abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

tangina mo talaga, world
Monday, March 20, 2006
1.

Minsan, di ba, minsan, kapag galing ka sa isang mahabang araw, kapag pagod na pagod ka o kaya gutom galing sa eskuwela o trabaho, kapag pakiramdam mo e partikular na naging makabuluhan ang araw mo (marami ka bang natapos sa trabaho? may natulungang kaibigan? sumuweldo?) kapag ganun, di ba ayaw mong darating ka sa isang magulong bahay?

1.1. Hindi naman mahaba ang araw ko; hindi naman din sobrang makabuluhan dahil wala namang makayanig-mundong nangyari, walang mabigat na trabahong natapos, walang naghihingalong kaibigang natulungan, hindi naman ako sumuweldo. Pero kanina, pagdating ko, ang una kong naisip, Tangina, hindi ba puwedeng umayos na tayo?

1.2. Ganyan ang drama ng pamilya namin. Hindi ko pa pala naipapaliwanag kung ano ang drama-- sa totoo lang, ang gusto kong sabihin e Putangina kailan pa ba nahilig sa drama ng pamilya ko. Ba't ganito? Ano'ng nangyayari sa amin? Na normal lang naman yata sa lahat ng pamilya, o normal sa lahat ng tao.

1.2.1. Sa puntong ito e naaalala ko ang usapan namin ng isa kong tropa noong Lunes, habang hinihintay ang sukli sa tindahan kung saan siya bumili ng sigarilyo at Chippy. May pinag-uusapan kaming isang lumang problema, at tinanong niya kung okey lang ako ukol doon, at ang sabi ko, "Oo naman. Wala na sa akin 'yun; alam mo namang hindi ako mahilig sa ganoong klaseng drama." At ang isinagot niya, "Alam ko namang wala kang hilig sa kahit na anong drama, e."

1.3 Noong bata ako-- noong batang-batang pa ako, noong hindi pa ako ganito, noong wala pa akong kahit na anong say sa nangyayari sa bahay namin-- kapag may mga ganito e tumatahimik lang ako, lumalayo sa gulo, gumagawa ng kung-anong bagay para ipakita sa mga kapamilya kong wala akong pakialam.

1.3.1. Kapamilya. Ang sarap sabihin, sa totoo lang, kahit pa ba kahit papaano e may pait na dumadapo sa dila ko tuwing babanggitin ko iyon sa konteksto ng pamilya ko; may pait, parang abo.

1.3.2. Sa totoo lang, proud ako sa amin, e. Sa pamilya ko. Dito ko natutunan kung paanong tawanan ang kahit anong problemang dumarating. Madalas kaming masaya, madalas magtawanan; madalas, mga sarili lang din namin ang pinagtatawanan namin. Masaya 'yun. Pero sa dinami-rami ng kagaguhang nangyari sa amin-- kay Utol, lalo na-- ewan. Minsan bumibigay na lang kami. Minsan aabot sa puntong nakakahiya nang tumawa, dahil ang pagtawa e para na ring pagpapakita ng kamanhiran. Minsan, aabutin ko ang nanay ko at ang ate kong umiiyak, o lumuluha, katulad kanina, at kapag umupo ako para maghubad ng sapatos e biglang pupunta sa banyo ang nanay ko, at ang ate ko naman, tatanungin kung kumain na ba ako.

1.3.2.1. Kalahati sa akin, ayaw maki-drama. O siguro, mahigit sa kalahati, ewan. Pero may bahagi ring nahihiya, gustong makisawsaw, may gustong patunayan, dahil alam kong sa isip nila, bata pa rin ako, ako ang bunso nilang iskolar, ang bunsong nakapagtapos sa matinong eskuwela, ang bunsong hindi na dapat inaabala sa maliliit na drama nila.

1.4. Ngayon, ewan ko kung pakiramdam ko e tumanda na ako, tumatanda na. Pero kanina, gusto kong suntukin ang pader, gusto kong sumigaw, gusto ko silang sigawan. Gusto kong sabihin sa kanilang huwag naman ninyo akong iliban. Pero dahil nga nakaugalian na rito sa bahay ang pagpapagaan sa mabigat, ang sabi ko, kalmadong-kalmado, "Oo naman, kumain na ako. Mukhang may hapenings na naman dito, a. Ano'ng meron?"

2.

Tengga ang utol ko. Istambay, bum, walang trabaho. Pinipilit niyang dumiskarte pero sa ngayon e wala talagang madiskarte; hindi siya makakuha ng matinong trabaho dahil-- dahil basta; sabihin na lang natin na mabigat at malupit at hindi kaaya-aya ang kasaysayan niya, lalo na dati nu'ng binata pa siya, nu'ng gago pa siya. Nagkatrabaho na siya, matagal-tagal din siya du'n, sa kompanya ni Ninong. Pero talagang hindi yata niya kayang humawak ng trabaho. Hirap siyang magdisiplina pagdating sa oras-- parang ako. Natanggal siya sa trabahong iyon bago sumapit itong huling pasko, at ngayon, tengga siya, istambay, bum.

2.1. Bukod sa tengga, istambay, bum, mayroon din siya nu'ng kung tawagin sa pelikula e "anger management problem." Madaling mag-init ang ulo niya; madalas niyang sigawan ang mga pamangkin ko, madalas niyang awayin ang hipag ko. Ang basa ng nanay ko, na isang sikolohista, ang "anger management problem" na ito e nakaugat sa isang kalagayang kung tawagin sa pelikula e "depression." Napapalala pa ito dahil mayroon din siya nu'ng kung tawagin sa pelikula e "alcoholism."

2.1.1. Hindi ito 'yung alcoholism na palagi kong ikinakailang mayroon ako. 'Eto 'yung alcoholism na kapag nakainom na siya e nagtutulak sa kanyang magbasag ng bote sa harap ng bahay niya, hamunin ng suntukan ang mga kainuman niya, sugurin ang nanay ko at tatay ko at pagmumurahin sila at sisihin sa lahat ng kagaguhang nangyari sa buhay niya.

2.1.2. Pero hindi naman siya mahirap pakisamahan, lalo na kapag hindi siya umiinom. Ginagawa niya ang lahat para maging productive sa loob ng mga parametro ng pagkatengga: naglalaba siya, nagluluto, naglilinis. Minsan lang talaga siguro, mahirap na lang maging productive, at mas lalong mahirap tumawa na lang sa harap ng lahat ng kaletsehang inihahain sa kanya ng marahas na putanginang world na 'to.


2.2. Minsan nahihiya akong magsabi ng kahit na anong magpapaalala sa kanya kung gaano kabadtrip ang situwasyon para sa aming lahat. Hindi dahil takot akong makasagupaan siya dahil nga hindi ko siya inaatrasan kapag sinusumpong na naman siya ng anger management problem niya. Siguro simpleng malasakit lang. Siguro ayaw ko lang idiin sa kanya kung gaanong kabadtrip ang situwasyon para sa aming lahat. Siguro dahil kapamilya ko siya, kuya ko siya, siguro dahil mahal ko siya, at putangina, ayaw kong nakikitang nalulungkot ang kapatid ko at wala siyang magawang kahit-ano, wala akong magawang kahit na ano para maibsan ang lungkot na 'yun.

2.2.1. Hindi ko pa pala naipapaliwanag: ang tanging ipinamana ng lolo ko, ang tanging patunay ng pagkaintsik ng angkang pinanggalingan ko, e itong apat na up-and-down na apartment sa kalye Makata, dalawang kanto ang layo sa riles, dito sa Sta. Cruz, Maynila. 'Yung isa, tinitirhan namin. 'Yung isa, pinauupahan; 'yung isa, medyo barag-barag na (at wala pa kaming pampaayos) kaya't ginawa munang tambakan ng kung-anu-ano. 'Yung isa, tinitirhan ng kapatid ko.


2.3. Kaya nga sinanay na namin ang sarili naming makisama kay Utol. Pero si Taba, ang ate ko, hindi ko katulad. Hirap siyang intindihin si Utol. Hindi ko kayang ipaliwanag kung bakit ganoon ang ate ko-- ang alam ko lang, minsan umuuwi siya galing sa trabaho at pagod na pagod na siya at daratnan niyang nasa bahay ang mga pamangkin ko, hindi pa kumakain, hindi pa naliligo, hindi pa gumagawa ng mga assignment, at aasikasuhin niya ang mga ito. Ang alam ko, minsan nagpapahinga siya, natutulog sa sala, at kakatok ang kuya ko o pamangkin para pabuksan ang water pump. Ang alam ko, dati pa, hayskul pa ako, magmula nu'ng mapansin ni Taba kung gaanong kabigat ang kunsumisyong dala ni Utol sa amin, nagsimula na siyang manlamig sa panganay naming kapatid.

2.3.1. Huwag mo pala akong tanungin kung nasaan ang hipag ko. Sa totoo lang, wala akong pakialam. Hindi siya kasali, ayaw ko siyang isali sa kuwentong ito.

2.3.2. Kung nalalabuan ka, naka-tap sa amin ang linya ng tubig ng kuya ko. Gayundin ang kuryente. Minsan nababadtrip din ako sa dami ng bayarin, pero ewan. Siguro, silipin mo na lang 2.2. para sa mas maayos paliwanag.

3.

Ang totoo, hindi kasali si Utol sa mga kadramahang inabutan ko ngayong gabi. Tahimik siyang nasa bahay, nanonood siguro ng TV o nagbabasa. Siguro gusto ko lang isakonteksto ang kuwento kaya ko siya ipinakilala sa iyo.

3.1. Mayroon akong ayaw mamana sa erpats ko, na sa totoo lang e, pakiramdam ko, unti-unti ko nang nakukuha. Ito 'yung ugali niyang sige lang nang sige, 'yung ugaling walang pakialam sa bukas, 'yung ugaling hangga't may bubunutin, e di bumunot; at kung wala na, kung ubos na, e di magtiis.

3.2. Hindi naman masama iyon, di ba? Ang ibig ko sigurong sabihin, hindi naman palaging masama 'yun. Sa isang banda, masaya ang buhay kapag ganu'n; sa isa pang banda, sanay naman akong magtiis kapag wala na. Hindi naman ako matampuhin kapag kailangan kong mag-ulam ng itlog o lucky me pansit canton, o kung kailangang huwag muna akong mag-load ng cellphone dahil sa isang linggo pa ang susunod na suweldo. Ganito siguro ang dynamics ng gayong pag-iisip: willing akong magtiis bukas, basta masaya ako ngayong gabi.

3.2.1. Naaalala ko, dati, sa lumang apartment sa Abada, mayroon kaming isang kutson na kung tawagin namin ay "auto b." Kapag may bisita, kung sino mang may dala ng bisita ay matutulog kay auto b para mahigaan ng bisita niya ang puwesto sa bunk bed. Kaya auto b ang tawag sa matress e dahil "auto-buni" ang epekto nito sa sino mang hihiga.

3.2.2. Naisip ko, baka namana ko kay Erpats ang pagiging procrastinator ko. Umabot kasi sa puntong auto b na rin ang tawag sa akin ng mga kabarkada ko-- hindi dahil may buni ako, pero dahil kapag may kailangan akong gawin ngayong araw, e iinom muna ako, at ino-"auto bukas" ko ang mga gawain ko.

3.3. Pero minsan, kay Erpats, minsan, hindi na tama. Ayan nga't ilampung taon na kaming ganito at wala pa ring asenso, walang naipon, walang kahit-ano. Buti na lang mahusay mag-budget si Ermats. Minsan, kapag bagong suweldo, aabutan ko siya ng limandaan. Isang libo kung maganda ang nairaket. Kinabukasan, wala na. Ipinambili na ng blue seal na yosi, ipinantaya sa karera. Minsan, kapag ganado siya, dadalaw pa sa casino.

3.3.1. Ewan. Ang katuwiran ko, putcha, ibinibigay ko 'yun sa kanya para may panggastos siya. Kung uubusin niya kaagad 'yun, kung kuntento siyang mag-abang ng susunod kong suweldo para magkaroon uli siya ng panggastos, ganu'n talaga. Malaya niyang pasya 'yun.

3.3.2. Hindi ko pa pala nababanggit na tengga rin ang erpats ko, istambay, bum. Dati pa 'to, hayskul pa ako. Ang sabi niya noon, matanda na raw siya, at hindi na niya kaya nang may sinusunod pa ring boss. Hindi pa siya matanda noon, sa totoo lang. Hindi pa siya matanda nang kausapin niya ako at magpaumanhin dahil nag-resign siya sa trabaho, tutal naman daw e may umuupa sa tatlong apartment (noon 'yun,) tutal naman daw e wala naman akong binabayaran na tuition. Hindi pa siya matanda noon; ngayon, matanda na siya. Nakaraos naman, at natutunan ko nang tanggapin ang erpats ko.

3.3.3. Heto ang isa sa mga pinakamahalagang natutunan ko sa buhay so far: Hindi kailanman magiging makatarungan na hilingin mo sa kapwa mong magsakripisyo siya para sa iyo. Bakit mo hihilingin 'yun? Bakit hindi ikaw ang magsakripisyo para sa kanya? Paulit-ulit ko 'yang sinasabi sa sarili ko, bago matulog.


4.

Tinanong pala ako ng ate ko kung kumain na ako dahil nagluto siya ng pares. Masarap magluto ng pares ang ate ko, at ipinagtira talaga niya ako dahil alam niyang paborito ko sa lahat ng mga specialty niya ang pares beef na medyo maanghang pa.

4.1. Kanina, ang sabi ni Ermats kay Erpats, "Kapag kumatok ang mga bata ('yung mga pamangkin ko,) itanong mo kung ano ang ulam nila. Tapos bago pa sila makasagot e ku'nin mo 'yung hipon sa kaserola at iabot mo sa kanila. Huwag mo nang gagalawin 'yung kakaunting pares dahil hindi pa nakakatikim si Mikael nu'n." At saka sila umalis ni Taba papuntang simbahan.

4.2. "Buti na lang kumain ka na," ang sabi ni Taba, nang makauwi na ako. "Ang tagal ko pa namang pinakuluan nu'ng baka para lumambot," sabi niya. "Ang dami na nga nilang kinuha kanina, e," sabi niya. "Bakit naman ganu'n si Daddy."

4.3. Hindi ko alam kung paanong nangyaring iniabot ni Erpats sa pamangkin ko ang kaserolang may lamang pares kasabay ng kaserolang may lamang hipon, pero sa palagay ko, nang makita ni Erpats na kakaunti na lang ang hipon, naisip niyang ibigay na rin ang pares kay Julianne ('yung panganay kong pamangkin.) Naisip niya sigurong okey lang sa akin, tutal malamang e kumain na naman ako ng hapunan. Naisip niyang pagkain 'yun, susmaryosep, pagkain 'yun, at hindi dapat tinitipid, hindi dapat ipinagdaramot.

4.3.1. Oo naman, okey lang sa akin. Putangina pagkain 'yun e! Putcha. Ano ba naman.

4.4. At ayun nga, nag-away sila-- si Ermats at si Taba laban kay Erpats. Nakakahiyang ganito-- kay liit-liit na bagay. Pero lumabas ang lahat ng binanggit ko sa #2 at #3. Hindi naman ganoong kababaw ang pamilya ko para pag-awayan ang isang kaserola ng pares beef. Ito siguro ang dahilan kung bakit kapag sinasambit ko ang salitang pamilya e hindi ko alam kung ngingiti ako o titingin sa malayo. Madalas, ngumingiti na lang ako habang tumitingin sa malayo.

5.

Sa kalmadong paraan, nasabi ko ang sentimiento ko kina Ermats at Taba. Makikita ang sentimientong 'yun sa 4.3.1.

5.1. Pero matapos noon, umakyat ako at binuksan ang kompyuter, at isinulat ito. Oo, nagsulat ako: tumahimik na lang ako, lumayo sa gulo, gumawa ng kung-anong bagay para ipakita sa mga kapamilya kong wala akong pakialam.

5.1.1. Pero iba, e, iba. Hindi ako walang pakialam. Dati pa, miski noong bata ako, hindi naman ako walang pakialam. Paano ba sasabihing may pakialam ako pero putangina puwede bang umayos na tayo?

5.1.2. Hindi ko alam. Kaya nga ang ginawa ko na lang e umupo at sinabing, Kayo naman, o. Hayaan n'yo na. Para 'yun lang, e. At saka ako naglabas ng sangkaterbang tsokolateng binili ko sa Farmer's, malapit sa istasyon ng MRT, kinse pesos sa 50 grams. Masarap 'yung tsokolateng 'yun. Ang sabi ko pa sa kanila, Ayon sa research nakakapagpasaya ang tsokolate. At saka ko sila pinilit kumain ng tig-isang piraso.

5.1.2.1. At kusa naman silang kumain ng ikalawa at ikatlong piraso ng tsokolate. At saka ako pinaalalahan ng nanay kong uminom ng maraming tubig, dahil nga mataas ang blood-sugar ko, at masama sa akin ang maraming tsokolate.

5.1.2.2. Hind ko na binanggit sa kanyang siya ang ngata nang ngata nu'ng tsokolateng iniuwi ko. Tutal, para naman sa kanila talaga 'yun, e. Ang sabi ko na lang, Tirhan ninyo sina Julianne, a. Baka naman sabakan ninyo 'yan bago matulog. Sinabi ko 'yun kahit alam ko namang hindi na sila kailangang paalalahanan nu'n. Sinabi ko 'yun para makapagsalita lang, para matawa sila, para magkuwento sila ng pagkabadtrip nila kay Erpats at kay Utol, pero sa pagkakataong ito, habang may bahagyang tawanan na, habang nakangiti na kami pare-pareho.

6.

Sa totoo lang, minsan nahihirapan na akong pumagitna rito. Minsan, pakiramdam ko, lahat ng mga kapamilya ko bibigay na-- sa dami ng problema, sa hirap ng buhay, sa simpleng kamalasan lang. Siguro signos nu'n ang padalas at padalas na pagdapo ng drama dito sa mumunti naming tahanan. Minsan, pakiramdam ko, ang hirap nang magpatawa.

6.1. Siguro isang araw e bibigay na lang ako at ilalabas ang ulo ko sa bintana at sisigaw ng isang malakas na malakas na "Putangina mo, world! Pu-tang-ina mo talaga." Sa araw na iyon, aalingawngaw ang tinig ko sa buong Tondo, sa buong Maynila, maririnig mo, maririnig ng lahat ng kaibigan kong tulad mo'y nagbabasa rin nitong blog na 'to. Pero sa ngayon, okey pa naman ako, okey pa naman, kaya pa, kayang-kaya pa.
posted by mdlc @ 12:58 AM  
11 Comments:
  • At 9:44 AM, Blogger dimpolado said…

    pare, marami 'kong nalanghap na insights sa entry mong 'to. i specially liked 3.3.1 and 3.3.3.

    "...malaya niyang pasya yun."

    "hindi kailanman makatarungan na hingin mo sa kapwa mo magsakripisyo para sa'yo."

     
  • At 1:49 PM, Anonymous Anonymous said…

    :(

     
  • At 3:35 PM, Blogger mdlc said…

    niel: naks. pero duda naman akong hindi mo pa alam ang mga 'yan, dati pa. paano natin aasikasuhin ang inuman sa darating nating mga berdey?

    dai: ?

     
  • At 6:38 PM, Anonymous Anonymous said…

    pasensya na po sa "comment" ko kanina. nahawa kasi ako sa lungkot ng post mo, at wala akong maisip sabihin.

    niwey, may version ako sa hinanakit mo kay world:

    "tangina mo, beautiful world"

    kasi kahit na gaano pa kasaklap si life, maganda pa rin si world... sometimes it's even more tempting to say:

    "tangina mo, life"

     
  • At 10:00 AM, Blogger dimpolado said…

    cguro nga alam ko. pero nakakalimot din kasi tau sa mga ganito paminsan-minsa, lalo na pag-abala mashado sa paghahanap-buhay, hehe.

    nga pala, "cras" ka na ng isang opismate ko dito, galing mo daw =) sabi ko di lang magaling 'yan, guwapo pa -- hindi lang halata. hehehe

    twagan kita cguro bukas sa cell mo para mapag-usapan,or better yet,mauna na taung uminom para sa planning =)

     
  • At 2:41 AM, Blogger mdlc said…

    dai: a, okay. sige, sabay tayo: tangina mo, life.

    (parang ang brokeback mountain ng dating nu'n, a. "tangina mo, life! charing!"

    ang version ko 'ata nu'n e, "tang'nang buhay naman talaga 'tong anakanamanamputang buhay na 'to, o." sinasabi ko 'to minsan, siguro, nang may dating ng resignation and acceptance. parang natatawa na lang. wala nang magawa.

    pero kapag, "tangina mo world!" parang galit, parang gustong sabihin sa kanyang "hindi kita susukuan," parang may napatunayan sa kanya, kay world, may pinapatunayan, kahit sandali lang, kahit maliit.)

    niel: sige ba. tapusin ko lang 'tong medyo naipong trabaho. ta's inom tayo. teka-- balita ko e may "it happens" na drama ka, a. sige nga, iinom natin 'yan.

     
  • At 2:43 PM, Anonymous Anonymous said…

    Hebigats mehn : ) Materyal yan ala MONDO MANILA -- KARL

     
  • At 5:11 PM, Blogger charis said…

    nd2 na rin lang ako.. magkukumento na..
    nung nabasa ko to, dami kong iniisip na mga sitwasyon na "tangina mo, world!".. heheh. astig..
    siguro daming mga taong may kanya-kanyang bersyon nito. iniisip ko na lang, may mas maraming taong may mas malala ang sitwasyon sa tin, kaya dapat matututo tayong tumayo sa ting mga paa at magsilbing inspirasyon sa ilan. ewan. madaling sabihing wala tayong pakialam pero mas maganda kung nakikialam din tayo minsan...sa tamang paraan. minsan iniisip natin, drama lang yan, pero madalas apektado tayo..

    hmmm.. may isusulat na ko sa blog ko!! :) heheh..
    ayus!

     
  • At 11:18 PM, Blogger Pinoy sa KSA said…

    Bilib ako..galing mong magsulat.

    Meron para sa iyo..antay ka lang...lahat ay binibigyan...ng pagkakataon..pahanon...halaga...itshow we make out of it. It seems you're ready for it...so watch out...take it like a predator..eyeing its prey...pounce hard and don't let go.

    Tuloy tuloy lang dre...bilog ang mundo..ride it well.

     
  • At 4:53 PM, Anonymous Anonymous said…

    alam ko na kung bakit trip mo yung bulsang hardin na umuusok entry ko.

     
  • At 10:22 AM, Blogger slowmotion said…

    what can I say? That has got to be the longest entry in Filipino that i've read since college. hehe You take it easy.

     
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto