May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Friday, February 20, 2004
Ilang sipi mula sa Isang Tabong Dugo:
'Yung lolo ko sa tuhod, si Co Laya, pumunta rito sa 'Pinas galing Amoy, China. Hindi ko na siguro tatangkaing tuklasin kung may mga kamag-anak pa ako roon. Gaya ng Lolo Laya, iniisip ko na lang na pagdating niya rito sa Pilipinas, babay na sa Tsina. Pati pangalan nga, pinalitan niya. Sa papeles, nakalista siya bilang si Carlos Co. Pero miski marunong na siyang mag-Tagalog, "Laya" pa rin ang itinatawag niya sa sarili niya, at natural, iyon din ang itinatawag sa kanya ng ibang tao.
At gaya nga rin ng Lolo Laya, pangalan na lang ang iniwang tatak ng pagka-Intsik ko - pangalang pinapasan kong parang maleta ng imigrante, o siguro ng simpleng taong tumatakas sa lahat, sa lahat ng dapat takasan.
...
Pinipilit ko na lang tanggapin na kahit ano'ng gawin namin, hindi na kami aasenso. Ganito talaga siguro ang buhay kung titser ang nanay mo't istambay naman ang tatay mo. Ako, doon na rin papunta: titser na istambay; nagtse-check ng papel habang tumitingin sa mga dibidendo ng karera sa Santa Ana. Kung sana namana ko ang sipag ni Ermats o ang dashing good looks ni Erpats, ibang landas siguro ang tinatahak ko ngayon, ibang karera ang pinagkakaabalahan.
Pero ito na kami, ito na ako, at unti-unti na akong napag-iiwanan ng lahat. Paalis na para maging masahista (oo, sige, Occupational Therapist) sa ibang bansa si Ate. Si Kuya, pamilyado na rin, at nagsisimula na ring magsarili, kahit nariyan lang sila sa kabilang apartment.
Habambuhay na akong bunso, at sagad na sa kakapalan ng mukha ko kung matutuwa pa akong maging only child. Hindi ko pinangarap ito.
...
Mayroon kaming maliit na puwesto sa loob ng Chinese Cemetery. Parang mausoleong-hindi. May bubong, mababang pader, sala-salansang rehas, sariling pugon na hinahagisan noong pera para sa mga kaluluwang Intsik.
Warat-warat na kisame, nababakbak na pintura, putik na nagsasabato na sa mga sulok.
Doon nakahilera ang mga ninuno ko. Siguro, pati ako, ihahanap na rin ng puwesto doon. Pati siguro mga apo ko, at apo nila. Hangga't karga nila ang apelyidong 'to.
...
Hindi lahat ng Intsik, masipag at mayaman. Hindi lahat ng Intsik, magtitinda ng taho o lugaw alang-alang sa kinabukasan ng magiging anak, apo, apo sa tuhod, sa talampakan. Hindi lahat ng Intsik, nakaka-engganyong kidnapin. May mga Instik na katulad ko lang - mababaw ang pangarap, para madaling abutin. Titser na istambay. Hindi lahat ng Intsik katulad ng mga bida sa Mano Po.
May mga Intsik - maraming mga Intsik - na bahagyang pagkasingkit, apelyido, at isang tabong dugo na lang ang ikina-Intsik. May mga Intsik sa pangalan na lang.
Kayo na ang bahalang mag-isip kung ano ang itatawag sa kanila.
-------------------------
Ilang sipi mula sa Itago Natin Siya sa Pangalang Diwata:
Ang akala ko, sa kuwento lang nangyayari ang mga kasaysayang tulad ng sa iyo. Kung sa bagay, ano pa nga ba itong ginagawa ko kundi nagkukuwento, nagkukuwento tungkol sa buhay mo. Ikaw na rin ang nagsabi - pagbigyan na sana kita, pakiusap, patagong pangarap mo ang gawing kuwento ang buhay mo, ang maraming makabasa ng tungkol sa iyo.
Heto ka ngayon: hubad, marungis, totoo. Gaya ng hiniling mo. Huwag kang magtatampo kung itatago kita sa pangalang iba sa iyo.
...
Marami sigurong magtatanong kung totoo ka, o magdududa't magsasabing kathang-isip lang kita. Masyado kang malaking kabalintunaan, masyadong malawak para sa panlasa ng karaniwang mambabasa. Kung minsan masyadong marumi, mabaho; minsan nama'y masyadong malinis - imakulada, dalisay, parang papel na wala pang sulat. Kung minsan, masyadong madilim, parang kalyeng walang ilaw sa gabi; minsan masyadong maliwanag, nakakasilaw. Para kang hindi totoo.
Pero sino ba ang mambabasa para maghusga kung ano ang totoo o hindi totoo? Gaya nga ng madalas mong sabihin: lahat naman tayo, paminsan-minsan, kahit papaano, nagsisinungaling.
------------------
E ano nga ba naman ang trip ko't pinagsasasabi ko pa 'to? Hindi ko rin alam. Basta palagi, pag may naisip ako, kahit anong puwedeng magkaroon ng kabuluhan sa kahit kaninong kapwa ko, para akong may abo sa dila; gusto ko na lang dumura nang dumura nang dumura, maibahagi lang itong walang-delikadesang dalumat na dumapo sa disilusyanado kong sentido.