May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
hilakbot
Thursday, October 12, 2006
1.
Sa totoo lang, minsan natatakot ako. Minsan naiisip ko na lang, bigla, parang galing lang sa wala (pero maaari kaya iyon? Galing sa wala?), na ang liit ko, iglap sa harap ng taon, tanang-buhay, milenyo. Malilimot ang lahat, sinasabi ko sa sarili ko. Sana hindi, pero alam ko, malilimot ang lahat.
2.
Sa pampang ng isang ilog, may isang lalaking humiga. Tumingala siya, at naisip din ang mismong naiisip ko. Naramdaman niya ang nararamdaman ko. Matagal nang tuyot ang ilog, at matagal nang nagpalit ng kulay ang kalawakang minasdan niya. Wala nang nakaaalala sa kanya-- ako na lamang, sa totoo lang, at isa pa itong huwad na pag-alala, pag-alala sa anyo ng kathang-isip. Kaya kong sabihing Nangyari talaga ito, ngunit matapos magwika, ano? Walang maniniwala. At may maniwala man, mauuwi lang din sa paglimot ang paniniwala.
3.
Sa totoo lang, natatakot akong mamatay. Bakit ko naiisip ito? Sapagkat minsan may isang lalaking humiga sa pampang ng isang ilog. At namatay siya at maraming nagsalita sa kanyang libing, ngunit pati sila ay namatay rin, at bagaman may mga nagsalita rin sa kanilang mga libing, (at sa libing ng mga nagsalitang ito,) ngayon, wala nang nakaaalala sa lalaking humiga sa pampang. Ako na lamang, ngunit pati ako at mamamatay rin.
Heto, sa totoo lang: natatakot akong mamatay dahil baka kung mawala ako ay baka wala na muling makaalala sa lalaking humiga sa pampang.
4.
Ilang ulit na bang nangyari: sa gitna ng kuwentuhan, may isang maikling katahimikan, at ginamit ko ang katahimikang ito upang tumingin sa paligid. Humanap ako ng isang bagay at inalala iyon, iniukit sa isipan, itinago sa isang silid sa puso ko. Ngayon pa lamang, bumibigat na ang mga hakbang ko dahil sa timbang ng silid na iyon.
Isang araw, pumasok ako roon, at nagulat na lamang nang makita ang bintanang bukas, ang malakas na hanging humihihip sa silid, ang mga bagay na tinangay nito papalabas sa bintana, papalayo, di ko na mahabol, at hindi, hinding-hindi ko na maibabalik.
5.
Minsan ko na itong sinabi sa isang kaibigang mas nakatatanda sa akin. Umiling-iling siya at sinabing masyado pa raw akong bata upang mag-isip ng ganitong mga bagay. Tumingin ako sa malayo, bahagyang nainsulto sa sinabi niya.
Napatingin akong muli sa kanya nang marinig ko siyang bumulong: Papaano pa ako? Nakangiti siya. Sana, sabi ko sa sarili, sana turuan ako ng mga araw, taon, at dekadang tumanggap nang tulad niya.
6.
Ngayong gabi, nakahiga na ako nang maalala ko ang lalaking humiga sa pampang ng ilog. Kama, unan, matigas na higaan: Lalaking nakahiga sa pampang ng ilog. Gayong gumagana ang memorya; may lumipas nang bagay o pangyayaring dumikit nang parang lumot sa isang bagay na di pa lumilipas. Gayon din siguro kung gumana ang haraya.
7.
Natatakot akong mahuling mamatay, natatakot akong lumipas muna ang lahat ng bagay na pinahahalagahan ko, natatakot akong mauwi na lamang ang bawat kaibigan ko sa isang pangalang inaalala, sa isang silid sa puso kong kinalawang na't nabali ang susi, at unti-unting kumukupas, naglalaho. Natatakot akong isang araw ay magising akong nakaaalala ng isang pangalan ngunit di isang mukha; isang linya ng tula, na sigurado kong isinulat ng isang kaibigan, ngunit sino?
8.
Sa totoo lang, may higit pang takot dito, sa takot kong malimot, maglaho. Natatakot akong makalimot. Natatakot ako dahil sa huli, ako na lamang ang makapagpapatunay, makapagbibigay-halaga sa mga naranasan ko (Oo, naroon ako, at nalungkot ako,) ngunit walang kandado ang bintana at pati ang payak na tungkulin ng pag-alala ay hindi ko man lang masiguradong magagampanan ko.
9.
May kutob akong magkadikit ang dalawang katotohanang iyon: ang kapasidad nating magsukbit (oo, sukbit, parang bagaheng nakasukbit sa balikat, o espadang nakasukbit sa baywang,) ng ibig-sabihin sa nakikita o nadarama, at galing dito ang kapasidad nating umalala at humaraya; at ang takot nating maglaho. Hindi, hindi kutob, naisip ko (naalala? hinaraya?) ito. Ano?
Hayan: nagsukbit ako ng ibig sabihin sa kawalan, sa katahimikang hatid ng tandang pananong. At maaalala mo, sigurado ako: May isang lalaking humiga sa pampang. Nakaramdam siya ng hilakbot, ngunit sa pagtayo niya’y naaninag ko ang mumunting ngiting dumapo sa kanyang labi. Nagsimula siyang maglakad, ngunit napatigil sandali upang yumukod at pumulot ng isang tuyong dahon, bago magpatuloy sa paglalakad.
ito ang pinakamagandang posting mo d2 pare. Nakarelate ako :) --Kiko