May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
huli man daw at magaling, hindi pa rin tatanggi sa libreng beer
Friday, March 10, 2006
1.
P're, pasensya na kung medyo nahuli ng ilang araw ang post ko. Ang dami lang kasing inaasikasong raket (tangina wala pa ring nagbabayad?) at kung anu-ano pa. At saka, oo, tinamad din akong magpaskil dito.
2.
Naaalala ko nu'ng isang araw: nakasakay ako sa dyip, sa harap ako nakaupo, at dumaan kami sa harap ng isang rally. May plakard na nakataas: "Mag-ingay! Bumusina laban sa 1017!"
Ang sabi ko sa tsuper, habang nakangiti, "Manong, busina naman diyan." Ngumiti rin si manong, pero ang sabi niya, "Hindi, pare. Gusto ko lang namang magtrabaho nang tahimik. Sa totoo lang, 'yang mga rally na iyan, pinipigilan lang akong magtrabaho nang tahimik."
Oo, may punto, tama. Sa totoo lang, hindi na ako nagsalita-- malapit na ako noon sa bababaan ko. At nahiya na rin ako kay manong. Pero kung nakapagsalita noon, ito ang sasabihin ko:
"Kuya, magkano'ng naiuuwi mo sa isang araw? Ano ang nabibili mo doon? Dalawa, tatlong latang sardinas, pabaon sa mga anak, kaunting panigarilyo? Kuntento ka na ba doon?
"sa tingin mo ba, normal dapat iyon? Na kung tsuper ka 'lang' e hindi ka na dapat makakabili ng gusto mong bilhin, hindi mo na mapapag-aral ang mga anak mo sa matinong paaralan dahil barag-barag ang public school system? Na napupurga na'ng pamilya mo sa itlog at asin dahil wala kang ibang mabiling ulam, dahil wala kang kita, dahil sobrang mahal ng gasolina? Manong, kuntento ka na ba niyan? Sa tingin mo ba, dahil paulit-ulit na at wala na ring nangyayari, wala ka na ring magagawa?"
At titingnan ko siya, mata sa mata, at sasabihin kong, "Manong, may magagawa ka. Puwede kang magsalita."
Sa kakaunti pa lang na napagdaanan ko sa buhay, napanood, nabasa, nahugot sa ere gawa nga ng murang edad ko, heto ang isa sa mga pinakamahalagang natutunan ko: ang pinakamalaking kasalanan ng kahirapan ay ang pagpapaloob sa mamamayan sa loob ng isang siklo, isang sistemang ninanakawan sila ng pagkakataong umasa. Kasi, ang ikinatao ng tao, para sa akin, ay ang kakayahan nating umasa. Umasang aayos ang lahat. Umasang matatapos din ang gulo, ang pagpipicket, ang sigawan sa kalye, at isang araw e uuwi na tayong lahat, kung saan naman talaga dapat tayo naroroon. Umasang bukas makalawa, kapag ang (magiging) anak ko naman ang kailangang magtrabaho para sa pamilya niya, e hindi na niya kailangang danasin ang paghihirap na dinaranas ko. Ngayon, kung ang gobyerno natin mismo ang nagdidiin at nagkukulong sa atin sa siklo ng kawalang-pag-asang iyon, nakupo. Siguro naman kailangan nating magsalita man lang, di ba? O ako, at least, sa tingin ko, ganoon.
Kung sa tingin mo, hindi, okey ka lang na nag-aabang ng araw suweldo, at sa susunod na araw ng suweldo e ganu'n ulit, paulit-ulit, e putcha, ganu'n talaga. Sabi ko nga du'n sa isa kong entry, gawin mo na lang ang kaya mong gawin sa pinakamahusay na paraan: work, and work well. 'Yun na ang mismong kilos-protesta mo, parang: "Huhusayan kong magtrabaho, ipapakita kong hindi ako nagpapalamon sa sistema ng kadiliman at pagiging disilusyonado."
Pero alam mo, p're, 'yang mga nagpipicket, heto ang simple at tagos-sa-bitukang katotohanan: mahal ka nila. Akala mo ba madaling magmartsa? Tangina, p're, hindi biro 'yung ginagawa nila. Bakit pa? Kasi ayaw nila nang iniisip mo kung saan kukuha ng pambayad ng tubig at kuryente, ng pambili ng LPG, tangina, ayaw nilang iniisip mong okey lang maputulan ka muna ng telepono dahil wala ka pang budget para du'n. 'Yung mga sundalo sa fort boni nu'ng isang linggo? Mahal ka nila, p're. Okey lang sa kanilang mamatay at/o pumatay para sa iyo. Handa silang ipananggalang sa bala ang mga katawan nila para sa iyo. 'Yung mga taong nagrarally, p're, oo, hindi ka nila kilala, pero ikaw pa rin ang iniisip nila, sa kabila ng lahat.
3.
Heto, mehn. Ngayon, as in ngayong araw na ito ang deadilne. Ngayon, as in limang minuto pa lang ang nakakalipas nang matsambahan ko sa internet ito. Pero baka lang 'ka ko madaling-araw mo ako natsambahan, e, at bagong post pa lang 'tong isinusulat ko. Baka puwede ka pang pumaspas ng entry; sayang din, kung manalo ka, breds din 'yun.
Talaang Ginto: Gawad Komisyon ng Wikang Filipino sa Tula― Gantimpalang Collantes 2006
Mga Tuntunin:
1. Ang TALAANG GINTO: GAWAD KWF SA TULA ― GANTIMPALANG COLLANTES 2006 ay timpalak sa pagsulat ng tula sa Filipino na itinataguyod kapuwa ng Komisyon sa Wikang Filipino at Jorge Collantes Foundation kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ni Balagtas tuwing ikalawa ng Abril taun-taon.
2. Nilalayon ng timpalak na (a) lalo pang pasiglahin ang panulaang Filipino sa pamamagitan ng pagkilala sa mga batikan at baguhang talino at (b) pataasin pa ang uri ng panulaang Filipino.
3. Ang timpalak ay bukas sa lahat maliban sa mga kawani ng KWF at sa kanilang mga kaanak.
4. Bawat lahok ay kinakailangang tumutugon sa mga sumusunod:
Paksa: Malaya ang paksa Haba: Walang takda ang haba Sukat at tugma: Maaaring ilahok ang mga tulang may sukat at tugma; maaari rin ang may malayang taludturan. Bilang ng lahok: Isa (1) lamang tula ang maisasali ng bawat lahok Bilang ng kopya: Apat (4) na kopyang makinilyado o kompyuterisado na may dalawang espasyo, sa bond paper na may sukat na 2½” at 11.” Deadline ng timpalak: Marso 10, 2006 Mga gantimpala: Una, P 13,000.00 at titulong – Makata ng Taon 2006; Pangalawa, P 10,000.00; Pangatlo, P 8,000.00 at tropeo bawat isa. Magkakaloob din ng P3,500.00; P 3,000.00 at P 2, 500.00 p/s magwawagi ng una, pangalawa, at pangatlong karangalang-banggit at plake sa bawat isa.
5. Ang mga lahok ay di dapat magtaglay ng pangalan ng kalahok o ano mang pagkakakilanlan sa kanya. Ang pangalan at tirahan ng kalahok at iba pang impormasyong personal ay kailangan isulat sa isang hiwalay na papel.
6. Ang mga lahok ay maaaring dalhin nang personal o ipadala sa koreo sa:
Lupon sa Tula 2006 c/o Jess Ferrer Komisyon sa Wikang Filipino 1610 Watson Bldg., Malacanang Complex J.P. Laurel St., San Miguel, Manila
7. Ang mga lahok, nanalo man o natalo, ay di ibabalik sa mga kalahok.
8. Ang pasya ng inampalan ay pangwakas at di maipaghahabol.
9. Makapagtatanong sa KWF, tel. 7363832.
Sali ka, a. Titingnan ko kung makakagawa ako ng paraan at panahon para makahabol. Pag hindi, malas. Pero pag nanalo ka, libre mo akong beer, a?
4.
May nagsabing kinakasangkapan lang naman ng mga kung-sinong halang ang kaluluwa itong mga nag-rarally na 'to. Sa totoo lang, hindi ko alam. Maaari. Posible. Malamang, hindi mo rin alam.
At kung hindi mo alam, magpapaparalisa ka ba? Kung ngayon na, ayan na, puputok na'ng bomba at pipili ka lang sa green wire o sa red wire, ano, hindi ka ba pipili ng puputulin? At sa huli, ano'ng maaasahan mong gumabay sa iyo sa pagdedesisyon mo?
Noong nasa college pa ako, tinanong ko na rin 'yan sa titser ko sa Liberation Theology. "Sir," 'ka ko, "paano kung hindi mo alam? Paano kung pinapaikot-ikot lang din tayo, at sa huli, ginagawang uto-uto? Paano kung sa huli, hindi ko na alam kung sino ang paniniwalaan? Paano maghahanap ng social justice sa ganoong konteksto?"
Simple ang sagot ng paborito kong guro noon: "Tawag ng budhi."
Wala kang ibang aasahan kundi 'yung sarili mong budhi. O kutob, kung gusto mong tawaging gayon, o instincts. Kapag nakita mo ang kapwa mong nagpiprito ng mga butong napulot mula sa basurahan ng Jollibee, kung makita mo 'yung kapitbahay mong grade 5 na nilalakad mula Blumentritt hanggang Bambang dahil wala nang maipabaon sa kanya'ng mga magulang niya, kapag nakita mo siyang umuuwi nang pawisan at laspag ang sapatos at mukhang wala nang lakas para magbasa pa ng libro, kapag nakita mo 'yun, isipin mo, hindi, huwag mo nang isipin, pakiramdaman mo na lang, pakiramdaman mo: ano ang dapat mong gawin? Saan ka dapat manindigan? Sa huli, kapag nakita mo nang namamaluktot sa hirap ang kapwa mo, 'yun, kung ano ang magiging kilos mo kapag nakita mo 'yun, tinitigan, 'yun. 'Yun ang ikilos mo, at umasa kang nasa tama ka.
5.
E ano pa nga ba ang ipinuputak ko rito gayong iniangat na'ng 1017?
Tangina. Kung kailangan mo pang itanong 'yan, wala kang naintindihan sa mga sinabi ko. Uminom ka na lang, at iinom rin ako, at sana magkita tayo. Kung mangyari 'yun, ililibre kita ng isang boteng pilsen, magkausap lang tayo.
des: game ako. mayroon na akong na-download na 10 kanta ni kate rusby, sige, dadalhin ko rin para sa iyo. kayo na'ng mag-ayos, a. sana mapilit n'yo 'yung ibang mga co-fellows.
ayon. kasama kasi ako sa nagrarally at sumisigaw sa mga oras na iyon. hindi man bumusina ang katabi mong tsuper, salamat na rin dahil sang-ayon at kaisa ka sa aming silakbo.
mahusay. :)
matanong lang, sa admu ba yung rally na tinutukoy mo dito?