May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Bintana, Madaling-araw
Wednesday, April 26, 2006
Susubukin mong hindi magsalita ukol sa kasalanan, ukol sa kung paanong isinusubo ng lungsod ang mga hibla ng iyong pananalig, kung paanong isang hatinggabi ay susuko ka sa anyaya ng alimpungat at babangon at maghahanap ng kayakap ngunit walang makikita, mamumulat ka sa mabigat na katotohanan ng iyong pag-iisa, at pilit lalamukutin ang mga dila ng kadilimang naglalaro sa iyong kurtina, naiintindihan mo, narinig mo na ito, dati pa, kailan pa ba kinailangan ng paliwanag? Hindi ngayon. Alam mong kailangan mong manalig sa mga nakikita, heto ang baso ng tubig na palagi mong ititinatabi sa pagtulog, ang gusgusin mong kumot, heto ang mga bubog ng iyong paniniwala, nabasag ito kanina nang makita mo ang isang batang hinahalukay ang estero, nang bigla siyang lumingon at tumingin sa iyo at ngumiti, nang mabilis mong inilayo ang sariling paningin, at nagpatuloy sa paglalakad, bakit, nandiri ka ba? Aminin mo, natatakot kang isang araw ay singilin sa iyo ang mga pagkukulang mo sa mundo, natatakot kang magising nang mag-isa, habambuhay, ngunit hindi mo ito kasalanan, wala kang kasalanan, ngunit natatakot ka pa rin, at wala kang makapitan sapagkat ayaw mong maniwala. Ngunit madaling-araw na, at naniniwala kang maya-maya ay may dadampi sa iyong liwanag, at paglabas mo ng bahay, sa kanto, naroroon pa rin ang pulubing araw-araw na sinasalo rin ang liwanag na ito, at naniniwala siyang, muli, daraan ka, at naniniwala siyang, maaari, sa wakas ay tititigan mo siya at bibigyan ng ilang pirasong barya. Naniniwala siya sa maaari. Gaya mo. Alam mo, hindi ba, alam mong babarahan ng ikinuyom na pananalig ang iyong lalamunan? At ano ang pananalig? Gusto mo lamang maibsan ang iyong pag-iisa, at ngayon, madaling-araw na, dilat ka na, matatabig mo ang baso ng tubig at mababasa ang kumot at pipilitin mong huwag nang makatulog. Paano pang ikakaila ang sapilitang pagkamulat? Paanong iibsan ang pagkislot sa dibdib, pagtibok ba ito o nakasanakayang pagkirot, paanong iibsan? Alam mo, alam mo na, miski ang dilim ay tumatawid patungo sa liwanag. Humihikab ang kalawakan, ang buong lungsod, nangungusap ang bintana. “Huwag mo akong ipinid,” wika niya, “Mayroon ka nang parating na bisita.”
pre, si imo ito. here's the persihable poetry hulabaloo: http://restyo.blogspot.com/2006/04/in-defense-of-jolographer.html#comments
kasama ba ang tulang ito sa palanca entry mo? good luck sa atin :-)