abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

paminsan-minsan, gigising ka sa maliwanag, sa maliwanag na maliwanag na mundo
Thursday, July 24, 2008

1.

Kagabi, sa unang pagkakataon sa loob ng ilang araw din, nakatulog ako nang matiwasay: 'Yung tipo bang walang kung-anong dambuhalang uwak nagpupumilit kumahig ng daan papalabas sa ulo ko, 'yung walang nakadagang bundok sa mga balikat ko. 'Yung tipo bang payapang nanatili sa mga pasemano ang marami sa mga gamu-gamong umaaligid sa mga ilaw-poste ng sentido ko. Para mahimbing din siguro. Para pumayapa. Nagising ako nang di pa marahas ang titig ng araw sa maliwanag, sa maliwanag na maliwanag na mundo.

2.

Ang layo nito sa simula ng araw ko kahapon. Galing akong trangkaso, pero may miting nang alas-nuwebe, at dahil ayaw ko nang maulit ang maaanghang na tingin ng mga boss ko nu'ng huling na-late ako sa miting (dahil umulan at bumaha sa paligid ng bahay namin,) naisip ko: babangon ako, kahit walang tulog halos. Darating ako sa tamang oras. Kahit pa ba dumating ako nang lubog ang mga mata at namumutla at kinukutuban ng nagbabadyang pagkabinat, darating ako nang tama.

Sa Recto, sa LRT-2, sinalubong ako ng isang matinding "Sir, wala pong tren, a," ng guwardiya, habang tinitingnan niya kung may karga akong kung-anong bomba. Di ko maiwasang mapahiyaw ng isang matinding "Bakiiiiit?!"

Medyo naawa ako sa guwardiya nang sagutin niya ako ng, "Sir, huwag po ninyo akong sisihin, hindi ko rin po alam kung bakit, iniutos lang din po sa aming sabihin 'yun sa mga pasahero." Sadya lang sigurong nakadidismaya ang nasaksihan niyang pagtiklop ng mukha ko, ang pagkalanta ng buong pagkatao ko.

At nandu'n nga ako sa may istasyon ng LRT-2 sa Recto, medyo pawis at basa pa ang buhok, lubog ang mga mata at namumutla at kinukutuban ng nagbabadyang pagkabinat, nandu'n ako sa may hagdan nang wala na akong nagawa kundi dahan-dahang sumalampak at magsindi ng sigarilyo, at bumulong sa sariling, "ito 'yung mga simpleng putanginang araw lang talaga."

3.

Mayroon akong muntik nang makalimutang mga prinsipyo sa buhay nitong mga nakaraang linggo, at dahil sa pagkalimot ko, pakiramdam ko nagtampo 'yung mga prinsipyong 'yun sa anyo ng insomnia at trangkaso. "Kung ganu'n, e di ganu'n. Deal with it."

Katambal nito: "Huwag na huwag mong kakalimutang hindi sa iyo umiikot ang mundo."

4.

Nanaginip ako. At sa unang pagkakataon, sa buong buhay ko, ayaw ko itong ikuwento, kahit kanino. Hindi dahil masama ang laman ng panaginip na ito, hindi dahil nahihiya ako. Kundi dahil gusto kong makalimot. Akin na lamang itong panaginip na ito, itong napakagandang panaginip na ito, dahil gusto kong makalimot.

5.

Nabasa ko minsang sinabi ng isang kaibigan: Sadyang ganito siguro ang mga manunulat; mas gugustuhing hayaan kang manghula kaysa sabihin sa iyo nang diretso; nasa mga maliliit na silensyo ang mga simpleng kaligayahan, nasa pagtingin mo sa baso kung nag-iisa, sa pag-iisip na, sandali, maaga pa, kaya pa sigurong umisang sigarilyo. May inuukit na munting kapayapaan ang bawat ganu'ng katahimikan. Sadyang ganu'n talaga, siguro.

6.

Heto, bubulungan kita, dahil gusto kong ito lang ang maalala ko, dahil gusto kong maalala mo rin ito: Sa panaginip na iyon, naglapat ako ng mga daliri sa ulo ko, at dahan-dahang binuksan ang hawla ng aking sentido. May dambuhalang uwak na humulagpos papalayo. Marahan siyang dumapo sa sanga ng nag-iisang puno. Sabi niya, "Ano pa ang silbi ng paghihimagsik laban sa paglimot?" Sabi niya... hindi, hindi, sa akin na lang iyon. Sa akin na lamang ang mga mumunti kong tampo sa tadhana.

Lumipad papalayo, tungo sa abuhing abot-tanaw, ang pantas kong uwak. At saka ko sinabi sa sarili ko, Kailangan kong pumayapa. Umaga na, dilat na. Umaga na.

posted by mdlc @ 4:42 AM  
1 Comments:
  • At 2:16 AM, Anonymous Minsang Sinabi Ng Pantas said…

    Thanks be to God for the Once Said by The Wise Quotes, This quotes are really good source of Ideas and lessons when it comes to Christian life and also unto salvation.


    Collections of greatest quotes of wisdom, truth, laughter, biblical verse and inspirational sayings quotes of the most controversial people in the history up to present.
    http://www.oncesaidbythewise.com

     
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto