May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
hindi ko kilala si abner
Wednesday, October 05, 2005
Naaalala n'yo pa ba si Abner? Siya 'yung kapatid ni Baratong, 'yung dating may tindahan dito sa tabi ng haybols namin. Siya 'yung nanghampas ng bote ng Red Horse nang minsang may tagilid ang tabas ng dila na hiniritan ako.
Umalis na ang pamilya nila. Sa pinto ng bahay kung saan sila umupa, may ipinaskil ang erpats ko: For Rent. Inquire at 2307. <---. Maya't maya e may kumakatok sa bahay namin para silipin ang bakanteng apartment; up-and-down, dalawang kuwarto sa itaas. Minsan kahit tinatawaran ng siyete mil e pumapayag na ang erpats ko, para lang hindi nakatiwangwang 'yung bahay. Sayang din kasi 'yung nawawalang pera buwan-buwan.
Kahapon, habang nagbabasa ng diyaryo si Erpats sa harap ng pinto namin, may isa na namang lumapit. Mamang mukhang seryoso; may bigote at nakaleather jacket kahit nanggigigil ang araw. Tinatanong si Erpats kung matagal na raw bang bakante 'yung apartment.
Kasi raw, 'yun daw ang huling napagkaalamang address ng isang Abner. Sabi ni Erpats, naku, wala siyang kilalang Abner. Sabi nu'ng mamang mukhang seryoso, Sigurado po ba kayo? May hitsura, medyo maitim, punung-puno ng tato, at namamasada ng traysikel. Sabi ni Erpats, wala. Tahimik ang lugar namin.
Sabi nu'ng mama, O, sige po, sakali pong may makita kayong ganu'n ang hitsura, pakitawagan lang po kami. Sabay pakita ng tsapa, at ng warrant of arrest para kay Abner.
Kaya nga kanina, habang kumakain ako ng nilagang itlog, habang isinusukbit sa likod ng tainga ang rise-and-shine yosi ko, binulungan ako ni Erpats. Pag may nagtanong raw, wala akong kilalang Abner. Basta walang Abner na tumira sa tabi ng bahay namin dati.
Kaya nga pinilit kong burahin si Abner sa isipan ko; ito na siguro ang huling beses na babanggitin ko siya sa kahit kanino. Ehersisyo 'to sa sapilitang paglimot. Unti-unti ko nang kinakaya: walang Abner na puno ng tato ang katawan, walang Abner na may asawang mataba, walang Abner na gabi-gabing nagpapainom sa tapat ng tindahan nila, walang Abner na yinaya akong mag-tsonki minsan pero tinanggihan ko dahil gusto kong i-preserve ang goodboy image ko dito sa kalye namin. Walang Abner na kriminal, na hanggang ngayon e hindi ko pa rin maipaliwanag kung bakit gustong pagtakpan ng tatay ko, kung bakit gusto ko mismong pagtakpan.
Hindi ko siya kilala. Ginoogle ko pa nga si Abner, pero hindi ko na sigurado kung siya ito:
O ito:
At kayo, kayong mga nagbabasa nito, kapag may mamang mukhang seryoso na nilapitan kayo, pakiusap, pakisabi, hindi ninyo kilala si Abner, wala kayong kilalang Abner.