abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Wednesday, September 29, 2004
So, ganito nga ang nangyari:

Teka, teka, kailangan kong simulan sa ngayon. So, a las onse y media ngayon ng umaga, at ganito nga ang nangyari:

Teka, bago ang lahat, baka lang nagtataka kayo: ano'ng ginagawang gising ni Mikael, na sa katunayan e isang paniking nagsakatawang-tao, ngayong alas-onse y media ng umaga?

So, 'eto na nga, hindi ang nangyari sa tamang paraan at panahon ng pangyayari nila. Mga bandang alas siyete nang maalimpungatan si Mikael. "P're, akyat ka na, may bakante nang higaan sa 'taas." Pero hindi siya bumangon, dire-diretso lang siya sa pagtulog sa couch, dahil nga kailangan niyang gumising ng alas onse para maglaba. Dahil nu'ng linggo, nagpangako siya kay Pipo na pinsan ng mga Vallente, nagpangako siyang tutulong siyang maglaba, nagpangako siyang gigising siya ng alas nuwebe ng umaga para tumulong maglaba. E dahil nga paniking nagsakatawang-tao 'tong si Mikael, hindi siya nagising ng alas nuwebe. Nagising siya ng alas kuwatro ng hapon. Kaya mag-isang naglaba si Pipo.

E di ayun nga, alas siyete, naalimpungatan siya. Alam n'yo naman ang tao pag naaalimpungatan; parang wala sa tamang ulirat. Kaya nanaginip siya, 'yung panaginip na hango rin sa tunay na buhay, parang 'yung mga pelikula ni Ramon Revilla tungkol sa agimat na tuwang-tuwa siyang pinapanood noong kabataan niya.

Sa panaginip ni Mikael, ganito ang nangyari: natutulog siya sa couch. "P're, akyat ka na, may bakante nang higaan sa 'taas." E ayaw bumangon ni Mikael, kasi nga maglalaba siya nang alas onse. Ayaw rin niyang bumangon kasi antok na antok pa siya, kasi, sa totoong buhay, ganito ang nangyari:

Alas dos y media ng madaling-araw. May tumatawag sa cellphone; landline. E di hindi niya alam kung sino, hindi niya alam kung bakit naman may landline na tatawag sa cellphone niya ng ganitong oras na tulog pa ang lahat ng anghel sa langit, tulog pa pati ang Diyos. Sinagot pa rin ni Mikael ang telepono, wala naman siguro siyang pinagkaatrasuhang tao na tatawag ng ganitong oras.

Tama nga ang hinala niya, pati ang mga hinala ninyo: emergency. Si Allan. "P're, nandito ako sa Petron sa Quezon Av, 'yung sa tapat ng Pegasus (hindi siya doon nanggaling.) Pumutok ang gulong ko (na nang silipin namin kanina e makapal pa ang bulbol ko kaysa treading.) Punta kayo dito, may spare tire kayo diyan, di ba?" E nakainom silang lahat, pero sige, game, kailangan, e. E di alas singko y media na nang matapos ang adventure. Kumain sila ng mata ng baka sa world famous lugawan ni Mang PJ, na idol si FPJ, doon, sa looban, pagkatapos i-convoy si Allan papauwi sa makasaysayang kalye ng Lico, sa Gagalangin, Tondo, Maynila. Dahil nga pati 'yung spare tire na ipinalit sa pumutok na gulong ng auto ni Allan, kalbo na, at anim na beses nang tinapalan. Antok na antok na si Mikael at ang mga kasama niya nang makauwi uli sa P. Tuazon.

So, ayun nga ang nangyari sa totoong buhay, kaya napuyat si Mikael. Pero sa panaginip niya, dahil nga wala pa siya sa tamang ulirat, ito ang nangyari: sa buong akala niya, maglalaba siya ng mano-mano, walang washing machine. Kaya nang gisingin siya para lumipat ng higaan, nakita niya ang ring finger niya, ang ring finger ni Mikael, putangina, parang naputukan ng rabintador sa bagong taon. Buto na lang ang nakalambitin, parang nginatngat ng piranha.

Kaya bumangon siya para bumili ng bolpen, at 'yung takip ng bolpen ang isusuot niya sa ring finger niya, para kahit papaano, makapaglaba pa siya.

So, ganito talaga ang nangyari, alas onse y media nang maalimpungatan siya, at putangina, hindi naman pala sira ang daliri niya. Pero dahil ayaw niyang makalimutan 'yun, gusto niyang matuklas kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng panaginip niya, bumangon siya para isulat sa cellphone niya ang limang salitang "panaginip ring finger takip bolpen." Nang buksan niya ang telepono niya, may dalawang mensahe du'n: galing kay Carl: "pre, prctice nten sa fri, 8-10. tpos na bar ni easy. yeah!"

'Yung isa, galing kay _____: "galing kay ____ ______: nsunog ang bahay ni ___ ____ _____ kninang 4am. ubos lahat ng obra."

Wala naman sigurong nasaktan, wala naman sanang nasaktan. At bumangon na nga si Mikael, sa sama ng loob, sa kaba, sa kawalan ng ganang ituloy pa ang pagtulog. Pero 'yun nga ang nangyari. Kaya ngayon, ngayong alas onse y media na, imbis na maglaba, e nagsusulat si Mikael.

***

Nasunog ang bahay ng isa sa mga pinakamatulungin at kinapipitaganan kong kaibigan kanina. Isa siyang kuwentista, makata, pintor, iskultor, kusinero, karpintero, lahat na. Renaissance man talaga. Wala naman daw nasaktan.

Tangina, kahit na. Ubos ang obra. Kaya nga napapaisip ako: may langit kaya ang mga obra? Saan sila napupunta kung matupok ng panahon, kainin ng anay, at kung ganito ngang masunog? May museo kaya sa heaven, at kung mabuti kang artist, kung mabait kang artist at mapunta ka sa heaven, puwede mo kayang makita ang mga obra mo du'n sa museong 'yun? Ini-imagine ko na: kakaakbay si San Pedro, "O, San Pedro, 'eto ang unang painting ni ___ ____ _____ pagkauwi niya galing sa Negros, nu'ng panahon ni Marcos."

Art daw para sa ikasusulong ng lipunan. Pu-tang-ina. Sabihin nga ninyo sa akin kung walang lipunang pinanggalingan ang gumawa ng mga obrang nasunog kaninang alas kuwatro ng madaling-araw. Sabihin ninyo sa akin kung hindi gara-garalgal na kamay na hinubog ng pakikisangkot sa masa ang lumikha ng mga iyon. Sabihin ninyo sa akin kung nawala ang saysay ng ilan pang manuskritong nasunog nang hindi nalalathala.

Kung ginawa lang ni _____ para sa lipunan ang mga 'yun, ang lahat ng 'yun, kawawa naman ang obra. Mawawalan sila ng sariling saysay. Mawawalan sila ng heaven.

posted by mdlc @ 12:05 PM  
0 Comments:
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto