|
Saturday, July 10, 2004 |
Gusto ko nang mag-post ulit. Mag-iisip ako ng ikukuwento. Maya-maya, siguro, o bukas, sa makalawa, sa isang taon, hindi na, magpakailanman, bahala na. Sa ngayon, ayon sa alaala, isa munang tula.
Baka Sakali
Sapagkat walang sapilitang paglimot,
isinusulat ko ito.
Sapagkat nagbabakasakali akong
maaaring isilid sa salita ang gunita,
isinusulat ko ito.
Naririnig mo ba ako?
Ibinubulong ko ang pagnanasang
mapasaiyong muli.
Nanghihingi ako ng dahilang
mapasaiyong muli.
Sapagkat iniibig kita,
oo, iniibig pa rin kita:
sapagkat kaagaw ko sa kumot
ang multo ng iyong alaala,
sapagkat ikaw ang ginaw na tumatatak sa aking balat,
sapagkat simoy kang dumadaloy
sa bawat iskinita ng lungsod na ito; sapagkat ikaw
ang anyong humuhubog sa bawat larawan,
ang larawang nagbibigay-hanggan sa kalawakan,
kalawakang dumaragan sa kumikipot
at kumikipot kong piraso ng daigidig,
sapagkat iniibig kita,
oo, iniibig pa rin kita,
isinusulat ko ito.
Sapagkat nagbabakasakali akong
maaaring isilid sa salita ang gunita,
ang salita sa papel, at saka sunugin,
sunugin, sapagkat nagbabakasakali akong
maaaring tangayin ng hangin ang gunita,
sapagkat nagbabakasakali akong
may isang estrangherong
makalalanghap ng gusgusin kong gunita,
at hahanapin ka niya,
sintang hanggan ng kalawakan,
sintang multo ng alaala, sintang estranghera sa gunita
ng estranghero ng gunita,
sapagkat nagbabakasakali akong
makikita ka niya, at iibigin ka niya,
at iibigin mo siya--
sapagkat iniibig kita,
oo, iniibig pa rin kita,
nagbabakasakali akong
sa kanya, sana, sa kanya, sinta,
lumigaya ka.
|
posted by mdlc @ 8:01 PM |
|
|