abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Tuesday, March 02, 2004
Tatlumpu't tatlong oras akong gising, walang patid. Nikotina at pasensiya na lang yata ang nagpapatakbo sa akin nu'n. Tapos, natulog ako, pitong oras.

Bitin.

Kinailangang pumunta dito sa department para sa meeting. Dalawang oras na gising, kasama ang biyahe, miting, at ilang lumulutang na minuto, kung saan nakatingin lang ako sa... sa wala.

Apat na oras ng tulog. Nakadukdok sa mesa ko. Maya't maya, naaalimpungatan para magpahid ng laway na gumagapang papunta sa pisngi ko.

Buti na lang, hindi ko nalawayan 'yung mga papel ng estudyante ko.

Kagigising ko lang. Halos.

Pagkahilamos, bumaba ako para manigarilyo. Nakasalubong ko si PJ, pagkatapos si Kokoy. Binigyan ako ni Kokoy ng listerine, 'yung parang plastic cover na inilalagay sa ibabaw ng dila, 'yung parang acid.

Hindi ko iyon hiningi. Nabanggit ko lang na amoy panis na laway ang hininga ko. Sapul. Kaya niya ako binigyan nu'n.

Ang anghang, mehn.

Nanigarilyo ako, pero wala pang ikaapat ng Marlboro e nasuya na ako, naumay, parang nasusuka. At ang mabigat na makabasag-mundong dalumat na napulot ko sa lahat nang ito, ang reflected action ng pastoral cycle ko, ang praxis, ay ito:

Susubukan ko nang itigil ang paniingarilyo.

------------------------------------------

May ghost texter yata ako. Kagabi, mga bandang alas onse, habang nilalakad ko ang dalawang kanto magmula Avenida hanggang Makata, may nag-text sa akin:

"sleep n ko"

Iyon lang, wala man lang tuldok sa dulo ng balbal na pangungusap. Gusto ko sanang sabihing "cge, gnyt" o "cno ka," o "putangna m ala akng pakelam, d kta klala, wag ka ng mkigulo sa mndo ko." Pero hindi. Sayang ang piso.

Kanina, bago ko maabot ang metacognition na dapat ko nang itigil ang paninigarilyo, may nag-text ulit. Hindi ko nakilala ang number, kung siya rin 'yung nag-text na i-islip na kagabi, o iba, pero ito ang sabi niya, mas malalim pa sa baha sa kalye ng Blumentritt tuwing signal no. 3, mas mabigat pa sa mundong pinapasan ng lahat ng malungkot na tao:

"bakit?"

***

Bakit hindi?

----------------------------------

Sa tuwing tinatanong ako ng kahit sino tungkol sa paborito kong libro - di gaya ng marami sa mga kakilala kong mahilig ring magbasa at magsulat - e may naisasagot akong sigurado.

Hindi Fight Club. Hindi Cat's Cradle. Hindi Utos ng Hari, o Etsa Puwera, o Tutubi, Tutubi, Huwag Pahuhuli sa Mamang Salbahe.

Hindi Likha, o The Prose Reader, o Writing Logically, Thinking Critically, na hindi na yata naisara ulit magmula nang una kong binuklat dahil kailangan sa pagtuturo ng Filipino 12.

Hindi Bible, mga ulol.

The Little Prince ang paborito kong libro. Tumatak lang sa akin, mula nang una ko pang binasa. Hindi ko pa nababasa ang Pinoy translation nito, "Ang Munting Prinsipe," pero sa tantsa ko, magugustuhan ko rin. Sana nga magaling ang translator.

Sinilip ko ang blog ni Jeanie, at may nakita akong pamilyar. Ilan pang klik ng mouse e ito ang inihandog sa akin ng monitor:

pilot.
You are the pilot.


Saint Exupery's 'The Little Prince' Quiz.
brought to you by Quizilla


Haaaasteeeeeeeg, mehn.

----------------------------

Kahit papaano, umuusad ang mga isinusulat ko. Kailangang matapos ang mga ito bago ako mag-birthday: 'yung essay, 'yung kuwento, 'yung kalipunan ng tula. Maglalaan ako ng dalawang linggo sa pagrerebisa.

Matatapos na ang klase. Beri gud. Isang semestre, ang unang semestre ko ng pagtuturo. In peyrnes, nag-enjoy ako, a. Pagkatapos ng pasahan ng grades, uuwi ako sa Nueva Ecija. Lalayuan ko muna ang lahat, lahat nang ito. Magsusulat ako nang magsusulat nang magsusulat.

Titigil na akong manigarilyo. Sana.

Aayusin ko na, aayusin ko na, aayusin ko na ang buhay ko. Pramis.


posted by mdlc @ 2:41 PM  
0 Comments:
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto