abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Tuesday, October 26, 2004
Hindi ko naman talaga kakilala si Tito Arthur.

Hindi pa ako ipinagbubuntis ni ermats nang maisipan niyang mangibang-bansa para kumita ng pera. Nagpunta siy sa 'Tate para maging systems analyst; siyempre, hindi pa uso ang kompyuter sa Pilipinas noong mga panahong iyon. Ang alam ko, noong bandang hayskul ako e minabuti niyang maging cab driver na lang, dahil lilipat ang kompanya niya sa ibang state, at ayaw niyang iwan ang New York.

Binata pa si Tito Arthur, tumanda nang binata. Singkuwenta y siete anyos na siya ngayon, at ewan ko na lang kung may papatol pa sa kanya. Hindi dahil sa pangit siya, oy - mahiya kayo, wala yata sa lahi namin 'yun.

Binata pa si Tito Arthur dahil trip niya ang buhay binata. Dahil sa loob ng mahigit dalawampung taon na niya roon ay wala pa siyang naipupundar. Dahil siya 'yung kung tawagin dito sa atin e iresponsable. Dahil adik sa sugal si Tito Arthur, dahil wala siyang konsepto ng "para mayroon pang matira bukas," dahil mababaw lang ang tuwa niya.

Noong biyernes, tumawag si Tito Arthur, long distance. Madalas ganoon 'yun; pag walang makausap at nababato siya doon, tumatawag sa amin. Kapag ako ang nakakasagot sa telepono, ipinapasa ko kaagad kay erpats, na utol niya. Ano nga ba naman ang puwede kong ikuwento kay Tito Arthur, e lumaki akong ang alam ko lang tungkol sa kanya e sugarol siya at mataba siya? Pero noong biyernes, nang tumawag siya, ako lang ang tao sa bahay. Kaya sa unang pagkakataon, nagkakuwentuhan kami.

Si Kerry daw ang iboboto niya. Katatapos lang daw niyang bumiyahe. Alas dos daw ng madaling-araw doon. Kumakain daw siya noon sa isang Chinese restaurant dahil nakakatamad magluto at maghain at kumain at maghugas ng pinggan nang mag-isa. Malungkot din, bukod sa nakakatamad. At saka niya ikinuwento sa akin 'yung tungkol sa lumang ponograpo.

Hindi ko alam kung totoo ang kuwentong ito. Tunog istir, sa totoo lang. Dagdag mo pa na mahusay na kuwentista ang Tito Arthur, gawa nga ng pagka-cab driver niya. Pero masarap ang biyahe. Kaya mahirap nang isaisip kung totoo nga ang kuwento o hindi. Tutal, tapos na ang lahat-- ano ba ang masama kung makinig?

***

Noong giyera daw kasi, may isang kapitan ng mga Hapon ang lumapit sa lola ko. Dahil nga kagipitan na noon, ipinagpalit ng Hapon, para sa dalawang kabang bigas, ang isang ponograpo. Ang sabi ni Tito Arthur, nakagisnan na niyang nakabalandra sa isang sulok ng sala ng lumang bahay ang ponograpong iyon, parang malignong pinapanood ang lahat ng daraan sa harap niya, kung kukuha ka lang tubig sa kusina, kung papasok ka sa isa sa mga kuwarto para umidlip, kung papanaog ka sa hagdan, papalabas ng kalye. Hindi naman daw gumagana ang ponograpo, kaya nagtataka si Tito Arthur kung bakit hinahayaan pa iyong naka-display. Ang sagot lang sa kanya nina Lolo Lai Ah, suwerte raw 'yun, para daw walang dumating na malas sa pamilya.

Isang araw, dahil kausuhan ng rakenrol sa 'Pinas, minabuti ni Tito Arthur na kalikutin ang ponograpo. Pero ang bigat nito, mabigat pa sigurado sa dalawang kabang bigas na ipinalit dito, kaya nga hindi maibaba ni Tito Arthur ang ponograpo para maipagawa. Sinubok buksan ni Tito Arthur ang ponograpo, at nang magtagumpay sila ng scredriver niya, putangina-- punong-puno daw ng alahas ang loob ng ponograpo.

Ang kuwento, kinumpiska daw 'yun nu'ng kapitang Hapon sa isang alta sociedad na pamilya sa Intramuros. Doon daw sa mga di-halatang taguan na tulad noon - sa loob ng isang binti ng antigong kama, sa likod ng salamin, sa ponograpo nga - itinatago ng mga mayayamang pamilya ang mahahalaga nilang ari-arian.

E di akala nga ni uncle, jackpot na siya. Pero dahil dumating kaagad sina Lolo, kaya't mabilisang iniayos ni Tito Arthur ang lahat ng ebidensya ng kayamanan.

Kinabukasan, nagulat na lang si Tito Arthur nang makita niyang wala na ang ponograpo sa dati nitong puwesto. Kinuha daw ng pamangkin ni Lola Siyanang, 'yung nag-vocational course ng electronics. Kakatikutin daw. Para naman daw may magamit sila sa bahay na patugtugan. Ang bigat nga raw, apat na tao ang bumuhat. Sa madaling salita, "'Tang'na, yari."

Hindi na nasauli ang ponograpo. Malamang, kung kinatikut nga 'yun ng pamangkin ni Lola, natuklas na rin ang kayamanan sa loob nito. Kung matinong kamag-anak ang nakahanap noon, kahit papaano siguro e papartihan sina Tito Arthur. Pero wala naman yatang ganoon, hindi uso sa amin 'yun. Sa madaling salita ulit, kupal yata talaga ang mga kamag-anak namin.

Kaya nga heto pa rin kami ngayon, e, apelyido lang ang dala. Sabi ko nga, huwag sanang mapagkakamalang mayaman ang mga pamangkin ko, huwag sanang makikidnap, dahil sigurado e hindi sila matutubos. Huwag sana akong mahoholdap dahil wala akong maibibigay. Huwag sanang magpatuloy nang ganito ang buhay habambuhay.

Ang sabi ni Tito Arthur, matapos ikuwento itong alamat ng ponograpo, sa telepono habang nasa kabilang pisngi ng mundo siya, "Alam mo, suwerte tayo, e, kung tutuosin. Naiisahan lang palagi. Ang masakit noon, madalas, kamag-anak din natin ang gumugudtaym sa atin."

Ang sabi ko, "The story of our lives."

posted by mdlc @ 10:56 PM  
0 Comments:
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto