May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
dahil nafufrustrate na ako
Tuesday, December 05, 2006
1.
The Prediction Mark Strand
That night the moon drifted over the pond, turning the water to milk, and under the boughs of the trees, the blue trees, a young woman walked, and for and instant
the future came to her: rain falling on her husband’s grave, rain falling on the lawns of her children, her own mouth filling with cold air, strangers moving into her house,
a man in her room writing a poem, the moon drifting into it, a woman strolling under its trees, thinking of death, thinking of him thinking of her, and the wind rising and taking the moon and leaving the paper dark.
2.
Ang Hula salin ng “The Prediction” ni Mark Strand
Noong gabing iyon lumutang ang buwan sa ibabaw ng sapa, ginawang gatas ang tubig, at sa ilalim ng mga sanga ng puno, mga bughaw na puno, isang dalaga ang naglakad, at saglit
na dumating sa kanya ang hinaharap: pagpatak ng ulan sa puntod ng kanyang asawa, pagpatak ng ulan sa bakuran ng kanyang mga anak, ang bibig niyang pinupuno ng hanging malamig, mga estrangherong naglilipat sa kanyang bahay,
isang lalaki sa kanyang silid, nagsusulat ng tula, ang buwang lumulutang papasok rito, isang babaeng nagliliwaliw sa ilalim ng mga puno nito, iniisip ang kamatayan, iniisip ang lalaking iniisip siya, at ang hanging umaangat, tinatangay ang buwan, iniiwang madilim ang papel.
3.
Siguro ilang buwan na rin ang nakakaraan, dumating ako sa Mauban, isang umaga, at nginitian ako ng isang miyembro ng admin ng eskuwelahang pinagtuturuan ko doon. “Nakita ko ‘yung tula mo sa Sunday Inquirer Magazine, a.” Nginitian ko rin siya, siyempre, pa-humble pa nang kaunti. Pero bago ko pa masabing, “Oo nga, e, pero siguro na-publish lang ako du’n dahil kilala ko ‘yung namimili ng mga ipapublish,” o “Bad trip nga, e, hindi naka-italicize ‘yung mga dapat i-italicize,” sinundan na niya kaagad ako ng “Ang galing mo naman. Kaya lang hindi ko maintindihan, e.”
Maganda lang siguro ang gising ko nu’ng araw na ‘yun, pero ngayong naaalala ko, gusto kong bumalik du’n at hawakan ang magkabila niyang balikat at alugin siya (di bale nang matandang babae ‘to na inabot ‘yata ng radiation nu’ng nagpasabog ng bomba sa Hiroshima ang mga ‘Kano,) gusto ko siyang alugin at itanong, Putangina, ano ba ang hindi ninyo maintindihan?
Putcha. Nagtagalog naman ako sa tula na 'yun. Tangina, taga-Mauban naman siya, pare, malalim pa sa galit ko kay Kobe Bryant kung managalog ang mga tao du’n. Siguradong wala akong salitang ginamit na hindi niya naintindihan. Ano ba ang di niya ma-gets? O siguro, ngayong pinag-isipan ko na nang kaunti, mas tamang itanong na Paano ka bang magbasa ng tula at di mo ma-gets?
Ewan. Unang-una, siguro, kailangang tibagin ‘yung ideya na kailangan niyang ma-gets. Bakit ba itinuro dati sa atin na kapag nagbabasa ka ng tula e ang una mong gagawin, hanapin kung ano ang ibig sabihin ng bawat imahen du’n? Bakit ba parang mathematical equation kung minsan ang mga margin ng mga readings natin sa mga klase sa poetry: bituin = pag-asa, puso = pag-ibig, pusa = kumakatawan sa persona na mapusok at mailap?
Nasanay na tayo sa paghahanap ng one-to-one correspondence sa tula, na para bang ang talinghaga e nabubuo sa gayong paraan. Naalala ko tuloy nu’ng nagsit-in ako sa isang klase kung saan inireport ng mga estudyante ang tula ng isa kong kaibigan. Napurga sa mga equal sign ang mata ko nang i-project nila ang powerpoint presentation nila.
Tangina, bakit ba kasi ganu’n ang approach natin sa tula? Masyado nang na-sanitize, masyado na tayong na-anesthecize ng akademiya. Putangina, pare, hindi ‘yan foreign language, hindi cryptic message na kailangan mong i-translate para maintindihan. Hindi ‘yan intellectual exercise. Kapag sinabing may puntod, tapos may bulaklak, tapos umuulan (mga imahen sa tula ng kaibigan ko,) bakit mo kailangan hanapan (kaagad) ng ibig sabihin ‘yun, ng kung-anong symbolic meaning? Ang sabi ko pa nu’n, nang hilingin akong magsalita nang kaunti, (Puta,) kasi, pumikit muna kayo, tapos imagine-in ninyo ‘yung puntod at bulaklak, tapos umuulan. Kaya nga image ang tawag diyan, kasi kailangan mong imagine-in.
Hindi chess ang pagtula, pare. Alam naman natin ‘yun. (Sa tingin ko,) hindi poetic experience ang tawag sa nararanasan natin kapag may na-solb tayong rubix (tama ba ang spelling) cube. At hindi rin poetic experience ang nararanasan nating “A-ha!” kapag pagkatapos ng dalawang oras e nagpagdugtong-dugtong na natin ang lahat ng equal sign sa mga margin ng reading natin sa Fil 11 o Hum 1, kapag sa wakas e nabunuan na natin ang 10 pages na kailangan nating matapos para sa paper natin sa “Lumbay” ni Tinio o sa “The Privilege of Being” ni Hass. “Tenkyu Lord, sa wakas, pagod na ako, e,” ang nararamdaman natin du’n, hindi “Wow. Puta. Sana walang nakatingin, kasi naiiyak yata ako.”
Biseral (visceral) ang hinihingi sa ating reaksyon ng tula. Gusto nitong mapamura tayo, mapakuyom ng palad, mapapikit, mapatingin sa bintana. At paano pang makukuha ang ganu’ng reaksyon kung ilalapat natin ang mga equal sign natin sa kanya? Kapag nabasa mong “Take down the love letters from the bookshelf,” (sabi ni Walcott ‘yan,) hindi hinihiling sa iyo ng personang pumunta ka sa dictionary ng archetypes at hanapin ang ibig sabihin ng love letter o bookshelf. Hinihiling niya sa iyo na pumikit ka nga, at sa isip mo, lumapit ka sa bookshelf, sa pinakamataas na hilera, ilabas ang kahon ng sapatos du’n, at buklatin isa-isa ang mga luma mong love letter. Hinihiling niya sa iyong maramdaman kung ano ang mararamdaman mo kapag ginawa mo ‘yun sa totoong buhay.
Noon ding hapong iyon, sa Mauban, ipinabasa ko sa mga estudyante ko ang “The Prediction” ni Mark Strand. Siyempre, dahil Filipino ang itinuro ko doon, (at dahil hindi rin masyadong maganda ang pundasyon ng wikang Ingles sa bayan ng Mauban,) itinabi ko sa tula ni Strand ang sarili kong salin. Nakahanda ang lecture ko tungkol sa texture sa tula, pero gaya ng lagi, nagsimula ako sa tanong na Ano ang naramdaman ninyo matapos basahin ang tula? Oo, pare, mali ang itinuro sa iyo sa Filipino 11, sa Humanidades 1 o ng kung sino pa mang akademiko, noong freshman ka sa kolehiyo. Ano nga ba ang una mong nararamdaman matapos mong mabasa ang tula? At ang kasunod na tanong: Paano kayang naiparamdam ng tula sa iyo iyon?
Natutuwa lang ako, kasi nang ipaliwanag ko ang konsepto ng texture, binigyan ko ng maikli at mabilis na ehersisyo/recitation ang mga estudyante ko. Diyan, sa mundong binuo ni Strand sa “The Prediction,” ano pa kayang mga imahen ang puwede mong ilagay diyan? ‘Yung mga imahen na alam mong suwak na suwak diyan, ‘yung hindi out-of-place sa tula?
At nagtaasan ang mga kamay nila. “Sir, sa ilalim ng puno may nakasabit na duyan.” “Sir, ‘yung duyan iniuugoy ng isang batang babaeng humihikbi-hikbi.” Ano ang laman ng duyan? “Sir, wala.” “Hindi, hindi wala. ‘Yung duyan may laman na isang kulubot na sanga.” “Oo, tama, Sir—tapos may isang mamang lalapit du’n sa batang humihikbi, umiika siya, kasi nakatapak siya ng pako.”
At bakit ‘yun ang naisip nila? Ano ang ibig sabihin ng mga ito? Ewan. ‘Yun din ang sagot nila: “Ewan, Sir, basta, basta ‘yun ang bagay, e.” ‘Yun ang nakapagpapakislot sa dibdib nila, nakapagpapatingin sa kanila sa malayo.
Siguro mahirap isipin, para sa karamihan sa atin, na itong mga batang ito e hindi naman kilala si Strand, hindi pa nababasa si Eliot o kung sino pang patay na kritiko, di pa man lang kabisado ang spelling ng objective-correlative. Pero nararamdaman nila ang tula, na nagpapatunay lang sa punto ko: Natural sa atin ang makaramdam, ang makaranas ng poetic experience. Hindi bobo ang mambabasa ng tula. Ang problema nga yata, masyado na siyang tumalino, nakalimutan na niyang hindi nanggagaling sa pagalingang mag-solb ng Sudoku o Triple Integral Functions ang tula. Ang tula, nanggagaling sa dibdib, sa lalamunan, sa likod ng mga mata, du’n sa kung anong kalawanging liyabe du’n, sa kung ano mang aparatong pumipiga, nagpapakatas ng alat.
4.
Nga pala: may gig kami sa Lunes, December 11, sa Mag:Net Katipunan. Nu'ng isang linggo, galing din kami du'n para tumugtog. Kakaunti lang ang pumunta, pero one of the better gigs 'yun sa tanang-buhay ng Chupacabras. Nakikinig ang mga tao sa mga reader, sakto lang ang sounds, masaya. Intimate.
Sana sa Lunes, makapunta kayo. Mga 8:30 ng gabi siguro 'to. May tiket, 150 yata, may isang beer na. Sulit 'yun, pare, kasi kahit masaya 'yung kaunti lang at intimate ang poetry reading at tugtugan, mas masaya kung marami tayo, pero intimate pa rin.
5.
Sige na nga: Working draft ng bagong tula, nasulat ko kanina habang pinipilit na hindi makatulog sa klase:
Liriko
Dalawang talukap, kalahating kabang langib, isang tabong dugo. Lahat ng kaya mong sabihin
o ihagis sa ilog. Maghanap ka pa ng sasabihin. Ako, ayaw ko, dahil kung tanungin kita kung may naiwan ka ba,
litrato o iskapular na gusto mo sanang ilakip ko sa sobre bago sunugin, may maisasagot ka ba? Hindi ko alam,
baka. Basta. Ang alam ko: Mamaya, mananaog ang tubig mula sa mga ulap, luluhod sa harap ko, hahandugan ako
ng tinig. Iyan ang sinabi mo kagabi, sa akin, sa isang panaginip. Ang sabi mo pa, huwag kong tatanggapin.
At kung magpumilit sila, isauli ko, dagdagan ko pa: Dalawang talukap, kalahating kabang langib, isang tabong dugo.
Lahat ng kaya kong sukatin o ibaon sa lupa. Marami pa, pero di ko na maalala. Nalulungkot ka na yata. Ako?
Ewan, bahala na. Kung may panahon ka, dumalaw ka sa sementeryo. Sa tabi ng estero, sa ilalim ng kalansay
ng puno ng akasya, may makikita kang payong, gutay-gutay, nakasandal sa puntod. Payong, dalawang talukap,
kalahating kabang langib, isang tabong dugo. Pasensiya ka na. Wala akong mahanap na bulaklak.
nikka! aba, aba, nahanap mo pala ito. oo, nakasulat ako ng working draft noon-- putcha, mahina talaga ang resistensiya ko sa mga kuwento ng titser, medyo nagsispaceout na lang ako pag ganun. hehe.
aba, aba, nakatula ka pala noon. hehe. :P hindi ako inantok nung monday pero last week, grabe iyon!
-nikka