abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

hopia mani popcorn
Monday, November 14, 2005
1.

May kaibigan akong nagtuturo ng logic sa FEU. Medyo malayo ang Logic sa Electronics and Communications Engineering, na siyang natapos niya. Pero okey lang, kasi kaya naman niyang ituro 'yun.

Sa FEU, unang kinukuha ng mga estudyante ang Philosophy of Man kaysa logic. Huwag mo akong tanungin kung bakit, dahil hindi ko rin alam. Noong unang araw ng klase, tinanong ng tropa ko sa mga estudyante niya: "O, ano naman ang natutunan ninyo last sem sa Philo of Man ninyo?"

Ang sabi ng isa: "Sir, natutunan namin na likas na masama ang tao."

Tinanong ng tropa ko kung sino sa kanila ang naniniwala du'n.

Lahat, nagtaas ng kamay.

2.

Noong undas, nagpunta kami ng kuya ko sa sementeryo. Alas nuwebe na ng gabi noon, at para kaming naglalakad sa ghost town nu'ng papunta sa maliit na pitak ng lupang dadalawin namin. Wala nang katao-tao.

Tinanong ako ng utol ko: "Napansin mo ba-- noong bata tayo, parang ang layu-layo ng nilalakad natin papunta kina Lolo Lai Ah? Tapos habang tumatanda tayo, parang lumalapit na?"

Lumalaki naman kasi tayo.

"Oo nga. Pero mas halata ang pagtanda natin, ano, kung minsan sa isang taon lang natin pinapansin?"

Ngayon, Nobyembre 14, birthday ni Kuya. Sa kabila ng lahat, lahat ng kagaguhan at tampuhan namin, paminsan-minsan-- gusto ko siyang batiin dito, kahit hindi niya binabasa.

3.

Tapos, pauwi galing sa sementeryo, dumaan kami sa San Roque.

Mayroong simbahan ng San Roque sa kanto ng Kalye Cavite at Avenida Rizal. Hindi kami doon pumunta. Pumunta kami sa katabi nitong San Roque Grocery, para bumili ng extrang kandila. Nasa San Leonardo ang puntod ni Inang, sa Nueva Ecija. Nang makarating sa bahay, kinuha namin ang luma niyang litrato, at nagsindi ng kung-ilang kandila sa harap nito.

"Napansin mo bang parang ang lungkot ni Inang sa litratong 'to?"

Napansin mo bang bihira ang pagkakataong ngumingiti ang tao kapag walang nakatingin?

Bumili rin nga pala kami ni kuya ng long neck na Ginebra Blue at Tang. Sa kahabaan ng gabing iyon, madalas rin kaming napangiti. Kahit walang nakatingin.

4.

Nang nasa bahay na kami, nakita ko si Erpats, nakaupo sa bangketa, nagsisindi ng mga kandila. Labing-apat, nang bilangin ko. Sabi ko, ang dami naman niyan.

Tapos tumayo siya at inakbayan ako, at itinuro isa-isa ang mga kandila:

"Ito, kay Tiyo Atit, kay Pareng Reli, kay Auntie Ludy..." mga kaibigan at kamag-anak na hindi na niya nadalaw.

Inisip ko isa-isa 'yung mga kaibigan na hindi ko nadalaw. Mabuti naman at wala pa-- o baka hindi ko lang talaga maalala.

Ginusto ko ring magsindi ng kahit isang kandila, para sa lahat ng kaluluwa sa purgatoryo. Kaya lang wala na akong pambili.

5.

Kagabi, habang pinapanood ko ang Golden State at Phoenix sa TV, biglang napahiyaw ang nanay ko.

Bumili raw siya noong hapon ng papaya, para sa tinola. Ipinatong raw niya 'yung envelope sa isa sa mga bilao habang nagbibilang siya ng pambayad. Ang laman nu'ng envelope: mga importanteng papeles, 'yung tungkol du'n sa susunod sa collective bargaining agreement ng unyon, at saka pera. Medyo malaki 'yung halaga. Tangina, 'ka ko, tara.

Sinamahan ko siya pabalik sa palengke, at habang naglalakad e nag-iinit na rin ang ulo ko. Pag ganoong kahalaga, 'ka ko, huwag mong ilalayo sa katawan mo. O kaya iwan mo na lang sa opisina. Nantokwa, alam mo naman dito sa lugar natin...

Tapos, malayo pa, nang makita siya nu'ng tindera ng papaya, ang sabi, "Naku, ma'am, kanina pa nga namin kayo inaabangan. Buti na lang po at dito ninyo sa amin naiwan." Abot ang pasasalamat ni Ermats. Mamaya raw e daraan siya sa Goldilocks para ibili ng kung-ano man 'yung tindera.

Lumingon ako nang naglalakad na kami ni Ermats papalayo. Nakangiti ang tindera, kahit hindi naman niya alam na nakatingin ako.

***

Extended nga pala ang deadline nu'ng Anthology ni Ken Ishikawa at Doc Cirilo. Itinulak sa Novemeber 30. Habol ka pa.
posted by mdlc @ 4:12 PM  
1 Comments:
  • At 12:59 PM, Anonymous Anonymous said…

    Napansin mo bang bihira ang pagkakataong ngumingiti ang tao kapag walang nakatingin?


    naalala ko tuloy na oras na pala ng pahinga


    napadaan lang

     
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto