abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Wednesday, April 14, 2004
Matanong akong bata.

Hindi ako ganitong kaingay o kadaldal dati; ngayon na lang 'to; tinubuan na ako ng buhok sa kilikili nang magsimula akong maging masalita. Dati, noong maliit at supot at bansot pa ako, tahimik lang ako. Pero mahigit kalahati siguro ng bawat bukambibig ko, tanong. Bakit sinasabitan ng madre ng rosaryo 'yung dulo ng baril ng soldier? Bakit si Kuya at si Ate, nagpupunta sa iskul? Ba't ako, hindi? Bakit sa bird ko lumalabas 'yung weewee, bakit nasa loob ng wooden box si Lola, bakit umiiyak si Ninong, bakit ganito, bakit ganyan? Madalas naman, dito sa bahay, e sinusubok sagutin ng mga tao ang mga tanong ko. Kung minsan, hindi.

Noong hayskul, noong mga panahong nagrerebelde ako, nakuha ko pang isumbat kay Ermats ang epekto ng di nila pangingiling sa kakulitan ko. 'Ka ko, kaya ako lumaki nang ganito e dahil madalas n'yo akong pagsinungalingan noong bata ako, basta't mapatahimik lang. Bakit green ang tree? Kasi sinabuyan ng green na pintura ni God. Bakit kailangan ko nang matulog? Kasi, pag hindi, magagalit si Santa Claus at hindi ka bibigyan ng gift sa Chrsitmas. Saan kayo pupunta? Diyan lang sa kusina, magtitimpla ng gatas. At buong araw kong panonooring magplantsa si Ate Dayday habang hinihintay na makauwi ang mga magulang ko galing sa kusina, galing sa pagtitimpla ng dededehin ko.

Habang lumalaki't nagkakaisip ako, unti-unting bumibihira ang pagtatanong ko. Nakakatakot nang magtanong. O siguro, nakakatakot makaharap, makatitigan nang mata sa mata, masinsin, ang mga sagot sa tanong ko.

Nito ngang mga nakaraang araw e nauubos sa pagtunganga at panonood ng TV ang buong maghapon ko. Nalilito ako kapag tinatanong ko ang sarili ko: Saan ka kukuha ng pangmatrikula sa M.A. mo? Ano na'ng nangyayari sa mga isinusulat mo? Seryoso ko ba talaga diyan sa napili mong trabaho? Kuntento ka bang ganyang hindi nakapag-aabot sa magulang mo, kahit man lang pambili ng sabon at toothpaste na ginagamit mo?

Nasaan ka na ngayon? Saan na ang pinatutunguhan ng buhay mo?

Subukin ko mang sagutin, ito at ito lang din ang nasasabi ko: diyan lang, sa tabi-tabi, gagawa ng paraan, didiskarte, magtitimpla ng milagro.

Pero buong maghapon akong nakatunganga, nanonood ng TV, nangangarap. Oo, oo na, sige na nga-- bahagyang nagsisisi. Nalulungkot habang maluha-luhang nag-aabang ng mga sagot ang isang limot na bahagi ng sarili kong ang pinakamalaking kasalanan ay ang maging matanong, masyadong, masyadong matanong.

posted by mdlc @ 2:44 AM  
0 Comments:
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto