May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Monday, March 01, 2004
Nanaginip na naman ako.
Hindi ko alam kung dahil sa sobrang kalasingan 'yun, basta, nu'ng sabado, nanaginip na naman akong unti-unting natatanggal ang ngipin ko.
Isang ngipin lang. Kaliwang bagang. Oo, left molar. 'Yung nasa itaas.
I-research n'yo na lang kung ano ang ibig sabihin kung bagang ang nalalagas. Pero sa panaginip ko, hindi pa siya tuluyang natatanggal - nakakabit pa siya, nakalambitin sa napakanipis na litid ng gilagid ko. Halos mahuhulog na talaga. Kung kumagat ako, o magsalita, o kahit dumura, mawawala na siya nang tuluyan. Nang tuluyan.
***
1. e4 e5
2. f4 exf4
3. Nf3 d6
4. d4 g5
5. Bc4 ...
Ganito madalas nagsisimula ang laban namin ni Erpats kung siya ang puti, at ako, itim. Pero iyan, iyang Bishop to c4 na iyan, iyan ang hudyat ng tunay na isipan. Ang tugon ko sa Bc4 ang magtatangay sa amin patungo sa kung saan mang lupalop ang pinatutunguhan ng mga napilay na kabayo, ng mga gumuhong tore, ng napugutang hari.
King's Gambit (Accepted) kung tawagin ang opening na ito. Ang sabi ni Erpats, hindi pa raw ako ipinapanganak nu'ng sinimulan niyang pag-aralan nang masinsinan ang opening na ito. 'Yun siguro ang kasagsagan ng hilig niyang mag-chess; kaya siguro ako ipinangalan sa mga chess player - 'yung Jan, galing kay Jan Timman ("the Best of the West" ang tawag sa kanya,) at 'yung Mikael, hindi ko alam kung galing kay Botvinnik ([he] was very serious about chess and never played for fun,) o kay Tal ([he] does not move chess pieces by hand, he uses a magic wand,) kasi pareho silang Mikael, o Mikhail, depende sa edition ng librong binabasa mo.
Itong King's Gambit ang chess opening na hindi para sa may sakit sa puso. Walang-sawang pagsa-sacrifice ang ginagawa ng puti, kapalit ng initiative, ng pag-control ng tempo, ng isang napakatalas na atake sa kingside na dala ng nabuklat na d1-h5 (at siyempre, h5-e8) diagonal. Hangarin ng puti na hindi maubusan ng bala habang pinapasabog ang kanang parte ng chessboard.
Ang itim naman - na madalas ako - e kakapit lang nang kakapit. Hanggang magkamilagro, o hanggang makapagposte ng reyna o tore sa half-open na b at c-rank, kung saan manggagaling ang bulagang counter-attack.
Madalas, hindi pa umaabot ng ika-25 na tira e may kakamot na ng ulo sa amin. Lamang na ang kabilang panig. Wala nang atake. Humupa na ang digma. Resign.
Tuwing naglalaro kami at nakakalamang na ako nang kaunti, nababasa ko sa mga labi niya, "Putcha, hindi ko maalala. Nakita ko na 'to, e." Baka nga; sa dami ng nilaro niya - at isipin mo nga naman, tuwing hahawak siya ng puti, halos lahat 'yun, King's Gambit - e malamang naka-enkuwentro na niya ang kung anumang variation na inaabot namin.
Pero naisip ko, hindi rin naman siguro lahat. Dahil paminsan-minsan, kahit papaano, nakikita ko siyang nag-iisip, malalim, nakatikom-labi. Parang nakikinig. Malamang, may mga bagong sikretong ibinubulong sa kanya ang King's Gambit.
***
Madaling-araw na akong nakauwi kanina. Galing ako sa bahay ng barkadang nagpapatulong mag-edit ng thesis.
Pagdating, ligo na kaagad. Tapos bihis. Tapos inom ng isang basong gatas; ayoko ng kape, aantukin ako nang todo pagdating ng tanghali. Gusto ko sanang mag-ahit, kaya lang nagmamadali ako - dadaanan ako ng kabarkada kong coding ang auto; akala namin, may coding, e.
Lumapit ako kay Ermats. "'Mi, pabaunan mo naman muna ako, o. Di pa 'ko nakakapagpa-encash ng sahod, e. Talo pa sa karera kahapon, maalat ang dibidendo."
"Naku, anak, walang barya, e. Ipabarya mo muna 'to sa bakery."
"Engek, nagmamadali na ako, e. Di bale, si ate, baka meron."
"Tsaka mag-igot-igot muna tayo ngayon, iwasan mo munang mangarera, kasi..." Tinabunan na ng mga hakbang ko papaakyat sa kuwarto ng ate ko ang anumang dahilan ng pagtitipid namin. Hindi rin naman nauubos 'yun, e.
Binuksan ko ang pintuang sira na ang kandado. Sinindihan ang ilaw. "Taba..."
"Alas seis na rin, bangon ka na. 'Ba, may breds ka ba diyan? Pabaunan mo muna ako. Di ko pa napa-encash..."
Hindi na niya ako pinatapos. "Abot mo 'yang wallet ko. Magkano?"
"Ikaw, kahit magkano. Makakatipid naman ako ng pamasahe papasok, e, sasabay ako kay Allan."
Inabutan niya ako ng siyento-singkuwenta. "'Sensiya ka na muna, 'tol. Dadalhin ko sa ospital si Daddy, e. Di ko pa alam kung magkano'ng magagastos."
Matagal-tagal din akong natahimik nu'n. Parang isang tanang-buhay kong itinitiklop ang isang dadaanin at dalawang beinte pesos. Isa pang tanang-buhay sa paglakip noon sa loob ng wallet ko, at isa pa sa pagpapamulsa ng sampung pisong barya.
Tiningnan ko ang kapatid ko, mata sa mata. Wala nang bunso-bunso sa ganitong usapan. "Malala ba?"
Hindi ko alam kung namumugto ang mata ng ate ko dahil bagong gising lang siya, o dahil... dahil, ewan. Mabuti na rin siguro iyon, iyong ganoong hindi ko alam. Hindi uso ang drama sa pamilya namin.
Sinagot niya ako ng isang tahimik na tango.
Sa iglap ring iyon, pinatay ko ang ilaw, sinarado ang pintuan, at dahan-dahang humakbang pababa ng hagdan. Hindi ko na pinamihasa ang mga mata naming nagtititigan.
Sa labas ng bahay, habang naninigarilyo ako sa kanto ng Misericordia at Laguna, madilim pa ang umaga, malamig pa ang simoy ng hangin, pero ramdam na ramdam ko nang nakaamba ang isa na namang mapait na tag-init.
***
Manhid na ako sa takot, lalo na sa mga ganitong bagay. Wala man akong nasasaksihang pagsambulat ng dugo, madaling ituring na isang walang-hupang digmaan ang buhay ko. Maya't maya, may aalis, lilipad patungong kung-saan, o tatangayin na lang ng tadhana palayo, parang tektonik, marahan, di maramdamang pagkilos. Maya't maya, mananaginip ako na nalalagas ang ngipin ko. Maya't maya may mamamatay. Maya't maya.
Hindi ako mapamahiing tao. Kahit magkabungal-bungal pa ako sa lahat ng panaginip at bangungot ko, hindi ako matatakot. Kaya, kung sino man ang naghihibla ng mga buhay, ng kamatayan, putang-ina, tara, fight na 'to. Hindi mo ako kayang takutin. Hindi mo ako kayang takutin.
----------------------------------
Hindi ko talaga alam kung dapat ko pang isinusulat 'to dito. Ewan talaga. Ito siguro 'yung panahon sa mga "online journal" na mas mabigat 'yung pagka-journal kaysa pagka-online. Tutal, naisip ko, wala naman akong inaagrabyado. Kung may masaktan dito, suntukan na nga lang siguro tayo kung gusto n'yong makabawi.
Hindi naman ako naghahanap ng simpatiya o abuloy. Hindi naman ako naghahanap ng kahit ano. Sapat na siguro 'yung alam kong kahit papaano, may babasa nito.
Sa inyong lahat, salamat, a. Kayo na ang bahalang humanap ng sari-sarili ninyong kabuluhan sa gitna ng burak ng kagaguhang nangyayari sa buhay ko.