May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Monday, April 12, 2004
Freshman year nang magsulat ako tungkol sa Semana Santa - tatlong maiikling kabanata ng kung anong kagaguhan. Tatlong madaling-araw kung kailan tulog pa ang Diyos e gising na ako, nakatitig sa papel, pinipiga ang ulilang lapis, sinusubok gampanan itong pinaniniwalaang tungkulin sa mundo, itong saysay, kung bakit ako napiling ilagay ng Kung Sino ngayon, dito.
Noon, nagsulat ako tungkol sa munti naming piraso ng mundo, sa isang lupalop na bininyagang Tondo. Sa bangkay ng pusang nasagasaan ng tren, sa mga taong grasang naglipana mula Solis hanggang Dinalupihan, mula Abad Santos hanggang Avenida. Sa gulong nangingiling lang tuwing Semana Santa. Ang sabi ko pa, sa tatlongdaan, animnapu't limang araw sa isang taon, pipitong araw lang ang pahinga ng mga sanggano dito sa amin. Iyong natitiring tatlongdaan, limampu't walo, iyon, iyon ang penitensiya, para sa kanila.
Isa't kalahating taon na rin ang nakararaan, nakasama ko sa isang workshop ang dalawang kaibigang ilantad natin sa pangalang Glen at Ken. Napagkasunduan naming gumawa ng tula tungkol sa isang misteryosong pamahiin. Si Glen, nakasulat na, ilang ulit nang nakapagpa-publish ng tulang iyon. Si Ken, ewan ko kung naisulat na niya. Masyado nang maraming nangyari sa kani-kaniya naming mga buhay, at sa paminsan-minsang tagayan na lang kami nakapaghuhuntahan. Ako, heto. Hindi pa tumutupad sa usapan.
Ngayon, hindi ako nakapagsulat noong mga araw na tinaguriang lumalabas ang mga engkanto't masasamang ispirito, iyong tatlong araw mula nang nalagutan ng hininga sa krus sa Hesukristo hanggang sa pagbangon niya noong matadhanang umagang iyon ng linggo. Apat na taon na akong hindi nakapagsusulat sa mga araw na iyon.
Okey lang. Tumunganga lang talaga ako. Pero ito ang natutunan ko sa dalawampu't isang taon ko nang inilalagi sa mundo: hindi kinakailangang patay si Kristo para lumitaw ang mga diyablo. Nariyan lang sila, narito, nagtatago, umiidlip sa mga kanto ng kani-kaniya nating mga sentido, ng kani-kaniya nating Tondo.
----------------------------------------
Pasa-pasang mga Kuwento
Alam n'yo ba kung paano pinapatay ang kakataying kambing?
Ang aso, isinisilid sa sako, pagkatapos hinahampas ng tubo. Kakapain lang ng matador kung nasaan ang leeg ng aso, tapos hahawakan niya iyon nang mahigpit, para masakal na rin ang aso. Tapos hahampasin niya nang hahampasin nang hahampasin ang ulo. Hanggang sa tumigil sa kakapiglas ang aso. Nanlalaban nga kasi.
Hindi nanlalaban ang kambing. Kaya nga hindi na kinakailangang isilid sa sako.
Pero wala ring matador ang kayang humampas nang humampas nang humampas sa ulo ng kambing. Kasi, kapag hinampas mo siya, titiklop lang ang kambing. Pipikit nang maamong maamo, parang nagpapakyut, parang mangongomunyon, parang tatanggap ng katawan ni Kristo at magsasabing, "Ame-e-e-e-en." Naaawa ang mga matador. Miski ikaw, maaawa ka rin.
Ang ginagawa ng matador, kukuha ng lumang bote ng 1.5 na Coke, o kahit ano, basta plastik. Tapos gugupitin ang puwitan noon para makagawa ng embudo. Isusuksok niya ang embudo sa bibig ng kambing. Tapos bubuhusan niya ng dalawang bote ng Datu Puti. Para timplado na pati 'yung bituka ng kambing, na masarap ipang-papaitan, 'yung lutong Ilokano na may sabaw, na madalas hinihigop ng mga nakikipiyesta kapag lasing na. Iyon na rin ang ikamamatay ng kambing. Oo, nakakalason ang suka. Subukan mong uminom ng isang boteng Datu Puti, malalasing ka rin.
Habang sapilitang ibinubuhos sa lalamunan ng kambing ang suka, parang nai-imagine kong, anytime, mag-aantanda ang matador at sasabihing, "Dugo ni Kristo?"
At hindi makakasagot ang kambing, dahil nga may nakasumpak na ginaralgal na bote ng Coke 1.5 sa bibig niya.
Pareho lang ang epekto. Patay ang kambing, may pulutan ang nakikipiyesta, ebribadi hapi. Wala namang nagawa para sa kambing 'yung trobol sa paggagayak nu'ng embudo at pagbili ng Datu Puti.
Para sa matador 'yun, at para sa lahat ng mga taong nanonood sa tabi niya, na baka maiyak kapag hinampas niya nang hinampas nang hinampas sa ulo 'yung kambing, at para sa mga batang nagpaligo, nagpakain, humimas nang napakarahan sa balahibo ng kambing habang pinapataba pa ito. Kung ako nga 'yung kambing at papipiliin akong gilitan sa leeg o painumin ng maasim na toma, magpapagilit na lang ako.
Para sa atin iyon. Ang galing talaga ng tao, 'no? Ang dami niyang naiisip na paraan para mapadali ang buhay niya. Hindi niya kayang panindigan ang pagpapahirap na ginagawa niya sa kapwa niya.
Isipin mo; guilt na lang nga ang bayad sa pagpatay niya sa kambing - hindi na nga siya ili-lethal injection, hindi na nga ikukulong, e. Haay, ang tao nga naman. Hindi niya kayang titigan, mata sa mata, ang mga sinasaktan niya. Kasi, baka makita niya ang sarili niya doon.
Oo, tama. Tangina, nakakatakot nga iyon.
***
Isang araw, nakasakay si Leo sa dyip sa Guiguinto, sa Bulacan. Sa bandang likod siya nakaupo, kaharap ang isang magandang dalaga, 'yung tipo ng gandang masarap ibili ng bulaklak, i-holding-hands sa sine, ipakilala sa magulang.
Nang bumaba sa may palengke ang babae, siyempre, sinundan ng tingin ni Leo. Hindi na niya napansin ang dalawa pang taong sumabay ng pagbaba sa palengke. Pero dahil hindi naman presko sa tsiks, hindi na nagpakilala si Leo. Tinapakan na ng tsuper ang silinyador, at bumitaw na ng tingin sa babae si Leo.
Biglang humiyaw ang babae. Oo, narinig rin ni Leo ang nakangingilong kaskas ng gulong sa kalsada, pero mas mahalaga sa pandinig ng isang beinte-dos anyos na lalaki ang tili ng isang dalaga.
Titingnan sana ni Leo ang magandang babae, pero mas mahalaga sa paningin ng sinuman ang imaheng tumambad sa kanya:
Isang trak, 'yung trak na sinlaki ng bilding sa Makati, 'yung trak na dalawang milyon ang gulong na mas malaki pa sa iyo at sa akin na pinagpatong. Basta, malaking trak. At ang drayber ng trak na tumatakbo para tingnan kung anong gulo ang nangyayari sa tapat ng palengke.
Isang matandang lalaki, mga seisenta anyos siguro, may hawak na bayong na walang laman, dahil papunta pa lang siya sa palengke. Umiiyak. Hindi, humahagulgol. Hawak ang manipis na buhok, na halos mapilas na. Paikut-ikot na lumalakad, parang naghahanap ng kausap, pero walang makakausap, dahil sa lakas ng hagulgol niya. Dahil ang lahat ng tao, nakatitig lang, walang magawa kundi tumitig lang.
Isang tumpok ng putik, dugo, balat at laman sa likod ng trak. Kalahating katawan sa ilalim ng isang dambuhalang gulong.
Noon lang nabanaag ni Leo ang inihihiyaw ng matandang lalaki: "Nakupo, Diyos ko po, asawa ko, nakupo, Diyos ko po, ano'ng ginawa mo..." paulit-ulit, hanggang sa wala na muling mabanaag si Leo sa gitna ng paghagulgol.
At nang makita ng drayber ng trak ang nagawa niya, inangat niya ang dalawang kamay, hinawakan ang magkabilang pisngi, at dahan-dahang napasalampak sa bangketa nang parang hindi makapaniwala sa nangyari, nang parang walang nangyari, walang nangyayari, wala nang mangyayari pa, sa kanya, sa kahit kanino, magpakailanman.
Hindi na maalala ni Leo kung ano ang tumakbo sa isipan niya habang papalayo ang dyip at unti-unting naging tuldok sa alikabok at abot-tanaw ang litratong iyon. Pero ang sabi niya, matapos niyang ikuwento sa akin iyon, "Pare, malamang, tumakbo sa isipan ko ang tatakbo sa isipan mo, sa isipan ng kahit kanino, kapag nakita nila iyon."
Hindi ko alam kung ano iyon, dahil hindi ko nakita ang insidente sa harap ng Pamilihang Bayan ng Guiguinto. Ayaw kong malaman. At sigurado ako, ayaw rin ninyo. Takot, takot na takot tayong lahat.