May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Saturday, May 07, 2005
Balang-araw, magsusulat ako ng (mga?) tula tungkol dito. Walang nakawan ng binhi, a, pakiusap lang.
***
Mga alas singko, alas singko y medya siya dumarating dito. Araw-araw; o siguro, araw-araw mula nitong huling Linggo, mula nang magsimula akong umistambay rin, tuwing ganitong oras, sa isa sa mga restawran sa boulevard, dito sa tabi ng dagat. Nakabisikleta, sukbit ang gusgusing gitara sa balikat. Tumitigil siya sa harap ng mismong restawran kung saan ako umiinom, pero du'n siya sa kabila, pagtawid ng kalsada, sa promenada mismo ng boulevard, sa tabi mismo ng dagat.
Isasandal niya ang bisikleta sa isang poste ng ilaw, iisang poste lang ng ilaw, araw-araw, bawat dapithapon. Tapos haharap siya sa kalsada, at kakanta. Hindi ko siya naririnig, masyado siyang malayo, masyadong maingay ang boulevard: mga nagtitinda ng mani at fishball at sigarilyo, mga dumaraang truck at bus, nagkukuwentuhang estranghero. Bigay na bigay siya sa pagkanta; tumitiklop ang buong katawan at kalamnan sa bawat nota; pumipikit, umaangat ang kilay at balikat, tumitingala o yumuyuko. Mahahalata ng sino mang nanonood, kahit hindi niya marinig ang lyrics, kung chorus na ng kanta. Pero ako, hindi ko alam kung ano ang kinakanta niya, kung ano ang lyrics nu'n, kung maiintindihan ko ba 'yun, sakaling lumapit ako para makinig, kung may nakakapansin ba sa kanya, bukod sa akin, dito sa kabilang panig ng kalsada.
Siya naman, hindi niya napapansin na nakatalikod siya sa tanging nakikinig sa kanya, sa tanging naaantig sa bawat pantig na binibigyan niyang buhay. Kumikibit ang dagat, mumunting mga pagkilos; para bang ayaw magpahalata.
***
Dalawa rin sila, araw-araw rin, bawat dapithapon: ang isa nakaupo, mestiza, kulubot ang balat at abuhin ang buhok, dilat pero parang walang nakikita. Ang isa, naka-uniporme, itinutulak ang wheelchair, pabalik-balik, binabagtas ang magkabilang dulo ng boulevard. Kapag nakakasalubong ko sila sa mga sarili kong paglalakad, hindi ko mabasa sa mga mukha nila kung pareho sila ng iniisip, kung parehong, Maganda ang tabing-dagat kung dapithapon, o kung, Sandali na lang, sandali pa, sandali na lamang.
***
A man fancies himself a poet-- sits in a bar by the seaside, drinks two bottles of beer, looks at the sea, or tries to look at it. He has been doing this every day for the past week. Today he takes out his pen, his notebook. He wants to write something redeeming, something luminous. He starts a poem, tries to find some truth in what he sees. The smell of dead seaweed sticks to his skin like an old shirt with little holes in its armpits, like aloneness. He wants to end his poem with a period, but still, he knows that tomorrow he will be back here, and the day after that, and the day after that...
***
Wala munang pampagana ngayon. Naiwan ko 'yung Dunn sa kuwarto, e; nandu'n 'yung tulang gusto ko sanang i-post ngayon. Nakalipat na pala ako sa Silliman Alumni Hall. Bukas darating na ang mga co-fellows ko. Sana lang hindi ako masyadong nasanay, at natuwa, nang ganitong solo flight ako.
sa lahat ng kwento mo dito ako pinakana-tats...hayaan mo di ko ilalako :D tama ka, sana hindi tayo masyadong masanay at matuwa sa pag-iisa, nakakatakot ang kaisipang hindi na natin kelangan sinuman
sa lahat ng kwento mo dito ako pinakana-tats...hayaan mo di ko ilalako :D
tama ka, sana hindi tayo masyadong masanay at matuwa sa pag-iisa, nakakatakot ang kaisipang hindi na natin kelangan sinuman