abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Saturday, May 28, 2005
Halos ako na lang ang natitira dito. Si Des, bukas ang flight pauwi nang Maynila. Si Whitney, local naman 'yun, tagarito sa Dumaguete. Araw-araw naman siyang umuuwi, kaya hindi espesyal kung umuwi siya.

Magpapaiwan ako ng ilan pang araw. Kailangan ko sigurong i-digest, i-decompose itong tag-araw na ito. Limang linggo rin akong nalayo sa lahat ng alam kong hindi mabuway, sa lahat ng puwede kong kapitan at alam na hindi bibigay. Para akong limang linggong sumusuray-suray nang nakayapak lang, sa isang makitid na daanan, sa isang maputik at mabaglos na tulay, walang hawakan.

***

Puso ang tawag du'n sa kanin na nakabalot sa dahon ng saging, korteng piramid, parang suman na hindi. Diin sa ikalawang pantig, may impit sa dulo. Suwabeng pananghalian 'yun. Bili ka ng dalawa; malagkit naman, kaya mabigat sa tiyan. Parang two cups ng kanin na 'yun. Iulam mo sa limang istik ng barbekyung tocino. Tagtatatlong piso lang lahat 'yun. Solb na.

May napansin si Nerisa, nu'ng isang umagang sa pier kami nag-almusal habang nag-aabang ng lantsang bibiyahe papuntang Siquijor.

'Yun kasing puso, naka-display lang. Tapos, pag bumili ka, ang gagawin nu'ng tindera, sasaksakin niya ng matalas na kutsilyo 'yuing puso, hahatiin sa gitna, para madaling kainin, pagkatapos iaabot sa iyo nang nakangiti, nang para bang wala lang, parang ganu'n talaga ang kalakaran, parang walang nangyaring kakaiba at punong-puno ng parikala.

***

Kaya rin siguro ako magpapaiwan-- kasi in da mood ako para magdrama. OA, 'no? Naghahanap pa ako ng full circle na katapusan ng tag-araw ko. Nagsimula nang mag-isa, matatapos nang mag-isa.

Naaalala ko pa 'yun, limang linggo na ang nakakaraan, sa pier, sa likod ng Manila Hotel, habang nag-aabang ng biyahe papuntang Bacolod. Space-out talaga, nakikinig ng kung-anu-ano sa discman, tumatayo bawat ilang minuto para magyosi. Minamadali ang paninigarilyo kasi kabado na baka iskorin ng kung-sinong goons ang kakaunting gamit na dala ko. Gustong patagalin ang paninigarilyo dahil, kahit papaano, may bahagyang kaba sa kung ano ang mangyayari sa bakasyon ko. Sa buhay na rin.

Sa Martes kaya, ano ang mararamdaman ko sa eroplano habang nakikita kong lumiliit nang lumiliit ang Dumaguete, parang patak ng ulang na natutuyo sa tayantang na kalsada ng alaala?

***

Ang totoo niyan, kaya gusto kong magpaiwan-- hindi ko kayang magpangakong bumalik. Mas gugustuhin ko nang kumain ng puso at tocino nang mag-isa, maglakad sa mga kalye nang mag-isa, uminom sa Coco Amigos at kumain ng Chimichanga sa Cafe Memento nang mag-isa, mag-abang ng biyahe nang mag-isa, mas gugustuhin kong gawin 'yun kaysa maglakad papalayo at lumingon, at makaramdam nang kirot sa kung saang lumolobong espasyo sa dibdib ko. Hindi ako magpapangakong babalik ako. Ipinapangako kong hindi ako lilingon.

***

From the Island

I anticipate nostalgia
so I won't have to deal with it

later. I tell myself,
the same night unravels everywhere,

the same darkening. Everywhere the same
breeze whispering from the horizon.

I say, Oh, I've been like this before,
closed my eyes to the same sting of seaspray,

clenched my fingers around a pebble
tighter. Tomorrow will be almost the same

search for a word. Same rebellion
against forgetting. The water

mirrors the few stars
that dare to show themselves.

I shatter their reflections
as I wade knee-deep into the sea.

I do this everywhere. I tell myself,
this is just another chip

in my igneous heart,
no bigger than this depression

my finger carves into the sand.
No deeper. Soon I will forget

to regret promising
not to promise to return.

Soon I will forget even this fear
of the day when I will wake up

with a cold space in my chest,
its edges faint, swaying,

like the outline of a shadow
upon leavetaking,

like a shoreline.

***
Ang hindi raw lumingon sa pinanggalingan, di makakarating sa paroroonan.

Sa tingin ko, ang walang paroroonan, hindi na kailangang lumingon sa pinanggalingan.

O kaya: Ang walang paroroonan, wala pang karapatang lumingon sa pinanggalingan. Wala pang karapatang umalis sa kinaroroonan.
posted by mdlc @ 7:19 PM  
3 Comments:
  • At 9:01 AM, Blogger ramblingsoul said…

    tsk. tsk. tsk. bayaw, dapat di ka na kasi nagpaiwan. ganyan talaga epekto ng dumaguete. umuukit ng panibagong puso.

    pero sa lahat ng bagay, mahalaga distansya. sabi nga sa trak ng gas na may nakasulat na "plamabol" na dumaan kaninang umaga sa katipunan habang naglalakad ako para bumili ng dyaryo sa umagang ito na nagising ako ng umaga at natuwa sa di masakit na araw, "distancia amigo".

    tag-ulan na bayaw. ganun talaga. yan ang totoong full circle.

     
  • At 2:44 PM, Blogger mdlc said…

    ene: 'yun nga. mismo. at mas madali talagang makilala ang kinaroroonan kung ganitong ermitanyo mode.

    bayaw: tama rin. pagdating ko d'yan, at least, may kainuman ako habang umuulan.

     
  • At 11:22 AM, Blogger Mitzie said…

    hoy mikael. ang dami yatang nangyari sa yo diyan. =)

     
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto