May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
dalawang salin
Monday, February 19, 2007
Pieta Eric Gamalinda
Ang hangin, parang gusgusing kaluluwa, ay tinutugis ang sarili sa piling ng nabubulok na mga dahon. Di ako maaninag sa ganitong panahon. Bumubuklat ang mundo nang ayon sa kagustuhan niya. Kailangan kong mag-ingat na di magising ang mga puno. Di makayang punitin ang sarili mula sa lamad ng panahon, lumalantad sa akin ang Diyos sa katahimikan. Sawa na akong magnasa sa di dumarating. Sa isang panaginip ng yelo, hari ako ng mga multo, isang kinang sa liwanag na walang-hanggan, at di-mabasag-basag. Di ko hinihiling na bumalik sa katawang ito. Nais ko ng uuwian, ang isuko ang tulang ito at ang anghel na nagmamay-ari ng bigat na bitbit ko. Di ko na maaangkin ang lungsod na ito. Nais kong ang aking paglalaho ay maging kaylalim na kawalan na miski ang sansinukob ay papanaw nang kasama ko. Sa kawalang-pakialam nila, maigting na magliliyab ang mga tala.
salin ni Mikael de Lara Co . . . Vallejo sa Paris Eric Gamalinda
May mga taong sa pait nila ay bumibigat ang kaluluwa, isang sementeryo ng sarili nilang mga labì. Ngunit iniibig siyang taong may katawan na di makahanap ng angkla sa mundong ito. Ang taong walang pangginaw. Na nabubuhay nang takot sa gutom o lamig. Iniibig siyang natutulog sa kalsada, sa luwasan, sa isang bangkò, sa piitan. Marahil kulang pa ang pagdurusa, bagaman ang walang-hanggang nilalang ay nababasag nang paulit-ulit. Iniibig siyang may hawak na sagisag at inilalahad ang kanyang kahirapan nang may dignidad, nang di nahihiya. At siyang nakaupo sa hapag ng amo nang di naaakit sa kasakiman. Iniibig siyang taong nakikipag-usap sa tubig, siyang nagliligtas sa anak mula sa pagkalunod habang nahihimbing. Iniibig siyang banal sa piling ng mga buwang. Iniibig silang mga di pumapanaw sa digmaan. Silang tumatanggi sa paniniil ng kulay, kasaysayan, paniniwala. At silang nananalig sa wala ngunit nasasagot ang mga panalangin. Iniibig siyang namamatay nang mag-isa, malayo sa mga mata ng awa, malayo sa mga lungsod, mag-isang kasama ang mga tala, malayong-malayo. Iniibig ang Peru, iniibig kung saan ang kagandahan ay karaniwan. Iniibig siyang sa isang panaginip ay nag-aklas laban sa panahon, at di na matiis ang mga oras. Iniibig siyang mas mahaba ang buhay kaysa kalungkutan. Iniibig silang nag-aabang sa mga estasyon at tinutunghayan ang mga lumilisan nilang buhay, iniibig siyang lumilisan at hindi na bumabalik.