abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

mami, mahal mo pa ba ako?
Wednesday, January 10, 2007
May magbabalut na nagdaan dito sa kalye namin. Nasa itaas na ako, sa kuwarto, nakatahimik, pero hindi ko mapigilan, e. Hindi ko talaga kaya. Gutom ako.

Kakakain ko lang ng dalawang balut. Hinihintay ko na lang ang sipa ng altapresyon. Sana lang, di ba, sana wala akong mabasa na nakakabuwisit na kahit-ano. Nang huling nangyari 'yun (lechong kawali naman ang sinabakan ko nu'n,) sumakit ang batok ko at namintig ang kaliwang braso ko. Bata pa ako. Babaguhin ko pa ang mundo. Hindi pa man lang sumisikat ang banda namin, at ayokong maunahan ako ng puso ko, gaya nang nangyari kay Ely Buendia.

Natulog ako nu'ng hapon (luxury naming mga "freelancer"/ masteral student/ palamunin) at alas seis na rin ako ng gabi nagising. Nang maghalungkat ako sa kusina, may tirang corned beef at kaunting kanin. Puwede na rin 'yun. Hindi naman mapili ang bituka ko, e.

Nanonood ako ng ikalawa kong episode ng Sopranos (season 5 na ako) nang katukin ako sa kuwarto ng pamangkin ko. "Tito, kain na raw." Minabuti ko namang tapusin ang episode na pinapanood ko bago ako bumaba. Piniritong manok, gravy, itlog na pula't kamatis. Samahan mo pa ng dalawang timbang kanin. Solb.

Umakyat ulit ako para magyosi at mag-check ng mail nang naramdaman kong parang may kulang. Matapos magyosi, bumaba ulit ako para sa leche flan. Isa, dalawa, tatlong kutsara. Sa ikaanim na subo, masama na ang tingin sa akin ng nanay ko.

Ang sabi niya, "Anak, hindi na yata maganda 'yan."

Ang sabi ko, "Bakit, 'mi, mataba na ba ako? Pangit na ba?"

Ang sabi niya, "Anak, oo."

Ang sabi ko, "Naknantokwa naman sa bahay na 'to, di ka makakain nang walang nakabantay sa 'yo."

Tapos umakyat ako at nagmuni-muni tungkol sa kamatayan: atake kaya sa puso ang ikamamatay ko? Lung cancer? Sakit sa atay? Lahat nang iyan habang pinapanood ang ikatlo kong episode ng Sopranos para sa araw na 'to. Nag-iihaw ng steak si Tony Soprano nang marinig ko ang pamilyar na tawag ng gabi: "Baluuuuuut! Baluuuuuut!"

Kaya nga bumaba ako at binuksan ang pinto. Narinig ni Ermats ang mga kalabog.

Ang sabi niya, "Ano 'yun?"

Ang sabi ko, "Balut."

Ang sabi niya, "Anak, kakakain mo lang, a."

Hindi na ako sumagot. Binilisan ko na lang ang pagbabayad, kumuha ng ilang kurot na asin sa kusina, at ipinagpatuloy ang panonood ko ng Sopranos.

Hinabol ako ng pangaral ng nanay ko. "Anak, hindi na healthy."

Ang sabi ko, "O, sige, tag-isa tayo dito sa balut, kung gusto mo."

Hindi na yata alam ng nanay ko kung matatawa siya, o maiiyak, o maggagayak ng pampaospital sa anak niyang matakaw.

Ang sabi ko, "'Mi, sa tingin ko withdrawal symptom lang 'to. Ilang linggo na rin akong hindi nakikipag-inuman."

Ang sabi niya, "Anak, ang galing mo talagang mag-isip ng mga hirit na nakakakunsumi."

Ang sabi ko, "Siyempre naman. Bagay sa beer 'tong balut, alam mo?"

Ang sabi niya, "Ang laki mo na kasi, e. Kung maliit ka pa sana, ang dali mong buntalin."

Sabay na lang kaming tumawa. Sa monitor ng kompyuter, tumatawa rin si Tony Soprano. Ang sabi pa niya, "Pak dat siyet."
posted by mdlc @ 1:21 AM  
1 Comments:
  • At 12:14 AM, Blogger avs said…

    Pak dat siyet olrayt. Literary genre na talaga ang blog, salamuch sa iyo.

    Ito ang ginagawa sa mga guwapong malulupit na tulad mo:

    HIGOP da POGIH.
    (Pambaliktaran ka talaga.)
    (Ooh-la-la)

     
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto