abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

panawagan para sa kuwentong-buhay (ipasa sa lahat)
Friday, June 20, 2008
Inemail ng isang kaibigan:

Magandang Araw! Ako po si Vlad Gonzales, guro sa UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, at estudyante ng MA Filipino: Malikhaing Pagsulat. Nasa proseso na po ako ng pagsusulat ng aking thesis, at isang bahagi nito ay ang pangongolekta ng mga maliliit na kuwentong-buhay (totoo man o imbento) mula sa iba't ibang tao. Ang mga kuwentong-buhay na ito ay pagsasama-samahin at ilalapat sa anyong digital. Ifi-feature ang mga maipapasang kuwento (ang mga piyesang orihinal at hindi pa ginagalaw ng inyong lingkod) sa isang seksyon ng thesis, samantalang ang iba'y magiging inspirasyon sa iba pang bahagi ng thesis, partikular sa mga isusulat na fan fiction at mga interactive na kuwento.

Ang ideya po kasi nito'y lahat tayo ay may kuwento. At sa panahong namamayani ang teknolohiya ng computers at Internet, kailangang muli at paulit-ulit na idiin na ang bawat kuwento natin ay mahalaga at may espasyo sa panahong mismong ang ating mga pagkatao ay nilulusaw na o/at binubura.

Hinihiling ko po ang inyong tulong na makapagsulat o/at maibahagi ang panawagang ito sa inyong mga kaibigan, manunulat man o hindi. Kailangan lamang pong sumagot sa tatlong tanong. Ang mga sagot ay inaasahang magiging maiksi at malikhain, hindi lalampas ng 100-300 salita kada tugon. Hindi po kinakailangang sagutan ang lahat ng tanong, pero mas maganda kung lahat ay masasagutan. At dahil po hindi mahalaga kung totoo o imbento ang kuwento ay maaaring sagutin nang ilang ulit ang mga tanong na ito. Kahit anong wika ay pwede (mas oks siyempre kung may salin sa Filipino. Balak kong ipasalin din ang panawagang ito sa iba pang mga wika. Sana ay may mag-volunteer).

Narito ang tatlong tanong:

1. Sino ka (o, ilarawan ang iyong sarili sa loob ng 100-300 salita)?
2. Saan o kanino ka nakaugnay o nakikiugnay (o, pagkukuwento ng mga relasyong napasukan sa loob ng 100-300 salita)?
3. Sa anong mundo ka umiiral (o, paglalarawan ng mga kinalakha at ginagalawang lugar/kaligiran sa loob ng 100-300 salita)?

Bagaman wala naman akong itinakdang deadline (dahil balak naman itong gawing tuloy-tuloy na proyekto), sana'y makatugon kayo sa lalong madaling panahon.

Maaaring ipadala ang mga kuwentong-buhay ninyo sa vlad.gonzales@gmail.com . Dito rin ninyo ipadala ang mga tanong o paglilinaw. Maaari rin akong makausap sa 9244899 (UP DFPP).

Maraming salamat!

Halimbawa ng ilang tugon:

1. Sino ka (o, ilarawan ang iyong sarili sa loob ng 50-100 salita)?

Bading na middle-class. I have the accoutrements—cellphone, i-pod,laptop, cds, books, pa-Ingles-Ingles nang kaunti. Pero wala naman talaga akong pera. Ganito: nagkasakit ang tatay ko kailan lang, halos maloka ako sa paghahanap ng pambayad. Isip ko, hindi naman dapat nangyari yon. Pero nangyari. So, wala. May katangahang consumer lang siguro. Bili nang bili, hindi iniisip ang sarili.

Ang pakiramdam ko minsan parang contestant sa Deal or No Deal. Gusto kong mag-succeed, magbigay ng malaking halaga sa charity PERO tumulong sa pamilya, first and foremost. Pero madalas, gusto ko lang magbasa. Saka doing anything na may kinalaman sa Madonna worship.

2. Saan o kanino ka nakaugnay o nakikiugnay (o, pagkukuwento ng mgarelasyong napasukan sa loob ng 50-100 salita)?

Sa mga kapwa middle-class. Pero dahil minsan feeling ko, ako ay enlightened, minsan sa "masa." Nakakarelate ako at gusto kong magsulat para sa socially and economically deprived and marginalized. Gusto kong maging baklang tagapagmana ng Agos writers. Pero minsan ang feeling ko ang faker ko.

Isang anekdota: si Friend, na-meet niya sina Rafa at Amina Alunan(taga-High Society daw). Sabi niya, ang aarte namin, squatter lang kami kung tutuusin. Sila Rafa lang ang may K. So, kung paniniwalaan ko si Friend at ang general feeling tuwing nanonood ng TV at nakakakitang supposedly beautiful people, yeah, squatter ako of sorts.

3. Sa anong mundo ka umiiral (o, paglalarawan ng mga kinalakha atginagalawang lugar/kaligiran sa loob ng 50-100 salita)?

Feeling ko ang mundo ay show business. At sa industriyang ito, ang pinakataluktok na ng aking mararating ay maging isang character actress na hindi sobrang kagandahan, pero may acting cred at constantly employed naman. So, pag nakikipag-deal ako sa mga tao, nasa framework sila ng showbiz: producers, co-actors, directors, moviereporters, reality show stars, etc.

*
1. Sino ka (o, ilarawan ang iyong sarili sa loob ng 50-100 salita)?

Ako'y isang taong may pagtatangi sa ibat ibang kulturang pilipino; mahilig akong magbasa ng magbasa, bumili ng mga libro, magsulat ng tula at sanaysay kapag nasa ''mood'', mahilig din akong mag-internet, malaman ang mga bagay-bagay sa mundo. May pagkamahiyain ako lalo na sa pakikipagugnayan sa mga malalaking tao-taong nasa korporasyon, institusyon. Ang pagkamahiyain ko ay dala siguro ng tinatawag na inferiority complex sa sarili. Ngunit may pagkakataon ding nawawala ang pagkamahiyain ko sa panahon ng kailangan gong matuto at mabuhay. Dagdag pa dito, may pagpapahalaga ako sa kalikasan; may pagtatatangi ako sa hustisya, pagkakapantay-pantay. Nais ko at pangarap kong mag-aral ng creative writing at abugasya.. Mahirap kilalanin ang sarili pero sa pagtatapos, sa wikang ingles, ako ay enthusiastic, idealistic, hardworking at may sense of humor.

2. Saan o kanino ka nakaugnay o nakikiugnay (o, pagkukuwento ng mgarelasyong napasukan sa loob ng 50-100 salita)?

Nakaugnay ako sa mundo ng pananaliksik, bilang aking trabaho sa private market research at survey company. Nangangalap ako ng impormasyong makakatulong sa pag-unlad ng isang kumpanya o ng lipunan;nakikipagsapalaran din ako sa mas malaki at makapangyarihang korporasyon; nakikipag ugnayan din ako sa mga grupo ng manunulat at nagsisimulang bumuo ng pangalan sa panitikan, (bagaman hindi ko tinapos ang sesyon ng workshop na sinalihan ko dahil mas kailangan ko ang trabaho); nakikiugnay din ako sa mga kaibigan, dating guro na nagpapahalaga sa batas at hustisya, sa lipunang marahas, sa komersyalisado at mabilis na syudad at nakikipag-ugnayan ako sa pamilyang simple ngunit marangal.3.)umiiral ako sa mundo na kung saan sari saring ugali, oryentasyon, pinanggalingan ang aking nakikita, nasasalubong,


3. Sa anong mundo ka umiiral (o, paglalarawan ng mga kinalakha atginagalawang lugar/kaligiran sa loob ng 50-100 salita)?

umiiiral ako sa balintunang buhay(tama ba irony sa ingles)-mayamang syudad, sentro ng komersyo ngunit sangkatutak ang iskwater. Maraming pang-uri para ilarawan ang mundong aking ginagalawan, tulad ng mabilis ang buhay, hindi natutulog. Umiiral ako sa mundong may dahas ngunit may mga taong kimakalaban dito, nakapaligid sa akin ang mga mababait, masasamang tao, at umiiral ako sa mundo ng pakikipagsapalaran- minsan may ligalig, minsan may pag-asa at pananalig. umiiral ako sa mundong nasa pagitan ng iskwater at subdibisyon sa syudad ng makati, saaking pakikipagsapalan sa buhay, ngunit babalik pa rin sa lupang pinanggalingan.

*

1. Sino ka (o, ilarawan ang iyong sarili sa loob ng 50-100 salita)?

Hmm, mahirap na tanong 'yan, kasi ako 'yung tipo ng taong hindi naniniwalang may "ako,"-- o, more accurately, 'yung konsepto ng ako e mahalaga lang naman talaga sa mga taong hindi ako. Gets? Generally, middle-class, may pinag-aralan, may matinong trabaho, sapat ang kinikita, maraming kakilala, nakikisalamuha sa mga tao from all walks of life. Sa ibang tropa, ako 'yung astig na maangas na willing makipagsuntukan. Sa iba, 'yung "matalino," sa iba 'yung relatively mahina ang ulo. Sa iba 'yung responsable, 'yung maaasahan mo. Sa iba 'yung tamad. Sa iba may kiling sa sosyopolitikal na mga bagay; sa iba, apathetic. Ako 'yung kulturado, mahilig sa libro at pelikula at tugtugang kakaiba-- sa iba. Sa iba ako'yung kampeon ng pop culture. Ang totoo, pakiramdam ko ako lahat 'yun at marami pang iba. Sa totoo lang, ang nasisiguro ko lang, sa akin hindi naman mahalaga ang lahat nang ito.

2. Saan o kanino ka nakaugnay o nakikiugnay (o, pagkukuwento ng mgarelasyong napasukan sa loob ng 50-100 salita)?

'Yung pinakamalalapit kong kaibigan, galing sa dalawang grupo: una, tropa ko nu'ng high school, na dahil lingguhan pa rin kami nagbabasketbol e ka-close ko pa rin. Mga scientist at engineer ang mga ito; may ibang nasa sales, may mga nagtuturo. Generally matatalinong tao, analytic. Di naman siguro overkill kung sabihin kong hindi lahat sa kanila 'yung may pagpapahalagang panlipunan, o kaya may masidhing interes sa sining o kultura. (O baka hindi lang halata.) 'Yung isang grupo, mga manunulat. Generally manunulat, pero may mga pintor at filmmaker at musikero rin. So sa arts sila talaga nakatuon. Bale kung may isang tao from either group na makakasali sa inuman ng kabila, sa tingin ko after two minutes tatapikin ako nu'n at bubulungan, "pare, nosebleed na ako dito."

'Yun ang tropa. Ang trabaho ko, sa gobyerno-- well, sa staff ng isang oppositionist na senador. Okey din ang mga tao du'n. Ang common lang sa aming lahat (I think,) naniniwala kami dito sa taong pinagtatrabahuhan namin, na competent siya at may integrity. So may pakikisalamuha din ako sa gobyerno/pulitikal na mga tao, pero bilang communications staffer lang.

Minsan pala lumalabas-labas pa ako dito sa amin, pero di na kasing-dalas nu'ng bata ako. Medyo badlands itong lugar namin, e. Sila yata 'yung "masa" kung tawagin sa TV. So masasabi ring nakikiugnay ako sa kanila.

3. Sa anong mundo ka umiiral (o, paglalarawan ng mga kinalakha atginagalawang lugar/kaligiran sa loob ng 50-100 salita)?

Mundo? Ewan, mehn. Mundo ng plurality, ng maraming-maraming mga mundong nagsasali-salikop para bumuo ng-- ng-- ewan. Nakikita mo naman siguro 'yung conflict sa akin nu'ng pinaliwanag ko kung kanino ako nakikisalamuha. I don't feel compelled na maging hunyango, o sumunod sa expectations ng mga tao-- pero minsan, 'yung definition na inilalapat sa akin ng mga tao, talagang 'yun naman ako, sa kontekstong 'yun. Pag kasama ko 'yung tropa kong nu'ng high school, ako si "artist," na totoo, sa konteksto ng barkada namin. Sa mga writers naman, ako 'yung science major nu'ng college. Sa trabaho ako 'yung medyo slacker; sa bahay, ako 'yung may sense ng responsibility (kahit papaano). Sa lugar na kinalkhan ko, ako 'yung nakapag-aral sa exclusive school. Sa exclusive school na 'yun, ako 'yung jologs na laking Tondo. I guess, going back to question #1, 'yun ako, e, 'no? 'Yung batang maraming mundo, haha.

Labels: ,

posted by mdlc @ 5:01 PM  
5 Comments:
  • At 8:51 PM, Anonymous Anonymous said…

    sir saan po ipapasa ang sagot at kailan po ang deadline?

     
  • At 12:00 AM, Blogger mdlc said…

    bok nakalagay naman sa post, o:

    Bagaman wala naman akong itinakdang deadline (dahil balak naman itong gawing tuloy-tuloy na proyekto), sana'y makatugon kayo sa lalong madaling panahon.

    Maaaring ipadala ang mga kuwentong-buhay ninyo sa vlad.gonzales@gmail.com . Dito rin ninyo ipadala ang mga tanong o paglilinaw. Maaari rin akong makausap sa 9244899 (UP DFPP).

    oks. enjoy sa sulat.

     
  • At 10:34 AM, Anonymous Anonymous said…

    ay maganda eto. sali ako ha

     
  • At 6:57 PM, Anonymous Anonymous said…

    sinagutan ko to... at ipo-post ko rin sa multiply ko. hehe :)

     
  • At 1:01 PM, Blogger Dear Hiraya said…

    interesado akong magpasa dito.. kapag nagkaroon ng pagkakataon, ipopost ko rin ito sa blog ko kasama ng sagot ko..

    http://hiraya.co.nr

     
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto