abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Monday, May 30, 2005
Dahil naintriga ako. Galing kay Gabs.

1. Do you think you can express yourself in English the same way you did in Filipino? What were the liberties that you experienced after switching literary languages, and what were the difficulties you encountered after deciding to write poetry primarily in English?

Hindi ako sigurado, e. Hindi ko nga sigurado kung mas malawak ang kaalaman ko, craft-wise, sa Ingles o sa Filipino; hindi ko naman maikakailang malaking bahagi ng mga nabasa ko e nasa wikang Ingles.

Wala namang masyadong hirap; siguro, 'yun lang pag merong linya na mas suwabe sa Tagalog, pag may imahen o utterance na mas eksakto ang pagkakarender kung sa Tagalog, tapos sa Ingles na nasimulan ang tula.O kahit sa kabaliktaran nu'n-- kung Tagalog ang tula ta's Ingles ang linyang gustong pumostura. Ganu'n talaga, e, di maiwasan; hybrid ang experience. Malas lang dahil hindi madaling gawing hybrid ang wika ng tula, di ko masakyan pag ganu'n. Pag ganito, wala akong magawa--tatandaan ko na lang ang linya; tutal, magagamit pa naman 'yun, e.

At saka, hindi naman ako nag-"switch ng literary language." I haven't decided, at least not consciously, to write poetry primarily in English. Kabaliktaran nga, e: mula noong nagsisimula akong magsulat, aaminin ko, bago nitong Marso, malay kong pinipigilan ang sariling magsulat saIngles. Malay na desisyon para sa akin ang magsulat sa Tagalog. Gusto ko noong masabi sa sariling tumutula ako para sa mga taong pinagkakautangan ko ng loob, sa mga mukhang nakikita ko sa araw-araw. Ang hindi ko napagtanto noon, (na baka ngayon e hindi ko pa rin lubusang nauunawa,) e dinamiko sa pagitan ng mambabasa at manlilikha ang sining. Hindi ko naman puwedeng ikaila ang pagkahybrid ng karanasan natin, bilang bansang napasailalim sa kung sinu-sino at kung kani-kanino. Sa huli, kinailangan kong subuking pakawalan, patagasin, ang sa tingin ko'y malalim na kaban ng ekspiryensiya na kaya lang itawid sa wikang Ingles. Pero hindi ako tumigil magsulat sa Tagalog. Katunayan nga itong blog na 'to.

Ang sigurado lang ako: tumatawid ng mga boundaries ng wika at ng genre ang sining. Maaari kong piniling maging karpentero o kusinero o panadero. Ang punto, madaling aralin ang wika at ang craft. Nababasa 'yun, puwede kang mag-enrol o bumili ng sangkaterbang libro o magpaworkshop sa mga kabarkadang may alam na sa pagsusulat. Ang mahirap, 'yung mabuhay, o isabuhay ang sining mo. Kasi, ano pa nga ba ang sining kundi pagta-transcribe ng human experience? Hindi paglikha ang paglikha, sa tingin ko, hindi nanggagaling sa wala ang tula. Hinuhubog lang natin ang wika para itawid sa kalakhang mundo (nakikinig man ito o hindi,) ang mumunting katotohanang kaya nating hawakan. Kung baga, kung hihiram ng ilang termino mula sa mga istrukturalista, may kani-kaniyang mga paroles tayo; sining ang ga-kurot nating kontribusyon (rebelyon?) sa langue.

2. Are workshops valid venues for learning the craft of writing? Or are they excuses for a bohemian lifestyle?

Depende sa kung aling workshop. Kung workshop ng mga tropa-tropa, 'yung tipong ginagawa natin nina Joel, karga ang ilang bote ng beer at ilang ligaw na pirasong papel, oo naman, suwabe 'yun. Du'n tayo natututo.

Pero sa tingin ko ang tinutukoy mo e 'yung mga institutionalized na workshop, tulad nitong pinanggalingan ko. Muli, ang sagot, depende. Di mauubos ang papuri ko para sa format ng Iyas Workshop na ginanap saBacolod. Pero sa totoo lang, kahit nakasulat kami ng bagong tula o nakapagrebisa doon, pakiramdam ko, may kulang. Gusto ko sanang nakilala pa nang mas malalim ang lahat ng co-fellow ko. Sa nangyari nga, iilan lang ang kalasingan ko gabi-gabi, at iisang gabi lang kami lumabas para mag-videoke.

'Yung karamihan naman ng ibang workshop, at least 'yung mga napuntahan ko, may kani-kaniyang estetikang sinusundan-- na hindi naman maikakailang halos pare-pareho. Talagang makakatay ang tula mo kung mangahas kang kumontra sa pormula. Bad trip 'yun-- ang tanging tulang "tama" para sa ibang panelist, e 'yung angkop sa "I see something so I remember something" na pormula. Kapag walang catalyst (sabi nga ni Eliot,) o walang obyus na metapora, wala, yari ka, katay talaga.

Pero, siyempre, hindi naman dapat nagpupunta sa workshop ang mga kabataang tulad natin para magpasikat, para mag-abang ng papuri mula sa mga literary bigwigs. Pag ganu'n, mawawalan ng progression at pagtubo ang panitikan.

Kailangan nating tanggapin na itong mga matatandang 'to e may sariling mga pamantayang sinusundan, at kung hindi natin kayang tanggapin ang maganda para sa kanila, habang sabay na iginigiit ang makabuluhang pagbabago, e mas mainam na umistambay na lang tayo sa bahay, magpakita ng mga tula sa mga kaibigang sigurado tayong magsasabing,"waw, astig, tinamaan ako sa tula mo, puwede ko bang i-email 'to sa nililigawan ko?" Kung kuntento na tayo sa ganu'n, wala nang silbi ang workshop para sa atin. Nga lang, wala kang magiging bagong kaibigan, di ka makapaglalakad sa boulevard ng Dumaguete o makakaistambay sa malamig na kalsada ng Baguio, di makakapaglasing gabi-gabi o makakapagvideoke kasama ang mga panelist na kahit papaano e itinuturing kang kaibigan. Magpapakabayaw ka lang sa bahay.

Ang pinakapinupunto ko lang siguro e hindi natin dapat hatiin sa ganitong binary opposition ang workshop experience. Naniniwala ako na nag-aapply ang mga tao sa workshop dahil gusto nating matuto. At kasama sa pagkakatutong iyon ang paglalasing, tsonki kung tsumotsonki ka, pagbi-videoke hanggang maubos ang malay, pagpupuyat sa tabi ng dagat. Pakikisama. Ibabalik ko siguro du'n sa paninindigan kong kailangan munang mabuhay ng makata bago siya makasulat. Tingnan mo-- ilan bang mahuhusay na tula ang nasulat dahil sa workshop experience sa kung saan-saan? Di ba, marami?

3. If you were born in another lifetime, who do you think would be your parents and what would they be doing for a living?

Ahahaha. Si Erpats, malamang mayaman 'yun sa ibang tanangbuhay. Kasi mahilig siyang umistambay, e. Pero magaling siyang makisama, kita ko naman sa pakikitungo sa kanya ng mga barkada niya. Mataas ang tingin sa kanya ng mga tao, tapos mahusay siyang umayos ng gusot, tapos iniisip niya ang kapakanan ng kabuoan, di lang ng iilan o ng sarili niya. Sa tingin ko, (tutal, in another lifetime naman,) pulitiko ang Erpats ko.

Si Ermats, mahusay ding makitungo, mahusay na communicator, maasikaso sa lahat, masipag. Mahusay din ang memorya. Sa tingin ko, kahit aling tanangbuhay mo ipasok ang ermats ko, titser at titser lang din ang kababagsakan.

Tama ba 'yung pagkakagets ko ng tanong? Kung hindi, malas.

4. What would you like to name yourself, if given the chance?

Gusto ko sanang hindi ganitong kaikli ang apelyido ko; sagwa, e. Tsaka tutal, isang tabong dugo na lang naman ang ikina-Intsik ko. Nantokwa kasi ang angkan ko, di na lang ginaya 'yung ibang mga Intsik na kinuha ang buong pangalan ng patriarch nila at 'yun ang ginawang apelyido.

Puwede rin, 'yung maiden name ni Ermats, 'yung de Lara. O kaya 'yung maiden name ni Lola Meding, bale middle name ni Erpats, 'yung Crucillo. Hindi masyadong kakaiba, hindi takaw-pansin, pero hindi rin karaniwan.

Sa pangalan ko mismo, suwabe na 'to, kuntento na ako. Pero ayoko nu'ng inilagay na maikling ka-eklatan sa simula. So, kung ako ang makakapili ng pangalan ko, siguro, Mikael de Lara o kaya Mikael Crucillo.

5. Choice: would you marry the woman of your dreams if it meant giving up your writing? Explain your answer.

Ang labo nito, a. Kasi, kung sino man ang magiging "woman of my dreams" ko, sigurado akong hindi niya ako pipigilang magsulat. At teka, ina-assume ba dito na gusto rin akong pakasalan ng woman-of-my-dreams? Kunwari, sige, type din niya ako.

Para mapadali, maghaharaya na lang ako ng situwasyon, a. Kunwari, may mambabarang na isinumpa kami ni woman-of-my-dreams. 'Yung sumpa, kapag nagsulat ako, kapag pumulot ako ng bolpen o humarap sa monitor ng may intensyong magsulat ng akdang malikhain, mamamatay si woman-of-my-dreams, maaagnas ang mukha niya, may lalabas na mga uod sa tainga niya, tutubuan siya ng maraming utong sa buong katawan.

Kapag ganu'n, oo, titigil akong magsulat. Para sa akin, napakaliit na bagay ng pagsusulat para ipagpalit sa hinahanap-hanap nating lahat, naniniwala man tayo sa pag-ibig o hindi, aminin man natin o hindi. Tae lang ang pagsusulat kung ikukumpara sa pagpapakatao. Du'n ko iuuwi: una palagi ang pamumuhay kaysa pagsusulat.

Pero muli, dahil nga naghaharaya na lang din ako ng situwasyon, maghaharaya na rin ako ng hapi ending. Magpapakasal kami ng woman-of-my-dreams, at titigil ako sa pagsusulat. Pero makakahanap ako ng ibang sining, pipili ako ng bagong sining, kunwari, pagkakarpentero. Pag-aaralan ko ito, pagpupuyatan, magbabasa ako nang magbabasa ukol dito at magpapaturo sa kung kani-kanino at magpapraktis nang magpapraktis.

Tapos, gamit ang sarili kong mga kamay, magtatayo ako ng bahay, 'yung magandang bahay, at doon ako uuwi, doon uuwi si woman-of-my-dreams, ang mga magiging anak namin. Dudungaw sila sa bintanang ginawa ko. Hahakbang sila sa hagdanang niliha ko hanggang sa kuminis itong parang salamin o tubig-dagat. Sa bahay na iyon, may isang kuwarto, at doon, doon nakahilera sa mga kabinet na ginawa ko ang lahat ng mga nasulat ko at nalathala, bago ko pa nakilala si woman-of-my-dreams, bago pa kami isumpa ng mambabarang, bago pa ako umibig.

***
Here are The Official Interview Game Rules:

1. If you want to participate, leave a comment below saying "interview me."

2. I will respond by asking you five questions - each person's will bedifferent.

3. You will update your journal/blog with the answers to the questions.

4. You will include this explanation and an offer to interview others in the same post.

5. When others comment asking to be interviewed, you will ask them five questions.

If you don't have a blog, I will still ask you 5 unique questions andyou can post your answers here.

Sana hindi ako napasubo dito. Larga lang.
posted by mdlc @ 2:04 PM  
6 Comments:
  • At 2:46 PM, Blogger the city reader said…

    sige nga, interview me. =) sana matuloy inuman natin bukas.

     
  • At 5:49 PM, Blogger mdlc said…

    para kay naya:
    (matutuloy 'yung inuman, excited na rin ako.)

    1. Gaano kalaki, sa tingin mo, ang itinubo ng pagtula mo magmula noong na-publish ang una mong tula? Saan mo kaya maiaattribute ito?

    2. Naniniwala ka ba sa multo, sa kulam, o sa iba pang mga sobrenatural na penomenon? Natatakot ka ba sa mga ito? Ipaliwanag mo naman.

    3. Kung magsasakatawang-tao ang Diyos muli (sa naniniwala ka o hindi,) sa tingin mo, saang lugar siya lilitaw, at bilang sino, anong klaseng nilalang?

    4. Naniniwala ka ba sa mentor (o, kung mas cynical ka,) sa padrino system na sinasabi ng ibang namamalagi sa Panitikang Pilipino ngayon? Kung hindi, bakit? Kung oo, ipaliwanag rin kung bakit, at kung sa tingin mo'y nakatutulong ba 'to o nakasasama.

    5. Kung mayroong isang araw sa buhay mo na puwede mo sanang nairecord sa video, buong 24 oras na iyon, aling araw ito?

     
  • At 9:16 AM, Blogger merchant of menace said…

    bayaw, interview me

     
  • At 3:10 PM, Blogger ramblingsoul said…

    k bayaw. ako rin.

     
  • At 3:19 PM, Blogger mdlc said…

    para kay carljoe:

    1. Tutal, Fil-Am ka naman: Ano, sa tingin mo, ang ikinaiba ng local music scene dito at sa 'tate? Ano ang inilamang ng eksena sa 'Pinas at paano magagamit ng mga musikero ang mga bentaheng 'to para lalong patubuin ang tugtugan?

    2. Alin ang mas masigasig sa eksena sa Philippine Lit in English: ang sa short story/ fiction writing o ang sa poetry? Bakit kaya ganito?

    3. Paano mo maiaapply ang Jedi philosophy sa (a) pagsulat; (b) tugtugan; at (c) matters op di heart?

    4. Paanong nagbago, kung nagbago man, ang buhay mo matapos ang bawat workshop na napuntahan mo?

    5. Puwede kang magtanong ng isang simple question sa Diyos-- at garantisadong sasagutin niya 'yun; yes or no lang, bawal ang follow-up question, walang eksplanasyon. Ano ang itatanong mo?

     
  • At 3:41 PM, Blogger mdlc said…

    kay bayaw joel :

    1. Nagalap ko, sa aking pagsasaliksik, na dati'y nagsusulat ka ng tula sa Tagalog. Ba't naging exclusive na sa Ingles ka na nagsusulat?

    2. Kung papipiliin, ano ang gusto mong maging propesyon/pasyon ng anak mong si Moira paglaki niya?

    3. Nagising ka ng isang umaga nang nakalimutan ang mukha at pangalan at lahat ng alaala ng kabataan mo (sa Cavite, say, hanggang high school), maliban sa pamilya at 3 pang tao. Sino ang 3 taong 'yun? Nagkikita pa ba kayo? Kailan mo sila huling nakausap.

    4. Gaya ng itinanong ko kay Naya, dahil sigurado akong interesante ang magiging sagot mo rito: Naniniwala ka ba sa mentor (o, kung mas cynical ka,) sa padrino system na sinasabi ng ibang namamalagi sa Panitikang Pilipino ngayon? Kung hindi, bakit? Kung oo, ipaliwanag rin kung bakit, at kung sa tingin mo'y nakatutulong ba 'to o nakasasama.

    5. Ano, sa tingin mo, ang pinakamahalagang naging kontribusyon ng "Pedro and the Life Force" sa Panitikang Pilipino? May follow-up ba 'yun? Kailan lalabas?

     
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto