abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

ermitanyo sa tag-araw
Saturday, April 08, 2006
1.

Kinailangan pa ba ang nuknukan-ng-init na mga umaga para ipaalala sa akin na, muli, tag-araw na nga?

2.

Mamarkahan ng paskil na ito ang pag-eermitanyo ko. Ilang araw kayang aabutin ito? Marami akong kailangang tapusin. Ayaw ko na munang lumabas nang bahay. Pipilitin kong huwag magpabulabog sa pag-usad ng mundo. Tangina mo, World, huwag ka munang magulo.

Isa pa, umuwi sa Lucena ang Tangi Kong Buntong-hininga.

3.

Heto ang litrato ni Vitaliano de Lara, 90-anyos:



Kung titingnan nang maigi, marahil ay mapapansin ang dalawang ga-kurot na lubog sa kanyang ulo. Dulot ang mga ito ng isang operasyon halos isang dekada na ang nakararaan, nang magkaroon ng clot sa kanyang ulo.

Nagtatalo ang angkan sa kuwento kung paano ba siyang nakakuha ng clot na ito. Ayon sa salaysay ni Pedro de Lara, bunsong anak ni Vitaliano, umakyat sa kisame ang nakatatandang de Lara upang tiradurin ang mga dagang maingay na nagtutugisan at nagkakaladyaan doon. Nang mapaapak sa marupok na bahagi ng bubong ay bumulusok daw pababa si Vitaliano, at inabutan nang nakahandusay doon.

Ayon naman kay Christopher de Lara, nag-iisang anak ni Pedro, umakyat sa bubong ng bahay si Vitaliano upang kalikutin ang antena. Malabo raw kasi ang reception ng World Wrestling Federation nang araw na iyon. Nadulas sa isang tumpok ng tae ng manok si Vitaliano, at bumulusok pababa.

Marahil ay hindi na matutukoy ng madla ang tunay na dahilan ng aksidente ni Vitaliano de Lara. Sa kabutihang-palad ay wala namang nakikitang panghihina sa kanyang katawan. Ipinakakain pa rin niya sa mga manok niyang panabong ang Centrum at iba pang bitamina na ibinibigay sa kanya ng panganay na si Severina de Lara Co. Mahilig pa rin siya sa wrestling, at galit pa rin sa mga daga.

4.

Heto ang listahan ng mga bagay na hindi ko pahihintulutang bumulabog sa akin:

4.1. poker
4.2. biglaang inuman
4.3. bagong palabas sa sine
4.4. ang minsan-sa-isang-taong pagbiyahe namin ni Utol sa Quiapo para bumili ng bagong mga DVD

5.

Kinailangan pa ng inuman para ipaalala sa akin na, oo, mag-iisang taon na nga.

Kapag binabalikan ko ang huling tag-araw, nakupo, puta, nakakahiya nang kaunti. Haha. Hindi ko maisip kung paano kong nakayang iparada ang kalungkutan nang gayon. Sinilip ko ang archives nitong blog at nakita kong walang entry mulang Enero hanggang Abril ng 2005. Siguro lang, noong mga panahon na iyon, mas madaling maghimutok, para sa akin. Maraming nangyari at matagal kong piniling manahimik. Na-miss ko yatang magsalita.

At isa pa, sa totoo lang, noon, malungkot naman talaga, malungkot na masaya, malungkot na masaya na masarap danasin. Isa sa mga pinakamahalagang natutunan ko noong huling tag-araw: Hindi yata dapat mabuhay nang may intensyong mag-ipon ng alaala. Ayaw ko na uling dumanas habang iniisip na, Dapat kong maalala ito. Bakit pa? Lumublob na lang tayo, at bahala na ang panahon kung ano ang ipahihintulot nitong maalala mo. Maalala ko.

Siguro nasasabi ko ang lahat nang ito ngayon dahil, oo nga, tapos na, at bagaman masarap balikan ang mismong sahig at dalampasigan at mga mumunting silid ng mga tagpuan, marahil sa ngayon e dapat na muna akong makuntentong maglagalag sa lupalop ng gunita.

6.

At ito ang naaalala ko:

Dumaguete, Sa Pagitan

May mga pananahang hindi kayang lunasan
ng pag-uwi. Kung ano ang pag-uwi,
hindi ko alam. Kung ano ang aking nalalaman?
Matalas ang mga kanto sa lupalop ng mga pagitan.
Sa pagitan ng laot at dalampasigan,
pinupunit ng mga alon ang namumuong alinsangan.
Hinihiwa ng mga sinag ang naghihimulmol na kalawakan.
Sa kabila ng dalampasigan, may isang lungsod
na dinarantayan ng dagat. Wala ako roon;

narito ako't gumugunita: Sa pagitan
ng pananatili at paglisan, may isang iglap
ng alinlangan. Nakalisan na ako, ngunit mapikit lamang
ay dumaragan sa alaala ang lungsod na iyon:
ang pasahan ng liwanag sa pagitan ng mga araw,
ang maikling promenada sa lamlam ng takipsilim,
ang buntong-hiningang maya't maya kung dumalaw.
Sa pagitan ng paglimot at gunita,
may pagnanasang magwika: May mga pananahan
na di kayang lunasan ng pag-uwi.
Kung ano ang pag-uwi, hindi ko alam,

marahil, hindi ko na malalaman. Kung ano ang pananahan?
Itong tinik na nakasilid sa dibdib, tumutubo,
umuukit ng titik at pagnanasang makabalik.
Sa pagitan ng lantsa at ng hinahapunan nitong daungan,
may lubid na nilulumot, binabakbak ng tubig-alat.
Sa pagitan ng gunita at pagwiwika,
may isang lungsod na dinarantayan ng dagat.
May isang lungsod na dinarantayan ng dagat—-
nasasabi ko ito nang di napapipikit,

pagkat tumindig na ako kung saan nababali
ang tubig, at tinanaw ang—- alin? Wala
kundi ang mga butil na nagkumpol sa aking mga paa,
parang mga lungsod na kumikinang
sa abot-tanaw na iisang dipa.

7.

Heto ang isang listahan ng mga bagay na maaaring kumaladkad sa akin papalabas sa ermitanyo mode ko:

7.1. inuman sa lunes
7.2. pagkatakam sa mga pagkaing matamis
7.3. pagkaubos ng internet prepaid
7.4. kawalan ng kakayahan/gana/inspirasyon na magsulat
7.5. suweldo

8.

Heto pa ang isang litrato ni Vitaliano de Lara, kasama naman si Bianca Denise Meridor Co, 7 taong gulang.



Ayon sa mga kuwento, noong kabataan daw ni Vitaliano ay kaya niyang magpasan ng dalawang kabang bigas, at lakarin mulang San Leonardo, Nueva Ecija hanggang Baliuag, Bulacan nang dala ang mga ito.

Malabong totoo ang kuwento, pero masarap pa rin itong paniwalaan.

9.

Heto ang listahan ng mga bagay na siguradong makapagpapalabas sa akin sa bahay:

9.1. sunog o lindol
9.2. pagpunta sa bangko sa Miyerkules upang tumupad ng pangako
9.3. pagkatakam sa malamig na Pale Pilsen
9.4. pagdalaw sa Lucena, bandang dulo ng susunod na linggo

10.

Sa Kabila ng Lahat

Matagal na mula noong nagsawa akong matakot
sa hindi ko nakikita. Wala pa ring nagbabago hanggang ngayon.
Magaspang pa rin ang hihip ng hangin. Ang mga ahas sa kagubatan,
alam kong nasa kagubatan pa rin, patuloy na naghuhunos,
bagaman sa tuwing hahanapin ko sila’y wala akong natatagpuan
kundi ang tuyot at maninipis nilang balat.

Gayundin sa lungsod. Humuhuni pa rin ang langit
sa tuwing ipipinid ko ang aking mga labi.
Akala siguro nito’y hindi ko siya naririnig
sa tuwing nananahimik ako. Nagtataka rin kaya ito,
tinitimbang kung may awit ding nagliliyab
sa abuhin kong kalooban? Sa kabila ng lahat,

hindi ko alam. Hindi ko alam kung anong tayantang na lupalop
ang nasa kabila ng lahat, kung anong halimaw ang payapang natutulog,
humihilik, nag-aabang na mahagilap ko ang anumang naglaho
mula nang magsawa akong maniwala. Sa isip ko, isang araw,
kakaharapin ko ang halimaw na iyon, walang sandata kundi patpat
at gusgusing pananalig. Maaamoy niya ang aking pangamba,

at ngingiti siya, at ibabahagi ang dalumat na alam ko na, dati pa:
“Naiintindihan mo? Walang nagbabago.” At saka siya titindig.
Tatakbo ako papalayo, ngunit hahabulin ako
ng numinipis at numinipis niyang tinig. “Bakit ka natatakot?
Alam mong magwika man ako,
wala akong ibang tinig na magagamit
kundi ang sa iyo.” At pipikit ako, ipipinid ang mga labi,

dahil sa kabila ang lahat, hindi ko alam
kung akin pa ring talaga ang tinig na iigpaw
mula sa nag-aapoy kong lalamunan.
posted by mdlc @ 11:17 PM  
3 Comments:
  • At 9:18 PM, Blogger punchdrunkdaisy said…

    Gusto ko itong post mo! Lalo na yung kwento tungkol kay Vitaliano de Lara. At siyempre bagay ang pangalan niya sa kanya. :D

     
  • At 10:31 AM, Blogger HALIK NG HIGAD said…

    gusto ko lang umepal dahil magdadalawang buwan na akong nasa Baliuag, at ngayon ko lang nalaman na may San Leonardo, N.E. pala.

     
  • At 7:20 AM, Blogger dimpolado said…

    pre, pauulit-ulit ko talaga binabasa ang Dumaguete,Sa Pagitan.

    iba pare, iba.

     
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto