dalawang tula |
Friday, August 17, 2007 |
Avenida, Pagtila
Masdan mo, nagtatampisaw ang mga bato- bato at maya sa tubig na naipon sa mga uka
sa semento, tumitingala at para bang umiiling-iling sa bawat businang nambubulabog sa di-kalayuan. Dinidilaan
ng mga pusa ang isa’t isa sa ilalim ng mga namamahingang sasakyan, at ang bawat bintana, nakapinid man o hindi,
ay nakikinig sa payapang pagtibok ng puso nitong lungsod. Kaibigan, gusto sana kitang kausapin tungkol sa kalungkutan, ngunit ngayon,
tinatawag ng liwanag ang hangin mula sa aking dibdib, at saan man ako lumingon, naghahabulan ang mga batang
di makapagpigil ng ngiti sa pinilakang pagdilat ng lungsod. Kaytagal kong inabangan ang tag-ulan, at pagdating nito,
kaytagal ko namang inabangan ang pagtila. Masdan mo. Pumikit lamang at dumilat muli,
at mababatid mo ang lihim na ibinubulong ng kalangitan matapos ang ulan: lahat, lahat, nahuhugasan.
.
Pakikiramay (kay Kristian)
Minsan humuhuni ang lungsod, nagtatanong, at walang tumutugon. Sugat ang biyaya sa iyo ng tag-ulan, sabi mo. Sabi ko, gusto sana kitang kausapin tungkol sa delubyo, ngunit ang totoo, wala naman talagang nasasalanta rito. Minsan, matapos ang ulan, nakapupulot ako ng bangkay ng ibon sa lansangan. Minsan lusak na saranggola, o kalawanging barya. Maraming uwak ang dumapo sa iyong bayan, sabi mo. Dito, kanina, sa balita, pinag-usapan ang isang pulis, naholdap. Ang imbentaryo: Labing-apat na pasahero, pitaka, telepono. Isang bala sa batok. Isang bangkay. Diyan, kaibigan, mayroon pa bang naglalamay? Dilat na dilat ang mata ng bagyo, sabi mo. Malamang mayroon pang naghuhukay. Sabi ko, gusto kong makiramay. Ngunit may harang ang mga daanan papalabas nitong lungsod. Dalawin mo ako, kung gayon. Dalhan mo ako ng ulan. Turuan mo akong masugatan. |
posted by mdlc @ 12:21 AM |
|
|