abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

ano, pukentopu? a, tokwa't baboy.
Sunday, November 27, 2005
Galit sa turista ang Maynila. O, siguro, sadyang hindi lang siya malambing sa mga hindi siya kilala, sa mga hindi niya kilala. Di tulad ng ibang lungsod, hindi siya mapang-imbita sa mga dumaraan lang, hindi siya nagsasabing, Halika, dito ka muna. Sandali pa, sandali na lamang. Hindi uubra sa Maynila ang maselan ang ilong, ang balat, ang walang rungis ang kuko. Hindi uubra ang madaling magsugat. Maraming mga kalawanging yerong nakausli sa bangketa, at matalas ang alikabok ng Maynila.

Ang ibig kong sabihin, kailangang tagarito ka para mahalin mo ang Maynila. Siya 'yung tipo ng lungsod na hindi gagawa ng paraan para mapalapit sa iyo: para ba niyang sinasabing: Heto ako, ganito. Bahala ka kung paano ka maglalakad sa mga iskinita ko.

Paano nga ba? Dapat palagi kang may barya sa bulsa, para may iaabot ka sakaling manghingi ng bayad ang mga suwail, marungis, gutom niyang anak. Dapat palaging may nakalambitin na sigarilyo sa mga labi mo. Dapat may angas ka para hindi ka na pagtangkaan pang sindakin ng mga anino ng lungsod ko.

Saka ka lamang magkakaroon ng tapang at karapatang hanapin ang kagandahang ikinukubli ng dumi. Heto, sasabihin ko: Wala sa Malate o sa Roxas, sa Carriedo, wala sa Intramuros.

Para makita ang kagandahan, kailangang abutin ka ng madaling-araw sa Avenida, kailangan mong makita kung paanong itinitiklop ng mga pulubi ang gusgusing kartong hinigaan nila kinagabihan sa bangketa. Matapos noon, kailangan mong tiisin ang pagkislot ng mga mata mo. Kailangan mo ring maramdaman ang paglubog ng araw sa Pier-- maramdaman lang, kahit nakapikit ka, kung paanong pati ang puso mo ay nagiging kulay-tsaa, unti-unti, nang para bang humahaba nang humahaba ang iglap na matatapos din naman-- habang dire-diretso lang sa pagtatrabaho ang mga kargador. Kailangan mong marinig ang huni ng tren sa kanto ng Antipolo at Misericordia, eksaktong menos kinse sa alas seis, araw-araw, walang sablay. Kailangan tumanggi kang tawaging Arsenio Lacson ang Forbes, Gil Mendoza ang Andalucia, Tomas Mapua ang Misericordia. Kailangan mong tumanggap ng sukling beinte-singko sa tuwing bibili ka ng Marlboro sa harap ng San Roque o Espiritu Santo. Kailangang mahilig kang magsabi ng salamat.

Kailangan mong tingnan ang agiw at alabok na namuo sa mga sulok ng mga lumang gusali ng Recto at Abad Santos at Dapitan, kailangan mong marinig ang bulong nilang, Nandito pa kami, hindi pa gumuguho, matibay pa rin. Kailangang marunong kang tumanggap. Kailangang may gabing tumutubo at lumalawak sa dibdib mo sa tuwing malalayo ka; kailangang maramdaman mo iyon, iyon, para may umaga ka namang aasahan sa bawat mong pag-uwi.
posted by mdlc @ 5:22 PM  
2 Comments:
  • At 11:43 AM, Anonymous Anonymous said…

    nainggit naman ako dito. oo, kilala ko ang maynila (hindi nga lang lahat nito), mahal ko 'to at mahal ko mag-gala at magcommute. nakaka-relate ako sa palagiang pangangailangan na meron kang barya,sa pangangailangan ng angas dahil mahirap mag-mukhang nene o totoy sa kalye. kaya lang ang mahirap dun, babae ako, at gaano ko man ipilit na ok lang kahit babae ako, mas mapanganib talaga ata para sa babae maggala mag-isa pag gabi, at wala naman akong nayayayang makasama na maglibot. kaya nakakainggit, balang araw malilibutan ko din yang mga sinabi mo:)
    at astig! gusto ko din ng EP! kaya langhindi ko alam ung kailan ako makakakuha

     
  • At 7:35 PM, Anonymous Anonymous said…

    ay timang,di ko nalagay...si anj nga po pala to

     
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto