May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
senti-naryo
Monday, January 23, 2006
1.
Ito ang ikasandaang entry ko. Oo, isang daan.
Gusto ko sanang ayusin ang template nito, ibahin, i-update ang mga link, pero ewan kung bakit. Miski sa akin hindi sasapat ang dahilang "tinatamad ako," pero ayan, e. Tinatamad nga akong magbago ng template. Siguro sa ikasandaan-at-isang entry na lang 'yun.
2.
Mayroon pa bang kulang? Mayroon bang naiwan? Sapagkat kailangan nating sunugin ang lahat nang natira...
3.
Hindi ko ugaling maglagay ng mga pamagat noong sinimulan ko 'tong blog. Heto ang kauna-unahang entry:
Madalas mangyari sa akin 'to. Maghahanap ng papel at ililista ang mga takdang dapat gawin.
Tenkyu note kay Ninong.
Mag-analyze ng dividendazo.
Mag-check ng papel.
Ayusin na, sa wakas, 'yung buwakananginang blog na 'yun.
Magsulat nang magsulat nang magsulat.
At maiiwan lang siyang papel, walang ekis sa maliliit na kahong idinodrowing sa gilid ng bawat dapat gawin. Walang takdang nagawa.
Ginagawa ko rin ito kung may ideyang pumapasok sa isip ko. Magsusulat ng maikling intro o ilang linyang ligaw, at ipapangako, pangako, pangako, isusulat ko ito kapag nagkapanahon. Isusulat ko, uupuan ko ito. Uupuan ko ito.
At naroon pa rin ang mga intro at linyang ligaw na iyon, santambak na pirasong papel, parang mga tuyong dahon sa bakuran. Parang dumaraing: "Kung hindi mo na rin kami gagamitin, mabuti pang sunugin mo na kami. Mas pakikinabangan pa kami ng alangaang." Kung naging itlog ang mga akdang pinagpangakuan kong uupuan, malamang nabagok na'ng mga 'yun.
O baka napisa na nang kusa, sa sobrang pagkainip. Naging dambuhalang mga ibong tutukain ako-- sa mata, sa dulo ng mga daliri, sa dila hanggang sa hindi na ako makapagsalita, di na makapagpangako. Magpakailanman.
Tama nga siguro si Naya du'n sa itinext niya sa akin kamakailan lang, 'yung isinulat ng aleng Marge ang pangalan.
Walang ibang paraan para makasulat kundi ang magsulat.
You have to like it better than being loved.
I have to like it better than being loved.
4.
Tangina, ang romantiko dati, 'no? Ang daming ginustong gawin, ang daming ginustong ihirit. Akala kung sino, akala kung anong dakilang gawain 'tong paglalapat ng dalumat. Pebrero 4, 2004 nang simulan ko itong blog. Enero 23, 2006 ngayon. Sa loob ng halos dalawang taon, heto ang isa sa mga pinakamahalagang natutunan ko tungkol at dahil sa pagsusulat:
Trabaho lang ang lahat.
5.
Heto ang litrato ng isang pintuan:
6.
Sa isandaang entry na mayroon, marami-rami ang walang kuwenta. Update sa buhay, ego trip, kahit alam ko namang mas marami kayong dapat pagkaabalahan kaysa sumubaybay sa buhay nang may buhay. Gig sked ng banda, na sa di malamang dahilan e palagi namang nabubulilyaso. Tula ng kung sino. Tula ko.
Mayroong mga ikinahihiya ko-- 'yung mga entry na nagpaparada ng kalungkutan, mga entry na feel na feel ang sarili. Mga entry na may nasagasaan, o mga entry ng pagmamarunong tungkol sa kung-anong teorya. Mga entry ng pagka-posseur, kunwari kung sinong bayaning magagawa ang lahat, ginagawa ang lahat. Nakakahiya, pero nariyan na, e. Hindi ko ugaling magbura.
7.
Kumusta?
8.
Mayroong mga entry na binabalik-balikan ko pa rin hanggang ngayon para mapaalalahan ng-- ano? Ewan. Para mapaalalahan, at 'yun na 'yun.
9.
Heto ang litrato ng isang asong kalye:
10.
Palagi akong sigurado sa nararamdaman ko. Madalas, hindi ko alam kung paano gagawing salita ang mga damdaming iyon. Madalas nabibigo ako. Sa totoo lang, hindi ko pa rin matukoy kung bakit ako paulit-ulit na sumusubok, sa kabila ng paulit-ulit na pagkabigo.
11.
May kakaibang epekto sa akin, palagi, ang mga madaling-araw.
12.
Doon sa isandaang entry na 'yun, marami akong napaskil na sarili kong tula. Ugali ng mga taong hindi napapublish sa mga journal at diyaryo. Sa dinami-rami ng mga tulang iyon, iisa lang ang nasa Ingles. Iisa lang ang tulang Ingles ko na ipinaskil dito, at 'yung tulang iyon ang pinaka... pinakatae sa lahat ng tulang nasulat ko sa Ingles sa tanang-buhay ko. Pero 'yun nga, hindi ko ugaling magbura.
Heto, isa pang tula sa Ingles:
Poem That Had Some Difficulty With The First Line
I’ve always wanted to begin a poem with the line, “I’ve always wanted to begin.” Now I have. Best to end here,
but then the universe is expanding back into its black beginnings, and space, aware of its own looming demise,
is singing of possibilities. I’m almost over, it sings, it’s almost over and sooner or later we’d be left with nothing but time. If we live that long.
Sometime before then all our dialects will have moored on the gray sands of forgetting, all our sad words will have started
to repeat themselves, as if not everything has been said before. And we won’t even notice. Here, let me tell you a joke: I am a man of faith.
Or a child, a tree, some living thing that will someday be a dead thing. What does faith have to do with it? I know;
it isn’t funny. Nothing funny about mortality, how movement bleeds into clockwork, how clockwork succumbs to its own igneous finitude.
How we aid entropy by being born. See? I only wanted to begin, now I’m humming the ghost-heavy refrain of imminent endings.
In that song about possibilities, someone is hurling an empty bottle skyward. I see you: You’re imagining it slowing towards its peak,
anticipating gravity, its ruthless duty. Stop. Don’t. Let’s go. Let’s not be around when it shatters. Let’s not wait for an ending.
13.
E ano kung tae na naman?
14.
Ang sabi ng bintana: Huwag mo akong ipinid. Malapit nang dumating ang paborito mong bisita.
15.
May mga kalungkutan pala akong hindi ipinaskil dito. 'Yung mga kalungkutang 'yun, nangyari du'n sa mga mahahabang panahon na hindi ako nag-post. Ganu'n pala ang ugali ko, pag nalulungkot: either ibalandra ko, iparada, i-romanticize, itiwangwang sa alinsangan at langaw at mambabasa, o manahimik na lang ako.
Alin kaya ang mas totoong kalungkutan? Alin ang mas mabigat? At anong kulay iyon?
16.
Nasabi ko na ba? Minsan ko nang nabilang ang mga bituin. Hindi ko maalala kung ilan sila.
17.
Sa lahat nang dumamay noong ibinabalandra ko ang mga kalungkutan ko dati, salamat. Sa lahat nang dumamay noong hindi ako nagbabalandra ng kalungkutan, salamat din.
18.
Sinimulan ko ito sa opisina, sa una kong trabaho. Nagbablog ang mga tropa ko mula noong college, at ewan kung bakit-- nainggit yata ako-- kaya ako nakiuso. Ayan. Dalawang taon na. Isandaang entry. Walang palitan ng address, walang burahan. Ayan.
19.
Tumingala ka. Tingnan kung paanong ang kalawakan ay nag-uumapaw sa kapalaran.
20.
Sa lahat nang hindi dumamay, salamat na rin. Napapaalalahan ako, palagi, na hindi sa akin umiikot ang mundo.
21.
Hindi ako malungkot, a. Nagsesenti lang.
22.
Heto ang isang litrato ng madaling-araw:
Maaari rin nating sabihing takipsilim 'to, pero hindi natin karapatan, sa pagkakataong ito, ang magpangalan.
ang ganda ng tula mo, pards. hindi siya tae. at hindi ko sinasabi dahil bayaw tayo. maganda talaga. ewan ko lang. hindi na ako magaling mag-crit ng tula, pero for all it's worth i think it's beautiful.
ang ganda ng tula mo, pards. hindi siya tae. at hindi ko sinasabi dahil bayaw tayo. maganda talaga. ewan ko lang. hindi na ako magaling mag-crit ng tula, pero for all it's worth i think it's beautiful.