Pinipilit ko ngayong isulat ang lahat ng nangyari, pero hindi ko kaya. Masyadong mabilis ang mga ito. Madali akong mapagod. Pilit hinahabol ng kamay sa lapis sa papel ang lahat ng lumipas na pangyayari, pero hindi ko maabutan. Hindi ko kaya. Putang-ina, hindi ko kaya.

Para akong nakatayo sa gitna ng highway. Sa likod ko, mga rumaragasang gunita. Sa harap, ang karipas ng paglimot. Ayan na, ayan na. Saan ako pupunta?

Pikit. Sigaw.

Lundag.

Lipad.

----------------------

Ayun na nga.

Hindi kami close ni Lola Ludy. Hindi ko nga alam ang itatawag ko sa kanya, kasi lahat ng kamag-anak kong intsik, ang tawag sa kanya, Auntie Ludy o Tiya Ludy. Dito lang sila nakatira, malapit sa mismong kanto ng Makata at Laguna. Asawa siya ng kapatid ng asawa ng kapatid ng tatay ng tatay ko. Totoo. Ang tagal kong inisip no'n, a.

Noong Miyerkules, nu'ng isang linggo, naglakad kami ni Erpats papunta sa kanto ng Severino Reyes at Batangas. May dala kaming chessboard at isang kahang sigarilyo.

Vasquez ang tawag sa lugar na pinuntahan namin. Vasquez Memorial Chapels.

Pumunta kami doon para silipin si Lola Ludy, nakahiga sa loob ng marmol na ataul.

Sinabit lang ako ni Erpats. Sabi ko nga, hindi talaga kami close ni Lola Ludy. Hindi ko siya hinihingan ng aginaldo tuwing pasko, at di rin siya nagkukusang magbigay. Ang mga pagkakataong nakasalubong ko siya at napagmanuhan, nakita mula sa malayo at nginitian, iyon lang ang naaalala ko. Kapirasong himulmol lang si Lola Ludy sa lona ng nakaraan ko.

Isang beses lang akong tumambay sa auto supply nila. Bagong taon noon, mga grade five o six siguro ako. Kasama pa rin si Erpats, na inaanak si Kuya Louie. Tatlo silang anak ni Lola Ludy, lahat ampon, lahat nag-iinuman noong gabing iyon, kasama si Erpats.

Lahat tarantado. Adik. Si Kuya Dan, pinaghihinalaang pusher. Si Kuya Louie, dating miyembro ng akyat-bahay. Walang biro. May tato pa nga siya, bilang patunay.

Iyong isa, hindi ko na maalala ang pangalan, pero sigurado ako, anuman ang nakalista sa baptismal certificate niya, saang lupalop man siya naroroon ngayon, sigurado ako, tarantado rin siya. Walang biro.

At tuwang-tuwa akong nakikinig sa huntahan nilang apat habang unti-unti silang nalalasing.

Tuwang-tuwa akong sumusunod kay Kuya Louie tuwing lumalabas siya para magsindi ng kuwitis, fountain, sinturon ni hudas, sawa.

Tuwang-tuwa ako.

Ngayon, nakakatawang isipin: Recuerdo ang pangalan ng auto supply nila. Salitang kastilaloy. Sa Filipino, pandiwa: paggunita.

Pero iyon lang ang naaalala ko.

Noong gabing pinipilit kong gunitain ang lahat ng himulmol na dulot ni Lola Ludy sa nakaraan ko, doon, sa burol, may matandang babaeng lumapit kay Erpats. Niyakap siya.

Pagbitaw, tiningnan nila sa mata ang isa't isa. Diretso. Sabay silang tumango.

At ito, ito ang maaalala ko, habambuhay: ang dalawang salitang nabasa kong pumuslit sa mga labi ni Erpats, mahina pa sa bulong.

"Pagod na."

In Memoriam, Lourdes Serrano Ng (19??-2004)

posted by mdlc @ 1:24 PM  
0 Comments:
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto