abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

dalawang tula
Friday, August 17, 2007
Avenida, Pagtila

Masdan mo,
nagtatampisaw ang mga bato-
bato at maya sa tubig
na naipon sa mga uka

sa semento, tumitingala
at para bang umiiling-iling
sa bawat businang nambubulabog
sa di-kalayuan. Dinidilaan

ng mga pusa ang isa’t isa
sa ilalim ng mga namamahingang
sasakyan, at ang bawat bintana,
nakapinid man o hindi,

ay nakikinig sa payapang pagtibok
ng puso nitong lungsod. Kaibigan,
gusto sana kitang kausapin
tungkol sa kalungkutan, ngunit ngayon,

tinatawag ng liwanag
ang hangin mula sa aking dibdib,
at saan man ako lumingon,
naghahabulan ang mga batang

di makapagpigil ng ngiti
sa pinilakang pagdilat ng lungsod.
Kaytagal kong inabangan
ang tag-ulan, at pagdating nito,

kaytagal ko namang inabangan
ang pagtila. Masdan mo.
Pumikit lamang
at dumilat muli,

at mababatid mo ang lihim
na ibinubulong ng kalangitan
matapos ang ulan:
lahat, lahat, nahuhugasan.

.

Pakikiramay
(kay Kristian)

Minsan humuhuni ang lungsod,
nagtatanong, at walang tumutugon.
Sugat ang biyaya sa iyo ng tag-ulan,
sabi mo. Sabi ko, gusto sana kitang kausapin
tungkol sa delubyo, ngunit ang totoo,
wala naman talagang nasasalanta rito.
Minsan, matapos ang ulan, nakapupulot ako
ng bangkay ng ibon sa lansangan.
Minsan lusak na saranggola, o kalawanging barya.
Maraming uwak ang dumapo
sa iyong bayan, sabi mo. Dito,
kanina, sa balita, pinag-usapan
ang isang pulis, naholdap. Ang imbentaryo:
Labing-apat na pasahero, pitaka, telepono.
Isang bala sa batok. Isang bangkay. Diyan,
kaibigan, mayroon pa bang naglalamay?
Dilat na dilat ang mata ng bagyo, sabi mo.
Malamang mayroon pang naghuhukay.
Sabi ko, gusto kong makiramay.
Ngunit may harang ang mga daanan
papalabas nitong lungsod.
Dalawin mo ako, kung gayon.
Dalhan mo ako ng ulan.
Turuan mo akong masugatan.
posted by mdlc @ 12:21 AM  
1 Comments:
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto