May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
t'ya, t'yub, tagilid tumba akin!
Wednesday, August 16, 2006
1.
Awit Kay Ana Eduardo Jose E. Calasanz
Walang ginagawa ang mga bituin Kundi pagmasdan ang mga mangingibig.
Isang gabi, kapag ikaw ay umiibig, Tumingala ka sa mga bituin. Malasin mo ang kanilang ningning, Ligaya mo’y sinasalamin.
Mabait ang mga bituin. Sa mga mangingibig Isa lamang ang hiling: Umibig, umibig at umibig Nang may magawa ang mga bituin.
Walang ginagawa ang mga bituin Kundi pagmasdan ang mga mangingibig.
Isang gabi, kung masawi ka sa pag-ibig Tumingala kang muli sa sa mga bituin; Pati liwanag, nagiging dilim At tamis ng puso’y dahan-dahang umaasim.
Malupit ang mga bituin. Sa mga bigo sa pag-ibig Labis ang hinihiling: Umibig, umibig at umibig pa rin, Nang may magawa ang mga bituin.
2.
Noong bata ako, isa sa mga paborito kong laro ang teks. Dugong sugarol kasi siguro. Kung naaalala pa ninyo, may kanta 'yan habang nagbibilang ka ng teks: "Isa-sa-dalawa-pandekoko-palaman-pekpek."
Paborito kong mga pamato: Jaime Labrador, Sakristan Mayor; Tatak ng Kriminal; at saka 'yung mga pamana pa sa aking Boy Tornado, Anak ni Zuma, at Nardong Putik.
Sandali. Senti trip bigla.
Ayun. Wala lang.
3.
Matapos ang mahaba-haba ring panahon:
Basag na Awit ng Isang Binatang Gusto Sanang Makilala si Ana
“Malupit ang mga bituin. Sa mga bigo sa pag-ibig Labis ang hinihiling: Umibig, umibig at umibig pa rin, Nang may magawa ang mga bituin.” - Eduardo Jose Calasanz, “Awit Kay Ana”
Marahas ang hagupit ng ulan sa mga ilaw-poste, Ana, at binabasa ko itong tulang inialay sa iyo,
iniisip kung nasaan ka ngayon, kung sa dakong iyan ng mundo ay umuulan din. Ana, malambot ba ang iyong higaan?
May katabi ka ba ngayong gabi? Tumanda ka kaya, Ana, o nakulong na lamang sa pagkadalagang biyaya
nitong tula? Sa isip ko’y babangon ka upang pakinggan ang mahapding tinig ng pumapatak na tubig. Ana,
lalapit ako sa bintana at katabi kita roon, hinihimas ang pasemano, inaabangan ang unang liwanag.
Bubulong ako at tinig mo, hindi katahimikan, ang sasalubong sa nangangatal kong hininga.
Basag ang liwanag na sinasalamin ng tubig-ulang naipon sa mga pitak ng kalsada, Ana, at sa isip ko’y maginaw rin
sa dakong iyan ng mundo. Naghahanap ka rin ba ng kayakap? Ilang ulit ka nang nilisan? Ilang ulit nang lumisan? Ana,
sa isip ko’y may kumot na nakabalabal sa iyo. Nakatingin ka sa malayo, iniisip kung paanong ang mga butil ng ulan
ay parang mga bituing bumubulusok, pagod sa habang-panahong pagkakalambitin sa kalangitan.
Ana, sa isip ko’y pumipikit ka. Ana, sa isip ko’y malungkot ka pa rin. Sa isip ko’y may hawak kang
isang pirasong papel, isang tula, binabasa mo ito nang paulit-ulit, gabi-gabi, at tumitingala kang paulit-ulit, at ngayong gabi,
Ana, kung hindi lamang kinukublihan ng mga ulap ang kalawakan, sabay nating isasauli
ang mapangutyang titig ng mga bituin.
4.
Sori kung bihira akong mag-post dito. Ewan; ang sabi nila, kapag maraming nangyayari sa buhay mo, hindi ka nakakapagblog. Siguro nga. Sa akin naman, minsan, o sa kasong ito, wala talagang masyadong nangyayari. Same old, same old. Mataba pa rin ako at walang pera. Ngayon lang, kaya ako nakasulat dito: sobang daming dapat gawin, pero tinatamad pa akong magsimula.
Naaalala ko pa dati ang mga panahong itong blog ang paborito kong patungan, uwian, paboritong pagbuhusan ng mga sentimientong "Tangina mo, World!" Blog, pasensiya na, pero ngayon, pampagana ka na lang, panulak. Huli ka na sa pila.
5.
O baka naman dahil lang gusto ko nang palitan ang template at hindi ko mapalit-palitan, wala akong mahanap na maayos na ipapalit? Siguro.
Kung may makakatulong sa akin, kung may bukal ang pusong makagagawa ng template, plis, plis, plis? Ililibre kita ng dalawang boteng beer. Pramis.
Tradewind Books yung pangalan ng nabilhan ko. P100 lang, would you believe! Galing no? Pahiram ko sa yo pagkatapos ko basahin. :)
(at salamat sa pagbati)