May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Monday, May 10, 2004
Mayroon akong marka sa kanang hintuturo. Parang pinitpit ang kuko ko, parang pinukpok nang pinukpok hanggang sa mangasul, hanggang sa mamuo ang dugo. Para ba akong gerilya na nahuli ng mga kalaban; pinahirapan nang pinahirapan hanggang sa umamin: Nasaan ang kuta ninyo? Saan at kailan ang mga pinaplano ninyong pagsalakay? Sumumpa ka ng katapatan sa amin, kung ayaw mong mamatay.
Gayon ang karanasan ng pagboto - parang torture, kahit papaano. Dahil yung kutob na kahit ano ang mangyari e wala naman talagang mangyayari, yung kutob na iyon, para bang tinutuklap ang kuko ko sa kanang hintuturo, para bang pinapalipit ang bituka ko, ang kolektibong bituka ng sambayanang Pilipino. Gayon ang karanasan ng pagboto sa bayan kong sawi, sa Pilipinas kong mahal, mahal nang higit pa si kapirasong daliri. At oo, sa maniwala kayo o sa hindi-- higit pa sa buhay.
Ang sabi ni Ambeth Ocampo sa klase niya noong senior ako, sa History 165, hindi mo naman talaga puwedeng mahalin ang bayan mo. Paano daw naman kaya gagawin iyon? Hindi mo naman puwedeng halikan ang lupa, hindi puwedeng hawakan ang kamay kung manonood kayo ng sine, hindi ka ipagluluto ng arrozcaldo kung bumabagyo, hindi puwedeng katabi sa pagtulog. Hindi puwedeng katalik.
Pero ang uri ng pag-ibig na tinutukoy ni Ambeth dito e yung uri ng pag-ibig na nakakabuwisit, pag-ibig ng team captain ng basketbol sa head cheerleader. Kahit anong lawak ng haraya ng isang tao, hindi naman talaga siya makakikita ng commercial model sa hugis ng mapa ng Pilipinas. Ayan nga't mukhang fetus na inabort ang bansa natin. Yung pag-ibig na sinasabi niya e yung pag-ibig na nang-iiwan. Sex lang ang habol.
At kahit ano ang sabihin ni Ambeth, kahit ilandaang Atenista ang turuan niya, hindi ako maniniwala. Dahil mahal ko ang Pilipinas, at marami akong kilalang mahal din ang Pilipinas. Kahit pa ba hindi siya nakaka-holding-hands sa ilalim ng nakakikiliting ambon.
Yung batang nagbebenta ng sampaguita sa labas ng simbahan ng San Roque, nang para bang poon akong inaalayan ng mga hiyas, kapalit lang ng ilang baryang-biyaya, iyon, iyon, minamahal iyon. Yung drayber ng dyip na lumihis sa ruta para lang maibaba ako nang mas malapit sa kapilya ng St. Paul noong kasal nina Anna at Ken, minamahal iyon. Yung tinderang pumayag na bigyan ako ng isang pirasong Halls at isang istik ng Marlboro para sa dalawang piso, putangina, minamahal iyon. Pinagpapalit ang buhay para sa kanya, sa kanila.
Ang tao at ang bayan, ang taumbayan at ang bayan, iyon, iyon, iisa lang iyon. Iyon ang minamahal. Yung titser na habang kumakain ng tanghaliang tilapia kanina e inaayos na ang proseso para mabigyan ako ng balota, iyon. Iyon ang minamahal.
Pagsusulat ang napili kong propesyon, at siguro, mamarapatin ko nang sabihing ito na rin ang pumili sa akin. Nakapagsulat na ako ng ilang akda, kahit papaano, sa loob ng iilang taon pa lamang mula nang nagsimula ko; mga tula, sanaysay, kuwento na kahit papaano ay may nagbabasa naman, dahil nailalathala. Kakaiba ang kapangyarihang nararamdaman ng isang manunulat sa tuwing nakikita niya ang pangalan niya sa ilalim ng pamagat ng isang akda. Kakaiba ang kapangyarihang nararamdaman ko. Putangina, may nagbabasa sa gawa ko, at nalalaman niyang ako ang may gawa noon. Nakaaantig ako ng damdamin, nakapagpapabago ng isip, nakapagpapakislot ng dibdib. Ako iyon.
Pero kanina, kanina ko naramdaman ang pinakamasidhing kapangyarihang mayroon ako, sa dalawampu't apat na pangalang inilista ko sa balota. Ang lakas ng titik, ng salita, ng tinta-sa-papel. Ang lakas ko kanina. Kaya kong magpakain ng ilampung milyong mamamayan, kaya kong buhatin sa balikat ko ang isang buong sambayanan. Dahil bumoto ako. At hindi ko kailangang lagyan ng pangalan ko ang balotang iyon para maramdaman ang kapangyarihang taglay noon. Right thumbmark lang.
At alam ninyo kung ano ang mas astig? Mas astig ang katotohanang hindi lang ako nag-iisa. Kahit yung nagtitinda ng sampaguita sa San Roque (pagtanda niya,) yung drayber ng dyip sa Concepcion, yung tindera ng yosi sa harap ng SM Manila, lahat, singlakas ko. Kahit pa ba kumakain ako nang matino, nang tatlong beses sa isang araw, kahit pa ba alam ko ang pasikut-sikot ng New Criticism at ng kasaysayan ng Dulaang Pilipino, magsinglakas lang kami, tayo. Tig-iisang boto lang tayo.
Yung kapangyarihan na iyon, inaasahan ng kapwa kong gagamitin ko nang makatarungan, at hindi, hinding-hindi ko sila bibiguin. Kahit pa ba pitpitin ang kuko sa kanang hintuturo ko. Kahit pa ba ipako ang talampakan ko dito sa Precinct 1717A, District 3, Manila. Kahit pa ba matapos nang lahat ng mangyayari e wala rin naman pala talagang mangyayari, hindi ko sila bibiguin, kahit ilang ulit pang iharap sa akin ang pagkakataon. Dito lang ako. Steady lang ako dito.