abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

wala kang katulad, manny
Monday, April 09, 2007


Pangungusap

Dahil mas madaling magsalita,
nanahimik ka. Dahil ayaw mo
ng madali. Umaga noon,
tinawag ka ng guro, hindi ka nagsalita,
anumang pilit niya.
Nang pinatayo ka sa isang sulok,
ibinulong mo sa pader: Huwag
kang maingay, maraming nakikinig.

Nasanay ka sa katahimikan,
sapagkat may sinasabi
ang mga kuping tansan sa kalsada,
ang malagihay na kumot sa sampayan,
bagaman hindi mabaybay
ang kanilang mga pangungusap.
Nakauwi ka na. Naghubad ka ng sapatos,
at naaalala mo, sa daan,
tinuklas mo ang lihim na arkitektura
ng bawat puno, ng bukbuking bahay
sa gitna ng riles at panaderya,
ng isang patpat na pilit mong itinindig
sa kalsada: Kapag wala nang anino,
tanghaling-tapat na.
O tapat na ang tanghali,
may ibinubulong ang araw: Sa atin
lamang ito.
Dahil mas madaling magsalita,
nanahimik ka. Dahil mas tamang makinig.
Nakauwi ka na. Madilim,
nakasabit ang kalansay ng mga saranggola
sa mga kawad ng kuryente,
kupas na ang mga kuwadrado
sa sementong iniwan ng mga batang naglaro.
Basag na holen, gusgusing pamato sa piko.
Nakadungaw ka sa bintana.
Umaandap-andap ang mga ilaw-poste.
Parang may sinasabi.
posted by mdlc @ 4:40 AM  
0 Comments:
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto