May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
spot mo 'ko ng isang beer. sige na.
Monday, November 28, 2005
1.
Kagabi, pinanood ko, muli, sa Million Dollar Movies, 'yung Serendipity. Pinilit ko mang pigilin, kinilig pa rin ako. Tapos, nalungkot; tapos nabagabag, tinubuan ng tinik sa dibdib. Putangina, putangina talaga. Kailan akong tumigil maniwala sa ganito? Kailan akong tumigil maniwala sa kahit ano?
2.
May nabasa ako dati; ang sabi, habang nagiging mas complex ang istruktura ng isang bagay/nilalang, tumataas din ang nibel ng kamalayan nito. Pero, sabi rin doon, ang lahat ng bagay/nilalang, gaano man kasimple ang pagkakalalang, ay kumikilos sa loob ng sarili nitong lohika. Ang bato, hindi gumagalaw; tengga lang sa pagkabato niya, at iyon na iyon. Ang langgam, may sarili ring buhay, may sariling pagkalanggam-- at hindi niya kayang lampasan ang mga limitasyong inihahain ng pagkalanggam niya.
Halimbawa: kung may langgam na naglalakad sa ibabaw ng isang pirasong papel tungo sa mumo ng tinapay sa mesa, at inilipat ko ang papel sa ibabaw ng TV, di ito mapapansin ng langgam. Dire-diretso lang siya sa paglalakad hanggang sa mamulat siya sa katotohanang wala na roon ang tinapay na inaasahan. Tapos, maghahanap na lang siya ng bagong mumo. Isa pang halimbawa: kapag kinausap ko ang langgam, hindi niya ako maiintindihan.
Wala siyang kakayahang magtanong kung ano ang nangyari. Tuluy-tuloy lang siya sa pagkalanggam niya nang hindi man lang niya nababatid na ginawa ko na siyang tanga.
3.
Kanina, habang paakyat sa hagdan ng Recto Station ng LRT-2, may nakita akong tatlong mamang may hawak na mahabang, mahabang walis. Sinusubok nilang tanggalin ang tatlong lobo (dalawang puti, isang luntian,) na nakasabit sa kableng nagpapatakbo ng tren. Sinusubok kong maghanap ng matulain sa eksenang iyon, sinusubok kong maghanap ng dalumat. Siguradong may dalumat, 'ka ko. Pero walang dumating kundi mga tanong:
Papaanong nakarating ang mga lobong iyon doon; sinong bata ang napaligaya ng mga iyon? Bakit sila pinakawalan? At saang lupalop sila lalapag kapag, matapos nilang maglaho sa malawak na bughaw, ay kailangan na nila muling sumuko sa grabedad?
Nangyayari ang nangyayari; iyon na ang mismong paliwanag. Umusad ang tren, tumigil sa harap ko, at nakita ko ang pawisan kong sariling sinalamin ng pawisan niyang pinto. Kailangan kong matutong tumanggap. Kailangang hindi sumuko sa pagdilat. Kailangan kong sumakay, kundi maiiwan ako.
4.
Papaanong nabubuo ang bundok, ang dalampasigan, sa kahabaan ng panahon? Gusto kong maniwalang may lohika ang landas na binabagtas ng isang patak ng ambon sa bintana ko. Ngunit isa na naman iyong dilema: kay hirap maniwala sa mga bagay na di naman kayang ipaliwanag. At bakit may dumaang bulalakaw ngayon mismo, sa mismong pitak ng langit na tinitingalaan ko?
Habang tayo'y sumusukat ng panahon sa paglipas ng iglap, milyung-taon naman ang iskalang kinikilusan ng uniberso. Itong lahat ng natatanaw ko, kahit pa ba idagdag sa lahat ng natatanaw ng lahat ng nakatatanaw, barya lang sa kabuoan ng kalawakan. May sarili kayang kamalayan ang sansinukob, sariling wika, na hindi lang natin maarok?
5.
Ang ibig kong sabihin: Ako kaya, tayo-- kinakausap kaya tayo ng kosmos, at hindi lang natin maintindihan? Ginagawa rin kaya niya tayong tanga, paminsan-minsan, kahit hindi sadya?
6.
Tugon ng isang kaibigan sa tanong sa #1:
"bakit ka nangungulila? malay mo, merong nagbabasa o nanonood ng kuwento mo at kinikilig. :) but i know what you mean, somewhat. there comes a point where it ceases to thrill and all it does is hurt and ache."
Tugon ng isa pang kaibigan:
"hindi talaga kailan ang tanong mo. bakit. pero naniniwala ka sa pagkakaibigan, sa paggawa ng sariling naratibo, sa pag-asa. some days, those are enough."
Paminsan-minsan talaga, nabibighani pa rin ako sa mga pagkakataong nakakayang sumapat ng salita. May halaga pa rin naman iyon, di ba?
Ang ganda. Nasenti ako bigla. Kagabi pa ako nasesenti. Lalo pa akong nasenti nang mabasa ko ito. Nakakasenti ka. Hindi ako bading pero, palaplap nga. Isang beer. Sa susunod na linggo. Kablam.
Ang ganda. Nasenti ako bigla. Kagabi pa ako nasesenti. Lalo pa akong nasenti nang mabasa ko ito. Nakakasenti ka. Hindi ako bading pero, palaplap nga. Isang beer. Sa susunod na linggo. Kablam.