May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Tuesday, May 31, 2005
Isa sa mga bagong dalumat na napulot ko rito: non-fiction lang ang genre na idinedefine ng kung ano siya hindi: hindi siya fiction, in the sense na hindi siya kasinungalingan. Ibig sabihin, hindi pa malinaw kung ano ang estetikang dapat sundan sa pagsusuri ng non-fiction. Hindi siya stir, pero puwede namang maglagay ng ilang stir para mapalitaw nang husto ang totoo. Kuwento ba siya? Maaari, mainam kung sundan niya ang istruktura ng kuwento. Tula ba siya? Maaari, puwede sigurong maging parang tulang prosa, tulad nu'ng tinatawag ng ibang "lyric essay." (Silipin ninyo sa kanan, diyan sa mga link, 'yung site ng brevity, 'yung "quickie, 'ika nga.")
So, ang ibig palang sabihin, basta't handa akong ipakita sa kung sino mang mambabasa, maituturing palang non-fiction 'tong drama in Dumaguete series na 'to. Sa tradisyon ng telenovela, 'eto na ang huling entry ng serye.
Matapos nito, magpapakabayaw na muli ako at titigil sa kapakshetan na 'to. Dahil maya-maya, makatutuntong na muli ako sa konkretong paraiso ng Maynila, Maynila, ay, Maynila.
***
Sa totoo lang, hindi ko nasasakyan 'yung ulan mismo. Maingay kasi, e; di ako makalabas. Malabo ang lahat. Ang gusto ko, ang inaabangan ko talaga, 'yung bahagyang pagdilim na dala ng kulimlim. Higit pa du'n, 'yung payapang dala ng alimuom. Tahimik. Ramdam mo ang bawat bulong ng hangin. Basa ang lahat.
Sa ngayon, hindi pa rin dumarapo ang ulan dito sa Dumaguete. Marahas pa rin ang araw, malayo pa ang mga ulap. Paalis na ako. Pero, kahit papaano, unti-unti nang kumikilos ang hangin. May simoy nang nagpaparamdam mula sa laot.
Iyon siguro, 'yung simoy na 'yun, 'yun ang nagpamulat sa akin: wala naman pala talagang full circle. Lahat ng bagay, pinauusad ng panahon, mabagal, sapilitan, walang nakapapansin. Hindi pala ako sumisirko-sirko lang, umiikit nang parang asong tinutugis ang sariling buntot. At kung sinasalamangka lang ako ng tadhana, inililigaw, hindi ko pala napansing baliktad ang pagkakasuot ng damit ko.
Masyado akong tumutok sa takot na baka di na ako makabalik, na baka wala akong kalagyan, saan man. Nakublihan nito ang dapat ko palang naramdaman, kung naging mas bukas ako sa ekspiryensiya. Sabi ni Stephen Dunn, "I've had it with all these stingy hearted sons of bitches./ A heart is to be spent." Binasa ko pala 'yun ngunit hindi isinabuhay. Hindi lang dito, kundi dati pa, miski nu'ng wala pa man lang anino ng tag-araw na ito. Dahil sa takot ko sa mga di ko maipaliwanag, sa takot kong, kunwari, masaktan sakaling di na ako makatuntong muli sa lugar na ito, o di na maulit ang tag-araw na ito, o pakawalan ang mga bagay o tao na pilit hinahaplos ng gunita ko, dahil sa mga 'yun, pinayagan kong pigain ng mahapding alinsangan ang nagpupumiglas kong kalooban.
Ang dapat ko palang tinutukan: ang pag-asang makababalik ako, mauulit pa ang ganito, lalapag at lalapag sa tamang dapat kalaglagan, kahulugan, ang lahat.
Kinailangan kong maglakad-lakad muli para matuklas 'yun. Kinailangan kong umupa ng kuwarto, bumangon nang walang kasama, manghiram ng rosaryo dahil di makatulog sa takot sa multo, kinailangan kong mapag-isa para masabing: ano ba 'tong katarantaduhang drama na 'to, hindi ba ako nahihiya sa sarili ko, nagmumukha lang akong tanga. Iba ang pag-iisa nang wala kang inaasahan-- 'yun ang pag-iisa bago ako dumating dito, nu'ng nasa pier ako bago mag-huling linggo ng Abril. Ibang-iba 'yun sa pag-iisa matapos ang isang malalim at malawak na tag-araw. Marami nang nakilala, gusot na naayos, gusot na muling lumitaw, basta, basta't nagbago na. Madali nang aninagin ang mga dati'y kubli ng alinlangan at pagtataka. Hindi naiiwan dito ang pagkasagrado ng tag-araw ko. Hindi pa sarado ang paghihiropaniya ng malamlam na siyudad na ito.
Pasalamat na lang ako at may mga kaibigang alam kong dumaan din sa ganitong pag-aaklas laban sa paglimot. Ang sabi ni Joel, tag-ulan na. 'Yun daw ang totoong full circle. Sa isang banda, sa maraming nibel, tama siya. At kahit hindi pa rin umuulan dito, gusto ko na ring maniwalang, tama: magtatag-ulan na nga.
Dahil hindi mismong tubig-ulan ang sagisag ng hanggan ng tayantang. Ang tag-ulan, mararamdaman nating nariyan na kapag nagsimula nang kumulimlim ang ulap, dala ang lilim at ginhawa at ang pag-asang ayan na, malapit na, sandali na lang, magsisimula nang mahugasan ang lahat, ang lahat.