May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Friday, May 21, 2004
Kaibigan,
Kailan ka uuwi?
Nakakatawa sigurong makita ang tatlong salitang iyan: kailan ka uuwi. Nakakatawa, gayong mahigit isang buwan ka pa lang diyan, at hindi pa lumulubog nang husto sa balon ng gunita ang mga buntong-hininga mo sa amin noon, noong paulit-ulit kang tinatanong ng mga tao kung kailan ka aalis, kung bakit hindi ka pa nakaaalis, kung bakit narito ka pa. Ngayon, heto ako't parang ulilang pinsan sa malayong probinsya, nagtatanong, kailan ka uuwi.
Matagal na rin iyon, kaibigan; isang buwan. Kung babae kang aktibo sa pakikipaglambingan, at isang buwan kang hindi dinatnan, e siguro mangangatal na ang mga bisig mo sa kaba. Sampung araw lang ang higit sa isang buwan, iyon ang inilagi ni Kristo sa disyerto. Isang buwan - mahaba pa sa sembreak, sa Christmas break, mahaba nang di hamak sa lunch break o coffee break.
Maraming puwedeng mangyari sa tatlumpung araw na iyon, lalo na rito sa bayan natin. Nito lang weekend, nagpunta kami ni Lijah sa Sagada; umalis kami nang hatinggabi ng Huwebes at nakauwi naman nang hatinggabi ng Lunes. Ang ganda roon. Nag-caving kami noong Sabado, at nakakuwentuhan si Boston na tour guide namin. Oo, ganoon talaga ang pangalan ng mga tao roon-- kung hindi sobrang sagwa (sabihin mo nga kung hindi masagwa ang pangalang Poklis) ay sobra namang banyaga (ayan nga, si Boston, at may kakilala akong Bret ang pangalan.) Ang dilim sa loob ng kuweba--pag flashlight nga lang daw ang dala mo e walang matatanglawan ang flashlight kundi 'yung mismong linyang binabagtas ng ilaw niya. Kaya mga alcohol lamp na kaya yatang magpatakbo ng nuclear reactor ang dala ng mga tour guide. Tangina, tumiklop ang bayag ko sa lamig ng tubig nu'ng ilog na dumadaloy sa loob ng kuweba. Pag-ahon nga namin sa batuhan e mukha kaming si Mask Rider Black na kakadaan lang sa Rider Change; umuusok ang bawat kuwadrado-pulgada ng balat namin.
Noong Linggo, gumising kami nang alas-kuwatro ni Lij para umakyat sa tuktok ng isang bundok, para abutan ang pagbubukanliwayway. Habang naglalakad, mga kuwarenta y singkko minutos iyon, e dahan-dahang lumiliwanag, dahan-dahang pinipihit ni Kabunian ang dimmer ng bumbilyang tumatanglaw sa sanlibutan. Pero sabi nga ni Boston, parang hinintay Niya talaga kaming makarating sa tuktok; pinagpahinga pa nga kami, e. Inabot namin ang sunrise, at putangina, kaibigan, pooootangina, ang ganda.
Bago sumikat ang araw, binalot muna ng ulap ang lahat. Halos hindi na nga namin makita si Boston, na nakasalampak sa isang patag na piraso ng bato, sa tabi ng dalisdis, gayong iilang dipa lang ang layo niya. Tapos bumulong kaming tatlo - ako, si Lij, si Boston: ayan na. May isang karayom ng liwanag na sumilip sa mga ulap, tapos isang braso, isang troso, hanggang sa kitang-kita na ang hugis ng araw, na di naman mahapdi sa mata kung tititigan, dahil pinalalalamlam ng sapin-saping ulap. Tapos tinuro ni Boston ang nasa ibaba ng dalisdis.
Unti-unting gumagapang paakyat ang hamog, at para bang unti-unti ring tinataasan ang contrast sa monitor ng kalikasan; lumilitaw ang mga rice terraces. Nang mawala nang husto ang hamog, para bang nakangiti ang palayan, kumikintab-kintab pa ang mamamasa-masang luntian ng damo at dahon, parang may glitters, parang sinabuyan ng sako-sakong glitters 'yung rice terraces. Hindi ko alam kung guni-guni ko lang iyon, pero naamoy ko pa ang halimuyak nu'ng palay. Amoy alaala, amoy pag-ibig, kung matutukoy nga ang amoy noon.
Tapos kumanta si Lijah ng Knowing There Is Only Now, na hindi ko naman masabayan nang buo dahil "knowing there is only now" lang naman ang alam ko sa lyrics. At nang mapagod na siya sa kakakanta, pinatugtog namin sa phone niya 'yung isang minuto ng Dumaan Ako, na ini-record pa namin sa Conspiracy, paulit-ulit, hanggang sa mamaos si Cynthia Alexander, hanggang sa makiusap na ang init sa amin, na bumaba na.
Doon sa inn na tinulugan namin, may mga libro na nakatalaksan sa lobby. May mga okey na titles, pero karamihan di ko maintindihan. Ang sabi ni Angie, na bantay noong inn, iniiwan daw ng mga turistang foreigner; karamihan nga, mga French titles pa. Naalala ka nga namin, e.
Marami raw talagang foreigner na pumupunta roon. Siguro dahil mas interesado silang pumunta kaysa sa mga kababayan natin, o siguro rin dahil mas maraming foreigner ang kayang gumastos para makapunta roon; ewan. Kuwento nga ni Boston, minsan daw may nagpa-tour guide sa kaniya na isang grupo, panay powrendyers, sa kuweba. May Israeli, German, French, at 'Kano. Ito 'yung panahong masigla ang isyu ng US invasion ng Iraq.
E di siyempre, nagdebate ang mga gago sa loob ng kuweba. 'Yung mga French, "You Americans, you think you own the world! You can't go on bullying everybody so that you can get what you want from Iraq!"
Tango naman ang mga Germans, mga brusko, malalaking tao, macho.
Sagot naman ang mga 'Kano, "Well, who's gonna police the planet? You?"
Tango naman ang mga Israeli, na nagbabakasyon dahil katatapos lang ng tour of duty sa militar.
E di ayun, sigawan na, bangayan, nagkakainitan na, nagrorolyo na ng manggas ang mga ulol, nagkukuyom na ng kamao.
Biglang pinatay ni Boston ang lamp. Puta, ang dilim, madilim pa sa kilikili ng trabahador sa piyer, madilim pa kaysa pag nakapikit ka. Natahimik silang lahat, naging kabadong bulung-bulungan na lang ang tunog sa kuweba.
Sabi ni Boston, "Are you guys done? I won't turn on the lights until everyone shuts up."
E di natahimik sila. Champion na naman ang Pinoy.
Ang arogante talaga ng mga 'Kano, 'no? Doon sa isang restawran na kinainan namin, may isang grupo ng mga Kano, at siguro Fil-am 'yung kasama nila, na nag-uusap tungkol sa eleksyon. Hinihimay-himay nila ang pulitika at lipunan ng 'Pinas; ang lalakas ng boses, parang gustong paabutin sa Amerika ang analisis nila ng nangyayari rito. Siyempre, sa huli, mauuwi sila sa konklusyong tanga ang Pinoy, bobo ang Pinoy, di nagtutulungan, gahaman, magnanakaw ang mga binoboto, uto-uto ang mga bumoboto, at buti na lang si GMA ang nananalo. Kami ni Lij, ngumingiti ng mumunti. Parang humuhuni sa tainga namin, huwag na init ulo, beybi, beeeeeybiiii....
Heto nga, mahigit isang linggo na ang nakararaan, hindi pa rin natatanggal ang indelible ink sa hintuturo ko; indelible yata talaga. Inasar na nga ako ni Jonar, e: "Pare, hindi ka ba naliligo?" Pero okey lang 'yun, deyn ko naman talaga sadyang kinukutkot, e. Tatak 'to ng pagka-Pinoy ko, 'no. Tsaka para hindi na kuwestiyunin ang mala-twelve-years-old kong mukha kapag nanonood ako ng R-18.
Naalala ko tuloy 'yung isang linya du'n sa blog mo, na pinapanalangin mong sana nga, sana manalo si GMA. Hindi ko alam kung ano ang ibig mong sabihin doon. Pero naaalala ko, mahigit isang taon pa lang ang nakalilipas, nagmartsa ang mga org sa labas ng Ateneo, may dalang mga plakard, tapos nagmisa sa may gate 3, sa may parking lot. No blood for oil, ang sabi natin. Atenista, anti-giyera, ang sabi natin.
If there's one more gift, sabi natin, I'd ask of you Lord, it would be peace. Ang sabi natin, it would be peace here on earth. Korni na 'yung ibang lyrics nu'ng kanta, pero 'yun ang kinanta ng kung-ilampung Atenista.
Tapos, naalala ko rin, kabilang ang Pilipinas, kabilang ang gobyerno ni GMA, sa sangkaterba, sangkatutak, di-na-mabilang na mga gobyernong sumapi sa "Coalition of the Willing" ni Bush. Ilan ba? UK, Spain, Turkey... sino pa nga ba? Marami pa 'yun.
Naalala ko, sa isang pitak ng lupa sa loob ng Ateneo, sa gitna ng Rizal Lib at Colayco, nagsalita si Gus Rodriguez, si Eron, tumula ako, at kumanta ka ng "Imagine." At sa pagkakakanta mo, na para bang talagang humihiling, nakikiusap, nagmamakaawa sa aming mag-imagine, e halos naharaya ko na nga ang mundong walang giyera, walang patayan, walang sala. Halos ibinubulong ko na rin sa sarili kong, oo, nangangarap ka lang, Mikael, pero di ka nag-iisa.
Siguro kumakanta ka pa rin diyan; malamang nga. Halos nababanaag ko pa nga ang tinig mo, e. Pero baka alaala ko na lang ang naririnig ko. Malinaw pa rin naman.
Nito ngang Martes, pumunta kami nina Lij, Maita, Jonar, Naya, Aste, EJ, marami pang iba, sa Conspiracy; poetry reading kasi doon tuwing Martes ng gabi. Tinugtog ng banda nina Cholo, mga TunOrg ng UST, 'yung Every Little Thing She Does is Magic. Napahawak na lang kami ni Lij sa kamay ng isa't isa. Madalas, kinakanta niya 'yan. Naroon si Aste sa tabi namin, naroon ang gitara sa entablado. Sayang. Nasa malayo ka.
Magrerequest pa naman kami ng Nightingale, o Walang Hanggang Paalam, o Fly Me to the Moon, kung 'yun nga ang pamagat ng kantang nasa isip ko. Haay. Nostalgia ang tawag sa naramdaman namin noon. Siguro, nararamdaman mo rin iyon, diyan, paminsan-minsan, kahit papaano.
At alam mo bang may salitang Pinoy para sa nostalgia? Galimgim. Ang sarap sa tainga, 'no? Ang sarap laruin sa dila - parang natutuwa kami at mainam ang kalagayan mo diyan, parang mainam rin kami rito, parang kailan ka uuwi. Parang abo sa dila, abo sa dilang naroroon dahil wala nang ibang lugar pang dapat kalagyan ang abo. Dahil kahit papaano'y may sarap sa pait ng presensyang hinahanap-hanap, sa tuwing dadapo ang talampakan ko sa lupa ng Baguio, sa tuwing daraan sa harap ng Sweet Inspi, sa tuwing makakakita ng lumang kopya ng Heights, nagkalat sa mesa, tokador, sahig, sa bawat sulok ng silid at pusong di maipaliwanag ang nararamdaman, itong bahagyang, bahagyang pangungulila.