May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
sa presinto ka na magpaliwanag
Friday, April 06, 2007
1.
Gusto kong magpaliwanag kung bakit hindi ako nakapagpasalamat (kaagad) sa mga pumunta noong lunes ng gabi. Maganda sana kung lulusot kung sasabihin kong kanina lang ako nagising sa sobrang pagkalasing noong lunes. Inabot na ako ng taho sa daan nu'n; galing Mag:Net, lumipat pa ako at ang ilang palaban pa rin sa Aladino's, para sa beer at pares at videoke. Okey sana 'yung paliwanag na napa-hibernate ako sa kalasingan. Kaya lang di lulusot, dahil nakapagpost na ako kahapon.
Kaya ayun, wala akong masabi. Salamat sa lahat ng mga pumunta-- gusto ko sana kayong isa-isahin kaya lang baka hindi ko na matandaan lahat. May mga pumunta na di ko inasahan; nakakatuwa. May mga hindi ko na masyadong nakakuwentuhan. May mga bumati lang, pero di ko na naasikaso. May mga pumunta na nagbakasakali lang ako na sana makapunta sila. May mga dumating na bigla ko na lang nakasalubong sa labas ng banyo, tapos sabi ko, sandali, balikan kita, pero di ko na nabalikan. May mga uminom lang nang mag-isa sa bar dahil talagang mag-isa lang silang dumating. Wala silang mahugot na kasama, pero pumunta pa rin. Dahil sabi ko, pare, punta ka naman. At pumunta nga sila. Nakakatuwa.
Ayun. Salamat, kahit huli na. Sa presinto na lang ako magpapaliwanag.
2.
Siguro gagana 'yung paliwanag na nasira ang kompyuter ko. O akala ko nasira, pero hindi pala. Ini-reseat ko lang ang video card at RAM, solb na ulit.
Naglinis kasi ako sa kuwarto. Pukinanginangyan, minsan na nga lang akong maglinis, bulilyaso pa. Ang dami kasing alikabok at abo (galing sa yosi) sa may mesa ng kompyuter. Nang binuhat ko, baka naalog ang CPU, kaya siguro nagloko.
Inilipat ko na rin sa mas ligtas na puwesto 'yung printer (na sira na ngayon) dahil tinatalunang palagi ng mga pusa. Itinurnilyo ko na rin sa mga pader 'yung mga satellite speakers, kaya suwabe nang mag-sound trip at manood ng pelikula ngayon. Iaayos ko na lang 'yung mga libro para mas maaliwalas.
Pero ayun nga. Di pa rin paliwanag 'yun, di ba? Ewan. Ang labo ko.
3.
Mayroon ka ba nu'ng soundtrack ng "The Last Waltz"? Rockumentary siya na idinirek ni Martin Scorsese. Matagal na sa akin 'to, ipinahiram ni Easy, pero ngayon lang ako nagkaroon ng sapat na tengga moments para panoorin siya. Tangina ang ganda, mehn, rock out.
Anyway, kung may kopya ka, o makakakuha ng kopya, pa-burn naman. Burn din kita ng mga astig na sounds. Mabuhay ang piracy.
4.
Naalala mo 'yung Nanowrimo? National Novel Writing Month yata 'yun. May pakanang bago ang kung sino, Intpowrimo naman-- International Poetry Writing Month. (May nagreklamo siguro na wala namang bansang makakaangkin ng tula, hehehe.)
May mga tropa akong nakikisakay; si Joel nakakarami na. Isa sa bawat araw ang challenge. Di ko pa nasusubok 'yun, pero sigurado akong hindi ito madali. Putangina, ako, ewan, pero hangga't kaya, bakit hindi. Nahuli na ako ng ilang araw, pero tara subukin pa rin natin.
Di ko alam kung may paregister-register ito, a. Basta nagsusulat lang ako.
Ayun. Wala lang. Para naman productive pa rin ang tengga moments natin, di ba.
6.
Sangandaan
Huwag muna nating pag-usapan ang kamatayan, huwag munang bilangin ang mga kasalanan, ang kaban-kabang utang
natin sa mundo. Masdan sa halip ang pagsiksik ng araw sa sinapupunan ng isang kutsara, ang mapaglarong prusisyon
ng alikabok habang nakaangkas sa nagdaraang hangin. Sa likod ng kalangitan maaaring humuhuni ang mga anghel
ngunit sino ba tayo upang makaintindi? Nagsisiwalat ng lihim ang kalawakan ngunit mas hilig yata nating pumikit
at kupkupin ang sari-sarili nating mga pagdurusa. Sakaling magsawa ka sa pagsisisi, ibulong mo lamang ang pangalan
ng kapalaran. Sakaling hindi mo ito alam, ipagpatuloy mo na lamang ang pagsisisi. O di kaya’y maglambitin sa mga sanga
ng nakaraan, habang hinaharaya: Sa isang madilim na silid natutulog ang isang dalaga.
Biniyak mo ang kanyang puso, dati, sa isang panaginip. Maaaring hindi mo na siya naaalala. Maaaring hindi
ka na niya naaalala. Maaaring tanghali na ngunit nakapinid pa rin ang bintana. Kung papasok ka sa silid, makita mo kaya
ang kanyang blusang nakalambong sa naubos nang liwanag ng gasera? Mapabulong ka kaya, ikaw?
At nasabi ko na bang kagabi, inilapat ng dalaga ang kaniyang palad sa aking pisngi at sinabing, Patawad,
mayroon lamang akong naalala. Nang tanungin ko siya kung ano ito, ngumiti lamang siya
at bumulong: Wala Kang dapat ikabahala. Narito tayo ngayon, hindi ba?
sige ba, ser, walang problema, link lang nang link.