abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

gigz! gigz! gigz!
Saturday, October 21, 2006
Mating season na naman ng dumarami at dumaraming Chupacabraz! Nood na, mga yawba.

1.

Mag:Net Katipunan. Lunes, ika-23 ng Oktubre. Kasama ang Weedisneys, sina Gelo Suarez, Cholo Goitia at Sonny Sendon, at ang Astrojuan. Mga alas nuwebe. Tickets at P120.

2.

Sa Miriam High School fair. (Akalain mo nga naman, ano?) Siyempre good boy set namin ito, so walang bastos na kanta kasi baka masisante si Carl. Oo nagtuturo siya du'n. Di pa namin alam ang eksaktong sked doon. Basta, timbre-timbre na lang.
posted by mdlc @ 3:15 PM   1 comments
hilakbot
Thursday, October 12, 2006
1.

Sa totoo lang, minsan natatakot ako. Minsan naiisip ko na lang, bigla, parang galing lang sa wala (pero maaari kaya iyon? Galing sa wala?), na ang liit ko, iglap sa harap ng taon, tanang-buhay, milenyo. Malilimot ang lahat, sinasabi ko sa sarili ko. Sana hindi, pero alam ko, malilimot ang lahat.

2.

Sa pampang ng isang ilog, may isang lalaking humiga. Tumingala siya, at naisip din ang mismong naiisip ko. Naramdaman niya ang nararamdaman ko. Matagal nang tuyot ang ilog, at matagal nang nagpalit ng kulay ang kalawakang minasdan niya. Wala nang nakaaalala sa kanya-- ako na lamang, sa totoo lang, at isa pa itong huwad na pag-alala, pag-alala sa anyo ng kathang-isip. Kaya kong sabihing Nangyari talaga ito, ngunit matapos magwika, ano? Walang maniniwala. At may maniwala man, mauuwi lang din sa paglimot ang paniniwala.

3.

Sa totoo lang, natatakot akong mamatay. Bakit ko naiisip ito? Sapagkat minsan may isang lalaking humiga sa pampang ng isang ilog. At namatay siya at maraming nagsalita sa kanyang libing, ngunit pati sila ay namatay rin, at bagaman may mga nagsalita rin sa kanilang mga libing, (at sa libing ng mga nagsalitang ito,) ngayon, wala nang nakaaalala sa lalaking humiga sa pampang. Ako na lamang, ngunit pati ako at mamamatay rin.

Heto, sa totoo lang: natatakot akong mamatay dahil baka kung mawala ako ay baka wala na muling makaalala sa lalaking humiga sa pampang.

4.

Ilang ulit na bang nangyari: sa gitna ng kuwentuhan, may isang maikling katahimikan, at ginamit ko ang katahimikang ito upang tumingin sa paligid. Humanap ako ng isang bagay at inalala iyon, iniukit sa isipan, itinago sa isang silid sa puso ko. Ngayon pa lamang, bumibigat na ang mga hakbang ko dahil sa timbang ng silid na iyon.

Isang araw, pumasok ako roon, at nagulat na lamang nang makita ang bintanang bukas, ang malakas na hanging humihihip sa silid, ang mga bagay na tinangay nito papalabas sa bintana, papalayo, di ko na mahabol, at hindi, hinding-hindi ko na maibabalik.

5.

Minsan ko na itong sinabi sa isang kaibigang mas nakatatanda sa akin. Umiling-iling siya at sinabing masyado pa raw akong bata upang mag-isip ng ganitong mga bagay. Tumingin ako sa malayo, bahagyang nainsulto sa sinabi niya.

Napatingin akong muli sa kanya nang marinig ko siyang bumulong: Papaano pa ako? Nakangiti siya. Sana, sabi ko sa sarili, sana turuan ako ng mga araw, taon, at dekadang tumanggap nang tulad niya.

6.

Ngayong gabi, nakahiga na ako nang maalala ko ang lalaking humiga sa pampang ng ilog. Kama, unan, matigas na higaan: Lalaking nakahiga sa pampang ng ilog. Gayong gumagana ang memorya; may lumipas nang bagay o pangyayaring dumikit nang parang lumot sa isang bagay na di pa lumilipas. Gayon din siguro kung gumana ang haraya.

7.

Natatakot akong mahuling mamatay, natatakot akong lumipas muna ang lahat ng bagay na pinahahalagahan ko, natatakot akong mauwi na lamang ang bawat kaibigan ko sa isang pangalang inaalala, sa isang silid sa puso kong kinalawang na't nabali ang susi, at unti-unting kumukupas, naglalaho. Natatakot akong isang araw ay magising akong nakaaalala ng isang pangalan ngunit di isang mukha; isang linya ng tula, na sigurado kong isinulat ng isang kaibigan, ngunit sino?


8.

Sa totoo lang, may higit pang takot dito, sa takot kong malimot, maglaho. Natatakot akong makalimot. Natatakot ako dahil sa huli, ako na lamang ang makapagpapatunay, makapagbibigay-halaga sa mga naranasan ko (Oo, naroon ako, at nalungkot ako,) ngunit walang kandado ang bintana at pati ang payak na tungkulin ng pag-alala ay hindi ko man lang masiguradong magagampanan ko.

9.

May kutob akong magkadikit ang dalawang katotohanang iyon: ang kapasidad nating magsukbit (oo, sukbit, parang bagaheng nakasukbit sa balikat, o espadang nakasukbit sa baywang,) ng ibig-sabihin sa nakikita o nadarama, at galing dito ang kapasidad nating umalala at humaraya; at ang takot nating maglaho. Hindi, hindi kutob, naisip ko (naalala? hinaraya?) ito. Ano?

Hayan: nagsukbit ako ng ibig sabihin sa kawalan, sa katahimikang hatid ng tandang pananong. At maaalala mo, sigurado ako: May isang lalaking humiga sa pampang. Nakaramdam siya ng hilakbot, ngunit sa pagtayo niya’y naaninag ko ang mumunting ngiting dumapo sa kanyang labi. Nagsimula siyang maglakad, ngunit napatigil sandali upang yumukod at pumulot ng isang tuyong dahon, bago magpatuloy sa paglalakad.
posted by mdlc @ 12:38 AM   1 comments
basta masakit
Tuesday, October 03, 2006
Ang sabi ni Allan, Bigla ko tuloy naisip mag-blog. Ang sabi niya, Sisimulan ko nang ganito: Alam mo ba 'yung pakiramdam nang sinasampal-sampal ka, tapos nakayuko ko lang, tapos patuloy ka pa ring sinasampal-sampal, kinakabog-kabog sa dibdib, binabatukan?

Nang tanungin ko naman si Leo kung ano ang masasabi niya, sinagot niya ako nang, Ewan. Basta masakit. Hindi ko maisip kung paano tayo nalagay sa ganoong situwasyon: parehong guro ang kasama ko, tapos nauwi sa ganoon.

Bago pumunta sa Game 3, sa Araneta, dumaan ako sa Gateway, sa Fully Booked, at iyon din halos ang naisip ko. Putangina, 'ka ko, ang hilig-hilig ko sa poetry tapos mapapasagupa ako sa suntukan.

Nangyari 'yun nang lunes nang madaling-araw. Hanggang ngayon masakit pa rin ang pisngi ko.

Sugatan at namamaga pa rin ang kanang kamao ko.

Hindi ko pa rin mahigaan ang kanang tagiliran ko.

Ang sabi ni Leo, Ewan, Basta masakit.

Galing kami sa Uncle Tats, 'yung Bilyaran sa tabi ng Trellis, tapat ng Treehouse, sa Kalayaan. Dumating si Carlo. Pulutan: Kalderetang Kambing at Chicharong BUlaklak. Nakadalawang oras kami mahigit doon. Tambay, bilyar, inom nang kaunti. Napagsaraduhan na kami.

Lipat kami sa Ysabela, sa Xavierville. Tambay, inom uli. Tawanan. Inabot ng antok. Napag-isipang magpahimasmas nang kaunti. Biyahe kaming Shell Select, sa Katipunan, sa tapat ng La Vista. Si Carlo, plastado na sa auto. Kaming tatlo na lang nina Allan at Leo. Si Allan, kape. Si Leo, kape at Snickers. Ako, cold Milo at Snickers with almonds.

Ang sabi ni Allan, Kung kailan tapos na ang inuman saka pa nangyari 'yun.

Ang sabi ko, Oo nga.

Ang sabi ni Leo, Ewan. Basta masakit.

Plastado sa auto si Carlo.

Nakaupo kami at pinagkukuwentuhan kung gaano nang kalasing si Allan. Ang sabi niya, Pare, ang sakit ng ulo ko. Ang sabi ko, dalhin mo sa dentista, ipabunot mo. Tapos may nahulog na mga bote sa mesa sa likod namin. Napalingon kami.

May problema ba kayo?

Sabi ko, Wala.

Ikaw, ano'ng tinitingin-tingin mo?

Wala.

Inaanak mo ba ang anak ko?

Hindi.

Tayo ang isa, nakasandong asul, naka-shorts, may malaking kelloid sa kaliwang braso, kelloid o di kaya tatong binura. Hindi ako bading, pero malaki ang katawan niya. Akala ko aakbayan lang ako. Sabi niya, Pare, pasensiya na, a, walang problema dito. Ipinatong niya ang palad niya sa balikat ko.

Tapos hinawakan ako sa buhok, pasabunot. Tapos binatukan nang malakas si Allan. Ang sabi ko, teka, teka. Ang sabi niya, Ano, papalag kayo? Lumapit na rin ang kasama niya, nakaputing sando, naka-shorts, may bigote. Hindi ako bading, pero macho rin siya.

Ang sabi ko, sandali, teka, teka. Tapos binigyan nang isang malaking overhand right si Allan, walang pasabi. Sapul sa bibig si Allan. Tumayo na kami. Plastado sa auto si Carlo.

Taas ang kamay ko, para ipakitang di na papalag. Para rin makasalag nang madali sakaling birahin din ako. Ang sabi ko, Pare, pasensiya na, walang gulo, walang gulo, pasensiya na.

Sinampal ni Kelloid si Allan. Humampas ang ulo ni Allan sa posteng sinasandalan. Ang sabi niya, Pare, tama na, nakainom na ako, pasensiya na.

Sinampal ni Kelloid si Allan. Ano, nakainom kayo, kukursonadahin ninyo kami? Kinabog niya sa dibdib si Allan.

Hindi, pare, pare, walang gulo, pasensiya na. Binigyan na naman nang malakas sa bibig si Allan. Anong pare, kumpare ba kita? Duguan na ang labi ni Allan. Sabi ni Allan, Putsa, pare, please, tama na, di na kami papalag.

Binigyan na naman si Allan. Maga na ang pisngi ni Allan. Ba't ka nagmumura?

Plastado sa auto si Carlo. Sabi ko, Sir, walang gulo, tama na, Sir, di naman kami manlalaban, e.

Sabi ni Bigote, Pare, pasensiya na, pasensiya na kayo sa kaibigan ko, tama na nga, tapos na.

Kinamayan ako ni Bigote. Kinamayan ni Bigote si Leo. Nandiyan na ang guwardiya ng Select.

Binigyan na naman ni Kelloid ng backhand sa bibig si Allan. Di pala kayo papalag, e! Napansin nila ang guwardiya.

Sabi ni Kelloid, kayo, a, porke't dalawa lang kami, nangungursonada kayo! Taga-rito lang kami! Matapang kayo? Ang sabi niya kay Leo, Ikaw, malaki ka? Gusto mong ibaon kita sa kinatatayuan mo?

Ang sabi ko, Pare, nananahimik kami.

Ang sabi niya, Putangina, papalag ka pa yata, e. Tatlo kayo. Kinukursonada ninyo kami.

Tinapon ko sa sahig ang yosi. (Dapat tinapon ko sa mukha ni Bigote.) Ang sabi ko, Pare, hindi na tama 'to, e. (Dapat hindi na ako nagsalita.)

May hawak na isang supot ng tube ice si Bigote. Hinataw ako sa mukha, dead hit.

Nakatingin sa akin si Leo. Sa isip raw niya, Aray. Putsa, masakit 'yun, a. Habang nakatingin siya sa akin at iniisip 'yun, binoljak siya ni Kelloid. Basag ang ilong ni Leo. Tumilapon siya sa halamanan. Plastado sa auto si Carlo.

Buwelo, boljak. Sapul si Bigote. Nagbuno na kami. Hawak ko na ang sando at braso niya. Hawak niya ang T-shirt ko. (Dapat take-down, avalanche, tapos armbar.) Pag nandu'n ka na pala, ang hirap nang mag-isip. Bara-barang suntok na lang. Nakita ko sa kaliwa ko si Kelloid. Binubuhat niya ang No Parking sign na may semento sa base. Nakatingin kay Leo, nanlilisik ang mga mata. Ang sabi ko, Guard, Guard, tama na, umawat ka na.

Sa isip raw ni Leo, Puta, masakit 'yun, a. Buti na lang nahirapan siyang buhatin 'yun, kaya natadyakan ko sa tagiliran si Kelloid. Timbuwang siya. Sa akin naman nakatingin.

Sabay silang tumayo ni Leo. Pero sa akin nakatingin si Kelloid. Nagbubuno pa rin kami ni Bigote. Haymaker ni Leo, suwak sa mukha ni Kelloid. Tilapon sila pareho. Sumisigaw ako. Allan, Allan, tumulong ka naman. Wala sa tamang ulirat si Allan.

Nakita kong pumupulot ng silya si Allan. Hawak ko si Bigote, hawak niya ako. Magkaharap kami. Ang sabi ni Allan, parang artista, "Pare ayaw kong gawin 'to, pero..."

Ang sabi ko, Guard, Guard, tama na, umawat ka na.

Sapul ng silya sa likod si Bigote. Napatigil. Buwelo, uppercut. Sapul si Bigote.

Patayo si Kelloid. Tinadyakan ko. Tinadyakan ni Allan, suwak sa mukha. Tilapon si Kelloid papunta kay Leo. Tinadyakan ni Leo, pababa, stomp kick. (Dapat pataas, front kick.)

Sinugod ako ni Bigote. Sapul na naman ako. Ang sabi ko, Guard, Guard, tama na, umawat ka na.

Nagkabuno lahat. Tatlo kami, parang wrestling hold, laban sa kanilang dalawa.

Anga sabi ni Leo, Tama na.

Ang sabi ni Allan, Tama na.

Ang sabi ni Bigote, Pare kunin mo na 'yung baril sa auto.

Bumitaw ang kanang kamay ni Kelloid. Ang sabi ko, Guard, Guard, bumubunot!

Itinaas ni Kelloid ang sando, pinakitang walang nakasukbit sa baywang niya. Tumakbo na si Kelloid papunta sa sariling auto. Takbo rin sina Allan at Leo sa auto.

Magkabuno pa rin kami ni Bigote. Sabi ko, pare tama na. Bumitaw ang kanang kamay niya. Kumasa ng isang haymaker.

Yuko ako, sidestep, takbo. Sablay si Bigote. Tilapon siya, subsob. Ang sabi ko, Tangina mo akala mo, a!

Tinugis pa ako ni Bigote. Nakapasok na ako sa auto. Nahawakan pa niya ang pinto ng auto. Niratrat na ni Allan. Bumitaw na si Bigote. Ang sabi ko, Tangina mo, akala mo, a!

Ang sabi ni Leo, Puta pare, putok ang ilong ko.

Ang sabi ni Allan, Tingnan mo sa likod, baka may humahabol sa atin.

Ang sabi ni Leo, Wala, wala, sige ihataw mo lang.

Nagising si Carlo. Ang sabi ni Leo, Puta, pare napalaban kami.

Ang sabi ni Carlo, Hindi nga? Sayang.
posted by mdlc @ 2:50 PM   14 comments
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto