abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

glass half full: isang bukas na liham sa eraserheads
Monday, September 01, 2008
1.

Pinakamainam sigurong magsimula (palagi, at lalung-lalo na sa pagkakataong ito,) sa isang pasasalamat. Hindi ko inasahang masasaksihan ko pa ito sa buong tanang-buhay ko; hindi ko inasahang 'yung mga kantang pinatutugtog ko kapag sadyang malungkot, o masaya, o nasa mood umalala, 'yung mga kantang di maiwasang kalabitin sa gitara kapag napapasarap ang inuman, kapag nadadalas ang pagtingin sa bintana-- hindi ko inasahang maririnig ko ulit 'yun. Hindi galing sa inyo, mismo, sa entablado. Para du'n, Ely, Raimund, Buddy, Marcus, para du'n-- salamat.

2.

Ang pagkukuwento raw, sabi sa akin ng isang magaling na guro at kuwentista, e isang "manipulation of time." Nangyayari ang kuwento sa paglalaro mo sa sequence ng mga pangyayari. May kronolohikal na pangyayari, pero 'yung skill ng pagkukuwento e nangyayari sa kung paano mo napapasirko ang kronolohiya nito gamit ang mga flashback, ang mga flashforward, atbp.

Hindi ako kuwentista. Hindi ako marunong mag-manipulate ng panahon, di kayang mag-sustain ng naratibo, madali akong madistract sa wika, madaling kumuyom ang puso sa mga pangyayari sa loob ng kuwento. Pero susubukin ko rito. Dahil kayo, sinubok ninyo, di ba, para sa amin.

Ang ibig kong sabihin, simulan natin sa dulo:



3.

Noong marinig ko iyan, gusto kong sumalampak na lang sa damuhan, e. Pero wala akong nagawa kundi tumingala sandali, at tumango. Siguro naman maiintindihan ninyo kung sasabihin kong wala akong mahanap na salita para sa halu-halong naramdaman ko noong mga sandaling iyon. Habang naglalakad papalabas sa venue kasama sila:



Habang naglalakad papalabas, pabulong kong kinakanta ang "Minsan," dinarasal na may katabing mauulinigan ako, at makikisabay, at unti-unting magsasabay ang libu-libong taong naroroon para awitin ang paborito kong kanta ninyo. Pero walang sumabay, e. Malamang abala ang bawat tao sa sari-sariling paninikip ng dibdib, sa sari-sariling pagpigil ng luha.

4.

Pero, pero, pero, bakit ba kailangang magbabad sa lungkot? Oo, bitin. Oo, kalahati lang ng inaasahan namin ang nangyari, at hindi nag-crescendo nang tama ang kilabot moments ko. Medyo deflating nga naman habang naglalakad papalabas. Sa kabila noon, binigyan ninyo kami nito:



Kaya bakit nga ba malulungkot? At kung medyo maalog ang kamay ko, muli, patatawarin naman siguro ninyo ako. Hindi ko kinayang maging tahimik at kalmado, e.

5.

Mayroon akong tatlumpung segundong clip nu'ng pagtugtog ninyo ng "Ligaya." Hindi ko na natapos, sadya kong hindi tinapos. Nang mapansin kong nagtatatalon na ang mga tao sa paligid ko, at hindi ko na rin maitutok nang tama ang camera, naisip ko: sandali, sandali, magiging sakim muna ako. Maglulublob muna ako sa pangyayaring ito.

Kaya itinigil ko ang camera, ipinamulsa ito, at nagtatalon at nakihiyaw (...walang humpay na ligaya!) dahil naroon ako nang gabing iyon, naroon, at hinding-hindi ko ipagpapalit 'yun kahit pa ba sa pagkakataong tusukin ng payong sa mata si GMA.

6.

Dahil sa tulong ng isang kaibigan (kasama siya sa kumpanyang nag-organize ng concert,) nakakuha ako nito:



Naipasama ko rin sa listahan 'yung utol ni Kumander. Ang mahirap nga lang, siyempre, wala siyang kasamang tropa. Naawa ako nang onti sa kanya.

Pero alam ninyo, naisip ko, at sabi ko na lang sa sarili ko, paano mo pagkakasyahin ang buong pagkabata mo, ang buong high school, ang buong nakaraan sa iisang gabi? Paano bang makakagawa ng paraan na ang lahat ng nakilala mo, nakasalo ng karanasan dahil sa Eraserheads, e makakasama mo sa concert na ito?

Dahil kasama 'yun, di ba, kasama 'yun: gusto mo kapag tinugtog ang "Poor Man's Grave" e kasama ng buong Left Wing ng Boy's Dorm Annex sa Pisay. Na kapag tinugtog ang "Pare Ko" e kasabay mong aawit lahat nu'ng kaklase mo nu'ng grade school, na kasabay mo silang mapapangiti sa salitang "tangina" at "leche" dahil nu'ng mga panahong 'yun, pag narinig kayo ng nanay o ng titser na magmura, siguradong may maliit na hampas sa bibig kayong mararamdaman. Paano 'yun?

Sabi ko na lang sa utol ni Kumander, hindi naman kailangang may kasama talaga, dahil malamang kapag tugtugan na, sabay-sabay ding mapapapikit ng bahagya ang mga tao at aalalahanin ang sari-sarili nilang nakaraan, papasok sa pinto na, sa totoo lang, sila lang naman talaga ang makakapasok.

7.

At ako, alam ba ninyo kung ano ang nasa likod nu'ng pintong ako lang talaga ang makakapasok, 'yung pinto na, matapos kong akalaing kinakalawang na ang mga bisagra at napakahirap nang pasukin, inabutan ninyo ako ng susi at sinabing "huminga ka nang malalim at tayo'y lalarga na?"

Sa likod ng pintong 'yun nandu'n ang buong I-Garnet, nasa isang sulok ng cafeteria, may iisang gitara at ginagamit ang mesa bilang tambol. Nandoon si Mike Flores na isang linggo akong kinukulit na isauli na ang Ultraelectromagneticpop niya. Nandoon si Jon-jon Bayag, dito sa may auto supply sa harap namin, may hawak na isang dangkal ng songhits, itinuturo sa akin ang "G" at "C," ang "E minor," ang "D." Nandoon ang buong Left Wing ng Pisay Boys Dorm Annex na nagtitipon sa Room 320, kaming inaakyat ng Dorm Manager at dagling nagbubuklat ng Noli Me Tangere, kaming sabay-sabay na inaaral ang bass line ng "Waiting for the Bus." Nandoon ang Heights, ang Matanglawin, ang gusgusin kong Yamaha C60 na dahil sa Eraserheads ay kayang pag-isahin ang buong ispektrum ng mga kasaysayan namin-- mulang Tondo hanggang La Vista hanggang Zamboanga, mulang Pisay hanggang Ateneo High hanggang Mataas na Paaralan ng Mababang Punongkahoy.

Oo nga, siguro nga: lahat kami, may sari-sariling pinto, pero iisa lang din yata ang pinapasok na pook ng mga pintong iyon. Hiwa-hiwalay kaming hahakbang, pero sa lupalop ng alaala rin magkikita ang lahat. At iyon ang naibigay ninyo sa amin: pagsasaluhan. Pagbubuklod. Salamat dito.

8.

Kung hindi pa ninyo alam, heto, sasabihin ko: noong mga panahong hindi ko maisawika ang damdamin ko, nasabi ninyo iyon para sa akin, para sa amin, sa isang buong henerasyon, sa isang buong bayan na naghahanap ng dila, ng lalamunan, ng baga, (ng tinig! ng tinig!) na maghihiyaw ng pinakamasidhing pagkislot ng dibdib namin.

Nasabi ninyo para sa akin (sa amin) na naaalala kita pag umuulan; nasabi ninyong saan ka nagtungo, tumila na ang ambon, gusto kong matutong magdrive, may isang umaga na tayo'y magsasama. Nasabi ninyong, di ba, tangina. Nasabi ninyong minsan ay parang wala nang bukas. Minsan tayo ay naging tunay na magkaibigan.

Nasabi ninyo lahat nang iyon, at marami pang iba, para sa masa.

9.

Kung hindi pa ninyo alam: 'yung libu-libong taong pumunta noong gabing iyon, nagpunta du'n para kilabutan, para umiyak, nagpunta du'n dahil magulo ang buhay pero putangina, putang-ina minsan mayroong tinig sa radyo, sa casette tape, sa CD, minsan may tinig na dinamayan kami, at pinaalam na puwede kang pumikit sandali, at makikanta. At kahit papaano, bagaman hindi mawawala ang gulo ng mundo, gagaan ito, kahit papaano.

Gusto kong malungkot dahil hindi ninyo natapos ang set, gusto kong manghinayang. Pero alam n'yo, mali 'yun, di ba, hindi 'yun makatarungan? Maling mauwi lang sa hinayang ang gabing 'yun. May naibigay kayo, Ely, Raimund, Buddy, Marcus, may naibigay kayo sa amin, at maling mauwi sa hinayang ang gabing iyon. Magandang magtapos nang ganito, na may bahagyang pagkuyom sa dibdib, nakatingin sa malayo, pero nakangiti pa rin. Dahil iyon ang iniwan ninyo sa amin. Ito ang iniwan ninyo sa amin:

Labels: , , ,

posted by mdlc @ 10:34 AM  
9 Comments:
  • At 1:51 PM, Blogger cheLot said…

    paalis na ko nung nabalitaan ko ang tungkol sa concert na 'to. badtrip. pero wala, e. "wala na kong magagawa," kako.

    tangina. nakakainggit!

     
  • At 3:38 PM, Anonymous Anonymous said…

    nandu'n ka pala tol. kwento pa nga nung nakasama namin doon, late daw sila naka alis sa bahay. Saktong alapaap nung pag dating nila. Feeling daw nya parang nasa Detroit Rock City sila.

    Hindi ko lang talaga maintindihan kung saan nanggaling yung galit ng iilan. Hindi naman sa pera umiikot ang mundo nila (at natin). At para naman hindi pa sila napakanta ng tugtog ng eraserheads.

    Basta, masarap ikwento sa hinaharap na isa tayo na naroon nung tumugtog sila muli. Sana hindi pa yung ang huling gig nila.

     
  • At 5:01 PM, Anonymous Anonymous said…

    wasak. buti nag enjoy ka tol.

    i actually didn't go. voluntarily. altho i woulda gotten in for free and my co-eds were actually asking me a wk before kung isasamna ba ko sa lista. pinag isispan ko ng one whole nyt and couldn't understand why i felt so much odium and anger towards the eheads.

    long story. basta basta malakas hinanakit ko sa kanila kasi, (i guess in short)nag-reunion sila not bcoz they wanted to or bcoz they needed to creatively tie their discog up in a gordian knot pero dahil inofferan sila ng malaking halaga and they couldn't say no. i don't blame them for taking the money but damn i do so wish they done it for some other reason.

    CJ calls it: "the worst reunion of the year." i wholeheartedly agree.

    KMFDM

     
  • At 10:59 PM, Blogger Z said…

    hindi ako nakapunta. at hindi dahil nanood ako ng Heroes marathon. walang nagkumbinsi (sarili o iba) sa'kin na pumunta kahit na alam na alam kong ERASERHEADS yun at malaking parte sila ng pagkabata ko.

    baka dahil may mangyayaring ganito. nakakalungkot.

    sana... sana may concert ulit sila. all in the right time, for the best time.

    pero kakainggit kael. at napaluha ako sa entry na 'to.

     
  • At 2:47 PM, Blogger Ria Jose said…

    Pinaiyak mo ako tang ina ka!

    At tang ina dahil nasa VIP ka, patron lang ako.

    Nicely written... as expected. :D

     
  • At 2:53 PM, Blogger mdlc said…

    chelot: mauulit pa naman daw, e. sana, sana. iba, bok, iba talaga.

    keith: di mo rin masisi, mehn, malaking bagay sa kanila ang 800 o 1300. sa atin din naman, pero kasi... kas willing tayong gumastos, dahil emo tayo in that way, ha ha ha.

    karl: well. alam ko naman yung mga sinabi mo, p're, at nasa likod ng isip ko yun. pero sa akin, parang-- di ba may mga bagay na dahil napapasaya ka, pipiliin mong tanggalin sa konteksto, pipiliin mong huwag kuwestiyunin ang motibo? magpatawad? in a sense, maging masama at sakim? ewan. and it's not the worst reunion of the year, mehn. iba-iba siguro ang tama nito sa bawat tao.

    maria: nasa maynila ka! kita tayo minsan! inum!

     
  • At 2:54 PM, Blogger mdlc said…

    iza: ay di ko nareplyan hahaha. ang emo ng post ko, pero sabi nga, paano bang mapipigil ang pagkaemo pagdating sa eheads?

    at oo sana maulit.

     
  • At 11:47 PM, Anonymous Anonymous said…

    wala ako dun pero masaya yun nangyari. si wasak lang ang nagmamaktol, tsaka yun tropa nyang bargas din. hehe buking na kayo eto na silaa!!! are you threatened? sakit sa ulo meyn.

    60 SECOND WIPEOUT!

     
  • At 12:01 PM, Anonymous Anonymous said…

    wow men..ibng klase tlga ang heads..sobra!!!

     
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto