abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Ilang Katotohanan
Tuesday, July 26, 2005
Naghahanap ako ng sasabihin, 'yung makatotohanan, 'yung totoo. Kaunti lang kasi ang ganu'n sa mundo, e, 'yung totoo. Heto ang ilan sa mga naisip ko:

1. Palagi akong walang pera.

Hindi naman palagi; ayan, tingnan n'yo, umpisa pa lang, una pa lang sa listahan, sablay na. Hindi naman ako palaging walang pera; kung ganu'n, e di hindi na ako makakainom, makakapanood ng sine, makakabili ng libro, kahit 'yung gamit na. Ire-revise ko nang kaunti. Sige, ulitin natin:

1. Palagi kong kailangan ng pera.

Alam n'yo 'yung patalastas ng sky cable? 'Yung may bata, kyut at medyo chubby, na kinausap ang tatay niya tungkol sa cable account nila na naka-tap lang sa kapitbahay? Ang sabi ng bata, "E di ba, Daddy, masamang magnakaw?" O something to that effect, ewan. Kung dito sa amin nangyari 'yun e baka napalo ang bata. Baka napamaga ang malaman niyang puwet.

Sina Aling Baby lang ang may cable account sa magkabilang Makata. Lahat ng tao dito sa amin nagtitipid, kaya't sa magkabilang Makata, lahat ng tao may cable TV, kaya lang naka-tap kina Aling Baby 'yun.

Isang araw tumawag si Aling Baby sa opisina ng Sky Cable. Malabo raw ang reception ng TV niya. Kasi nga dalawang barangay ang nakikisawsaw sa linya ng cable niya. Kaya kinagabihan, pag-uwi ko galing sa trabaho (kuno,) nakita kong naglambitin ang mga pinagpuputol na kawad ng cable TV, parang mga putikang hibla ng spaghetti.

Kinabukasan, pumunta ako sa Nitron Electronics sa kanto ng Avenida at Blumentritt. Bumili ako nito:

1.1. two-way splitter, PhP 25.00
1.2. connector ('yung may nakausling alambre, kabilaan,) PhP 14.00

Hiniram ni Baratong ang forklift ni Roderick Ulo at isa-isang ibinalik ang cable TV ng buong barangay. Sadyang ganyan ang bayanihan dito sa amin.

Pagbukas ko ng TV, napansin kong wala nang HBO, walang Star Movies, AXN, ETC, Karera Channel, at marami pang iba. Iniba ng Sky Cable ang areglo ng mga channel. Nasa matataas na channel na ang mga 'yun.

Noong pasko, pumunta ako sa pier, sa may Intramuros. Doon ang bagsakan ng mga surplus na TV galing sa Japan. Bumili ako nito:

1.3. 27" Sony colored TV, PhP 3,100.00 (tinawaran galing sa PhP 3,600; may kasamang autovolt regulator, na kung bibilhin nang hiwalay e nagkakahalagang PhP 150.00 )

Sulit, di ba? 'Yun nga lang, sulat Hapon ang display, at hanggang channel 37 lang ang kayang kunin. Okay lang dati, pero magmula nang iangat ng buwakananginang cable company na 'yan ang HBO, Star Movies, AXN, ETC, at Karera Channel, mula nang nagkaganu'n e naging chess at solitaryo ang libangan ng tatay ko sa bahay.

Matapos ikabit muli ni Baratong ang cable TV namin, pumunta ulit ako sa Nitron Electronics at itinanong kung ano ang puwede kong gawin, matapos isalaysay ang dilema ko. Ito ang rekomendasyon ni Rootbeer, na siyang palaging nagbebenta sa akin doon:

1.4. Cable Converter, made in Taiwan, PhP 1,595.00

Umuwi ako at bumili ng Sarsi at isang istik ng Marlboro sa tindahan ni Baratong. Nagtiis ako sa CubeTV, 'yung parang chatroom sa TV. May isang nagsabi doon sa chat:

"looking for gudluking, inteligen female. 16-25 yr old. bawal pangit! txt landlyn to 09xxxxxxxxx."

Tapos kumatok si Baratong, hindi ko pala nabayaran ang binili ko. Biglang sumakit ang ulo ko. High blood lang siguro 'yun.

Isa pang katotohanan na napulot ko mula rito:

2. Lahat ng tao, palaging kailangan ng pera.

Aalis na sina Baratong sa Agosto. Inuupahan nila ang apartment sa tabi namin, nagpaalam siya sa tatay ko, kung kanino siya nagbabayad ng upa. Mahigit tatlong taon din ang inilagi ng pamilya nina Baratong dito.

Sa huling tatlong buwan nila rito, hindi nakabayad ng kuryente sa Meralco ang pamilya ni Baratong. Paano ba naman daw kasi, ang init noong tag-araw, kaya't maghapon-magdamag ang aircon nila. Inabot tuloy ng kung ilang libo ang utang nila sa Meralco.

Si Abner, kapatid ni Baratong, may traysikel. Gabi-gabi silang nag-iinuman sa kalsada. Madalas kong marinig na nagsisigawan sila ng asawa niya. Madalas kong makitang may pasa sa mukha ang asawa niya.

Noong isang araw, nakita kong tumatakbong papauwi ang asawa ni Abner, umiiyak. Nilapitan niya si Manong Bal, tatay ni Abner, at sinabing, "Papa, papa, si Abner nasa Singko!"

Si Manong Bal, mataba, maitim, at may-ari ng isang jeep biyaheng Blumentritt-Tutuban. Ang sabi niya du'n sa asawa ni Abner, "Ha? Sabihin mo pamangkin siya ni Major!" At sabay silang pumunta sa Singko, sa Presinto Singko sa may Manuguit, pagtawid ng Abad Santos. Napatrobol kasi si Abner.

Kung ano ang kinalaman nito sa paglipat nila ng bahay, hindi ko alam. Pero nu'ng gabi, pinatagay ako ni Abner ng Red Horse, na tinanggap ko sa pagkakataong ito, dahil alam ko ngang aalis na sila.

Habang umiihi sa iskinita matapos ang napahabang inuman kasama si Abner, habang pinapagpag si manoy, napayuko ako at napansing wala ang kuntador ng kuryente nina Abner. Naalala ko ito:

2.1 Law of Conservation of Mass and Energy.

The total mass and energy in the universe is constant. Energy and mass can neither be created or destroyed.

Saan kaya kumukuha ng kuryente sina Baratong? Hindi ko alam, kaya ko nga naisip na idagdag sa listahan ang dalawang katotohanang ito:


3. Kapag walang pera ang tao, kaya na niyang labagin ang mga batas ng pisika; at

4. May mga tanong na hindi na dapat binibigkas kung ayaw mong mapahamak.


Hindi lang pala ako ang nakapansin ng nawawalang kuntador nina Abner. Si Enteng, na palagi niyang kainuman at drayber rin ng traysikel, ang unang bumati sa kuntador. Ang hirit ni Enteng, kung tama ang pagkakaalala ko, ay parang:

4.1 Hahaha, pare, mukhang nagagamit mo 'yung pinag-aralan mo sa bokeysyunal, a! Naka-tap ba kayo sa kapitbahay n'yo?

Nakitawa si Abner sa lahat ng nakapalibot na nag-iinuman, pasimpleng pumulot ng bote, at hinampas sa ulo si Enteng. Hindi na ako nakigulo, dahil okey na ang amats ko. 'Eto ang dalawa pang katotohanan na napulot ko sa ginawa niyang 'yun:

5. Mas masarap maglasing kapag ang problema mo ay kawalan ng pera.

6. Madaling mag-init ang ulo ng taong lasing.

Ang sabi ni Abner sa duguang Enteng:

"Putanginamokangputanginaka, binabastos mo ba ako? Sa tingin mo gugulangan ko pa 'yang sina Mikael, e pare-pareho naman tayong gusto lang namang makaraos dito?"

Kaya ko naman naisip ang huling entry sa listahan ko ng mga katotohanan:

7. Hindi nanlalamang ng kapwa walang-pera ang taong walang pera.

Kahapon, bago ako umalis, nasilip ko ang mga kahon na nakatalaksan na sa may pintuan nina Baratong. Bumili ako ng Sarsi at isang istik ng Marlboro. Hindi ko na kinalimutang magbayad noon.
posted by mdlc @ 4:19 PM  
13 Comments:
  • At 5:54 PM, Blogger xxx said…

    ayuz. sana, totoo rin sa lugar namin yung huling katotohanang inilista mo rito.

     
  • At 6:00 PM, Anonymous Anonymous said…

    you are looking for HOPE. don't worry. huwag ka maghanap. huwag ka maghanap. huwag ka maghanao, sabi eh.

    =)

     
  • At 6:07 PM, Anonymous Anonymous said…

    self-righteous weird girl. I am sorry. I was the anonymous. please forget it. Totoo ka, meyn. ano BANG klaseng katotohanan ang gusto mo? Hanggang beauty lang tayo.

    =)

     
  • At 6:38 PM, Blogger mdlc said…

    yol: ay, kung hindi, ang hirap naman lalong tumira sa teritoryo n'yo. may mga magugulang rin dito, pero kadalasan 'yung mga gago e hindi nanggagago ng kapwa gago.

    anonymous: ikaw rin ba 'yung anonymous na humirit kay ej nu'ng nakaraang post?

     
  • At 12:06 AM, Blogger vlad said…

    ang gwapo mo a!kokopyahin ko na yung tula mo ha, save ko sa pc. yun.

     
  • At 7:17 AM, Anonymous Anonymous said…

    oo. bakit naman hirit? oo nga, no. hirit.

    =)

     
  • At 7:33 AM, Anonymous Anonymous said…

    pakisabi kay EJ, Erin ang nickname ko. =)

     
  • At 9:48 AM, Anonymous Anonymous said…

    isa pang katotohanan: katunayan nga nyan e kadalasan kung sino pa ang may pera e siya pa yung manggugulang sa mga walang pera. malabo pero totoo.

     
  • At 12:01 AM, Anonymous Anonymous said…

    Isa pang katotohanan isa pang katotohanan... tss Why don't you just get your own blog Erin.

     
  • At 10:23 AM, Anonymous Anonymous said…

    hindi ako ang nagsabi ng "isang katotohanan". heehee. may mga smileys iyung posts ko. at may blog rin naman ako kaya tumino ka sana sa pagko-comment mo.

    Erin

     
  • At 9:13 PM, Anonymous Anonymous said…

    parang sa pelikula...

    kael, email mo ako kun ggusot mo pagkakitaan tong blog mo, haha!

     
  • At 7:17 PM, Blogger mdlc said…

    ria: pagkakitaan? mmm, maganda ang tunog niyan, a. email add mo? ano'ng meron?

     
  • At 7:47 PM, Blogger Peachy said…

    Mikael!!! Hahahaha! Ang kulit ng post na 'to!

     
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto