abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Monday, February 23, 2004
Bihira ang madaling-araw kung kailan hindi ako lumalabas para manigarilyo. Kung minsan, kapag tinatamaan ng gutom at katamarang magluto, kakain ako sa Burger Machine sa kanto ng Laguna at Avenida. Jumbo Burger with coleslaw and cheese - dalawampu't walong piso ng paraiso. Saka ako tatawid ng Laguna para bumili ng sigarilyo at sopdrinks sa open-25-hours na sari-sari store.

Hindi ko kinakalimutang magdala ng bolpen at papel sa halos araw-araw na rituwal na ito. Dahil matapos kumain, uminom at manigarilyo, tatawid naman ako ng Avenida para umistambay sa nag-aabang na liwanag ng Ministop.

Hindi ako bumibili. Nagsusulat lang.

--------------------------

Hindi ko alam kung saan pinaghuhuhugot ng mga tao rito ang mga palayaw na ibinibigay nila sa kung sinu-sino.

Bayag ang pangalan ni Jonjon. Ang hindi ko maintindihan e kung bakit Bayag pa rin ang itinatawag naming lahat sa kanya, gayong alam naman namin na Jonjon ang pangalan niya. Hindi na nga kagandahang pakinggan ang Jonjon, lalo pa naming nilalapastangan. Siguro nga, talagang mukha lang siyang bayag - bilugan (lalo pa't ngayong nagpakalbo si gago,) at mabuhok, balbon.

Kauuwi lang ni Bayag noong bago magpasko; pinilit abutan ang libing ng ermats niyang namatay dahil sa kanser. Dito sa amin, kapag sinabing kanser, ang ibig sabihin e kunsomisyon.

Nag-waiter siya sa Saipan nang limang taon. Bago siya lumipad papunta roon, istambay lang siya, gaya ng maraming tao rito. Si Bayag ang unang nagturo sa aking maggitara. Gabi-gabi rin siyang nagbabasketbol, at nananaya sa karera tuwing may takbo. Kung naging hayskul ang kalye Makata, siya ang siguradong maiboboto na class clown.

Pero mga tatlong linggo pag-uwi niya, itinuring siyang pinakaastig na tao sa magkabilang Makata. Ang dami niyang kuwento, ang daming pera, ang daming pampainom. At gaya ng lahat ng bagay na mahahawakan, nauubos ang pera. Hindi walang-hanggang bukal ang kayamanan ng tao, lalo na rito sa amin.

Matapos ang tatlong linggong iyon, hanggang ngayon, istambay na ulit si Bayag. Class clown na ulit.

Buti na lang, dito sa amin, pinapasuweldo ang istambay. Binibigyan sila ng baston at pinagsusuot ng puting t-shirt. Nakaimprenta sa t-shirt na iyon ang malaking "B" at ang salitang "tanod."

***

Baratong naman ang tawag naming lahat doon sa tumatao sa sari-sari store, dito sa tabi ng bahay namin. Hindi ko alam kung ano ang Baratong, basta, salahulang pakinggan iyong salita; parang "tumbong" o "kandong."

Tatlo silang magkakapatid; hindi ko alam ang pangalan nu'ng dalawang iba. 'Yung isa, parang Hitler na Aprikano - may bigote, maitim at mukhang malnourished.

'Yung isa pa, may hitsu-hitsura. May sarili siyang traysikel na ipinapasada araw-araw. Itago na lang natin siya sa pangalang Pare.

***

Noong una, ang akala ko, Tahol ang tawag kay Tahol dahil mukha siyang aso. Totoo nga naman kasi, e. Mukha siyang Scooby Doo na may salawal.

Isa si Tahol sa mga mayayaman dito. May Starex at marami pang ibang sasakyan, may malaking warehouse na taguan ng mga piyesang ibebenta niya sa auto supply. Nagpondo pa nga siya ng bookies (ilegal na tayaan ng karera,) dati.

Kagabi, nanonood ako ng TV nang may narinig akong sigawan sa labas.

Ayuuuuun. Kaya pala Tahol ang tawag kay Tahol.

Puwede naman kasing sabihin nang maayos e gustong-gusto niyang itinatahol.

***

"Hoy, lumabas ka nga diyan at itabi mo 'tong traysikel mo!"

Labas naman si Pare. "Bakit? Pag 'yang sasakyan mo'ng nakabalandra sa Makata, umiikot ako sa malayo, a!"

"E hindi naman daanan 'yung tapat ng bahay ko, a! Ang kitid-kitid na nga ng makata, sa gitna ka pa paparada! Pag-aari mo ba 'to?"

"Anong hindi daanan? Ano 'yun, dagat? At ba't kung magsalita ka, parang pag-aari mo?"

Dumaan si Bayag. Parang nabasa ko'ng mga mata niya: Teka, mabigat ang kalaban, mahirap umawat. Tatawag ako ng resbak. Nilagpasan lang niya 'yung dalawang nagtatahulan. Naglakad siya - nang mabagal, para di halata - papunta sa Barangay Hall.

"Kung umasta ka parang ang tagal mo na dito, a! Hoy! Dito na ako tinubuan ng balbas sa Makata," tahol ni Tahol.

"Matagal na rin kami rito!"

Sa puntong ito, binuksan ko na ang pintuan at nanigarilyo sa may bukana. Ilang minuto pa, dumating na si Chairman.

Nakakatawa, pero sa loob ng hindi-sandaling pagsasagutan nina Tahol at Pare, wala ni isang mura na lumabas sa bibig nila. Pareho silang nangingilag, parang nagtatantiyahan. Parang nu'ng bata ako, pag may magsusuntukan: "Ano, sapakan tayo," na sasagutin ng "Sige, mauna ka."

Si Chairman ang unang nagmura.

"Anaknamputa, e tayu-tayo na nga lang ang 'andito naggaganyanan pa. Pare, paraanin mo na si Tahol. Ang kitid-kitid ng Makata, e. 'Kaw naman, paiikutin mo pa."

Alam ko 'to, a. Istayl 'to; pag may dalawang nag-aaway, ang hihilingan mong magparaya e 'yung mas risonable. Mangangatuwiran pa sana si Pare nang lumabas ang erpats niya at si Baratong. Akala n'yo rambulan na? Ako rin, e.

Kinutusan ng erpats si Pare, at sinabihan, "Itabi mo na nga raw 'yang traysikel mo, e."

Inaykupo. Napahiya pa si Pare.

Ayun. Tapos ang usapan. Pero si Tahol, natahak na'ng kalahati ng Makata e naririnig mo pa ring tumatahol.

Kaninang umaga, kakuwentuhan ko si Baratong, habang nagmo-morning fix ako ng Marlboro. Ang sabi ko, pagpasensiyahan na nila si Tahol, at talagang ganoong umasta 'yun, porke't mapera.

Ang sabi ni Baratong, "Kapag gumawa ako ng pelikula, gagawin kong kontrabida 'yang punyetang Tahol na 'yan. Alam mo'ng title nu'ng pelikula?"

Ano?

"Masyadong makitid ang Makata para sa ating dalawa."

posted by mdlc @ 5:12 PM  
0 Comments:
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto