May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Sunday, June 19, 2005
Anakanamputa. Kagabi, sa Fete de la Musique: kahit saan, pawis. Pawis ng mga jologs na nagrambulan sa may Rock Stage, mga jologs na naghahabulan papalabas ng Alternative Stage, pawis ng mga nakakabuwisit lang talaga, mga walang pakundangan sa kapwa nilang gustong makinig lang. Pawis ng mga kasamang nakapila sa Blues Stage na di naman din nakapasok dahil sa pawisan ding guwardiyang nagsasabing punong-puno na po sa itaas. Pawis sa noo ko na pilit kong iniibsan ng nagpapawis na bote ng Pilsen sa Jazz stage, pawis sa kilikili kong lalong nanlagkit nang binayaran ang beer na tag-sietenta pesos, pawis ng mga anak-mayamang ngumingiti-ngiti at tumatangu-tango habang nag-iimprov si Jun Cadiz at naglalaro ng mga pantig si Skarlet. Pawis sa kilay nu'ng nabilhan ko ng New American Review, 1969, na may lamang Mark Strand at Robert Bly at Stanley Kauffman, para sa treinta pesos, pawis niya nang pilit kong tinawaran ang Microserfs ni Douglas Coupland, pawis sa gilid ng mga labi niya nang napangiti na lamang siya at pumayag at kinuha ang bayad ko. Pawis ng mga Fil-Am sa Hip-Hop Stage, na nagbabattle a la 8 mile, pawis sa maninipis na sando nila nang mag-angasan lang sila at maghiritan, pawis sa naha-high-blood na batok ko habang naaalala ang blog entry ni Carl ukol sa local hip-hop scene. Pawis sa World Stage nang sabay-sabay na nakikikanta ang lahat ng pawisang nilalang sa sansinukob sa Tropical Depression, pawis sa dulo ng daliri ni Sancho habang tumutugtog, pawis sa talampakan ng lahat ng taong nakinig. Pawis na naipon sa maliit na pitak ng lupang iyon habang unti-unting numinipis ang mga tao tungo sa kung saan man dinadala ng hangin at madaling-araw ang huling alingawngaw ng Pinikpikan. Pawis na dinalangin kong mahulog mula sa langit, pawis na hinaraya kong kumawala sa kulapol ng mga ulap nang di na ako makatiis sa pawis. Pawis sa mga palad ng kaibigang kinamayan at masinsing tinitigan, mga kaibigang matagal nang di nakita at matagal pa uling di makikita. Pawis sa palad. May isang kamay na ninanais pang hawakan. Pawis sa palad.
***
Anaknamputa. Ewan. Nakauwi na nga't lahat, 'eto pa rin. Tanginang hangover 'to. Dahil nagpangako ako. Bahala na kayo.
Dumaguete, Sa Pagitan
May mga pananahang hindi kayang lunasan ng pag-uwi. Kung ano ang pag-uwi, hindi ko alam. Kung ano ang aking nalalaman? Matalas ang mga kanto sa lupalop ng mga pagitan. Sa pagitan ng laot at dalampasigan, pinupunit ng mga alon ang namumuong alinsangan. Hinihiwa ng mga sinag ang naghihimulmol na kalawakan. Sa kabila ng dalampasigan, may isang lungsod na dinarantayan ng dagat. Wala ako roon;
narito ako't gumugunita: Sa pagitan ng pananatili at paglisan, may isang iglap ng alinlangan. Nakalisan na ako, ngunit mapikit lamang ay dumaragan sa alaala ang lungsod na iyon: ang pasahan ng liwanag sa pagitan ng mga araw, ang maikling promenada sa lamlam ng takipsilim, ang buntong-hiningang maya't maya kung dumalaw. Sa pagitan ng paglimot at gunita, may pagnanasang magwika: May mga pananahan na di kayang lunasan ng pag-uwi. Kung ano ang pag-uwi, hindi ko alam,
marahil, hindi ko na malalaman. Kung ano ang pananahan? Itong tinik na nakasilid sa dibdib, tumutubo, umuukit ng titik at pagnanasang makabalik. Sa pagitan ng lantsa at ng hinahapunan nitong daungan, may lubid na nilulumot, binabakbak ng tubig-alat. Sa pagitan ng gunita at pagwiwika, may isang lungsod na dinarantayan ng dagat. May isang lungsod na dinarantayan ng dagat— nasasabi ko ito nang di napapipikit,
pagkat tumindig na ako kung saan nababali ang tubig, at tinanaw ang—alin? Wala kundi ang mga butil na nagkumpol sa aking mga paa, parang mga lungsod na kumikinang sa abot-tanaw na iisang dipa.
nasa fete din ako sa ortigas nung sabado. oo puro pawis nga. umuwi ako nang maaga. =)