abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Tuesday, May 10, 2005
Hindi ko alam kung ilan sa mga kaibigan ko ang alam na nagsusulat (na) ako sa Ingles. Ewan. Basta.

Lumang, lumang, lumang tula. Hindi ko pa naipo-post dito 'to. Kasi nga wala pa akong blog nu'ng isinulat ko 'to.

May nanghihingi kasi ng kopya. Sabi ko ipopost ko na lang dito. Tsaka na-miss ko na rin 'to. Tsaka ang korni ko pala dati. Tsaka naalala ko noong isang gabi, dahil sa... dahil sa basta. Tsaka wala lang, gusto ko lang i-share.

Alaala, Puerto Galera

Papaano kung kayang itaboy ng alon ng alaala?
Pagtatangkaan mo kaya silang habulin?
Uupo ka kaya sa dalampasigan gabi-gabi
at mangingilag sa mahapding paghagupit ng hangin?
Isusulat mo kaya ang aking mga salita,
susubukin mo kayang iguhit ang aking mukha,
dadampi kaya sa pampang ang iyong daliring
pinagaspang ng tubig-alat at gunita?

Titigil ka ba kung matuklas na ang alon
ay dala lamang ng simoy na pumapalaot?

Kung hindi, papaano sa tuwing umaga?
Nanakawin din ng dagat ang anumang naiukit.
Habambuhay ka bang magpapabalik-balik
upang maghabol, sumulat, gumuhit nang paulit-ulit?
Tatanungin mo siguro ang dagat
kung saan nito tinatangay ang iyong bakas sa dalampasigan.
Tatanungin mo siguro ang dagat
kung bakit may kailangan pang lumisan.

At papaano kung kaya tayong anurin ng mga alon
patungo sa isa't isa? Magpapatangay ba sa kanila
sa pagtatangkang lunasan ang pagkaulila
at pangungulila? Magpapakalunod ba, sinta,
sa pag-asang muli tayong magkikita?

***

Kahapon ang unang session ng workshop dito. Ako ang unang salang-- hindi ko alam kung bakit, malay ko sa kanila. Baka by height ang sinusunod na order, pinakamatangkad papunta sa pinakamaliit. Suwabe naman, kahit papa'no. Ang mahalaga sa akin, malinaw ang intensyon ng tula, malinaw ang konsepto, nagegets nila. May mga sinabi 'yung ibang panelist na napa-"oo nga, 'no?" ako. May mga space-out moments din. Pero 'yung iba, nagustuhan ang tula, kaya kahit papa'no ego-trip ako.

***

Ang malabo sa ganitong tipong workshop, minsan, nawawalan ng direksyon ang usapan, dahil na rin sa dami ng nagbabalitaktakan. Minsan katay na lang nang katay. Minsan, uubos ng dalawang oras para lang bigyan ng reading ang tula. Tapos wala na, halos. Medyo bad trip 'yun, di ba?

Madalas, 'yung mga nagaganu'ng tula, 'yung mga malabo. Kaya dalawang oras ang nauubos e dahil kung anu-anong butas ang sinusubok punan ng mga mambabasa, tapos mapupunta na sa peminismo o kay Mother Nature o kay Jesus Christ ang reading. Tawagin n'yo akong formalist, pero sa akin, putsa, kapag wala sa tula, e di wala sa tula. Hindi ako huhugot sa talampakan ko ng reading para lang piliting intindihin ang tula.

Kunwari: may isang tula na parang pantum ang istruktura, mas malabo nga lang. Dalawang stanza (anim na tagdadalawang stanza, sa totoo lang; cycle poem, e,) 'yung una tungkol sa bagyo. 'Yung ikalawang saknong ng bawat kabanata, tungkol sa kung anoman.

Ang sa akin lang, ang labo nu'n. Magka-reading man ako, parang iniimpose lang ng makata sa akin 'yung interpretasyon niya ng kung ano ang bagyo. Samakatuwid, hindi ko reading 'yun. Reading ng makata 'yun tungkol sa bagyo-- na hindi naman talaga reading, kasi image din siya. Parang nagdo-draw lang siya ng parallelism sa pagitan ng dalawang disparate images. Kung nalalabuan kayo sa pinagsasasabi ko, isipin na lang ninyo kung gaano kalabo 'yung tula.

Ang sabi ko, may butas sa gitna nu'ng dalawang saknong-- may chasm. Kaya kahit ano ang marating na reading ng mambabasa, hindi 'yun dahil may sinabing katotohanan ang makata. Dahil 'yun may idinikta ang sariling pagfi-free association ng mambabasa. Sa madaling sabi, nag-impose na nga ang makata, pinahirapan pa niya ang imahinasyon ng mambabasa.

Isa pa. Sabi ko, hindi dapat pinapagod ang imahinasyon ng mambabasa kapag nagbabasa siya ng tula. Lahat yata e hindi agree sa akin-- sabi nila, may tungkulin din naman ang mambabasa sa tula na basahin 'yun nang maigi.

Ang sa akin lang, kahit gaano kaigi pa ang pagbabasa ko sa tula, kahit isang buwan kong upuan 'yan, dapat hindi pa rin ako mapagod. Sa tingin ko hindi nila na-gets. Ang punto ko, ganito: mas nakakapagod magharaya ng "large amounts of food," kaysa "truckloads of food." Di ba? 'Yun ang pagod na tinutukoy ko. Dapat matibay ang phenomenal latch para makatawid ako nang husto sa noumenal level. Kung hindi, lupaypay na'ng imahinasyon ko bago ko pa makita ang katotohanang inihahain sa akin nu'ng tula.

Ewan ko ba. Sa huli, siguro, aaminin kong malabo ang pagkakapaliwanag ko nito sa kanila.

***

Hindi ko alam kung bakit ang dami-raming tuwang-tuwa sa tulang imahen lang ang laman. Sa akin, sa akin lang, a, hindi naman 'yung imahen ang nagpapaganda sa isang imagist poem. 'Yun 'yung nuance ng salita at ng mga iba pang imahen pinagsama-sama-- ang ibig kong sabihin, kung papaanong pinaglalaruan ng makata 'yung lahat ng image para tumawid sa pagkasimbolo.

Ano ba 'tong pinagsasasabi ko. Ano, tara, inom na lang?
posted by mdlc @ 6:40 PM  
4 Comments:
  • At 12:21 PM, Blogger ramblingsoul said…

    hehehe. tula ba ni jun sinasabi mo, bayaw? anyway, tama ka that image can only do so much for a poem. sabi ko nga dati, kapag masyadong natuwa ang reader sa isang image, malamang na-stuck na rin sya dun sa linya. ang siste nyan, makakalimutan na nyang ituloy pagbasa ng tula. nagiging humps tuloy yung technique.
    sino kainuman mo dyan? may gig tayo mamya! huwebes ngayon.

     
  • At 1:51 PM, Blogger mdlc said…

    hehe, 'yokong magpangalan. sa akin, ok lang naman 'yung magandang image-- pero mas gusto ko 'yung may inuuwiang conceptual truth 'yun. at tungkulin ng makata na gabayan ang mambabasa tungo sa katotohanan na 'yun. kaya nga sa tingin ko, 'yung tula, laro sa pagitan ng image at statement. pero komplikado rin, kasi dapat nakaangkla 'yung statement sa isang konkretong kahit-ano.

    seryoso, tutuloy kayo ng wala ako? punta raw si bayaw carl dito sa linggo, a. sama na kayo ni easy, hehe. skor tayo ng gig dito.

     
  • At 7:20 AM, Blogger jeanie de la rama said…

    mikael!
    congrats!nakanaman!siliman ang gwapo. :)

     
  • At 12:31 PM, Blogger Ian Rosales Casocot said…

    ehehehehe. :)

     
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto