abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Saturday, May 08, 2004
Mga Aralin sa Katutubong Anyo

I. Tanaga

1. Bangungot-Kolonyal

Sa simoy na dayuhan,
nabuwal ang kawayan--
nabiyak at nagluwal
ng t'yanak at tikbalang


2. Bulalakaw

Kumirot ang 'sang tala
kasabay ng gunita.
Bumulusok sa lupa.
Natunaw. Naging luha.

II. Dalit


1. Balikbayan Box

Nangungutya ang pag-asa
sa kahon mong 'pinadala:
inangkat na alaala
at binuwisang pagsinta.

2. Migratory Patterns

Nagsipagwasak ang pakpak
ng pumakanlurang tagak.
'Sang inakay ang umiyak
sa piling ng mga uwak.

3. Bugtong sa Tag-init

Ang bungang kupkop ng ulap,
di masungkit ni mapitas--
dahon palang nagliliyab
at marahang lumalapag.

4. Salawikain sa Tag-init

Nang sa pampang manahimik,
tinangay ng panaginip;
noong maglunoy sa tubig,
sa daluyong pa naipit.

III. Awit

Ang Buwan ay Isang Sugat

Gabing tulad nito nang gawin kong berso
ang bawat bituin. Pilak na anino
ang ilaw ng buwan sa 'ting mga noo.
Kumislap ang hamog sa piling ng damo.

Ngayon ay buhaghag, tayantang ang lupa;
karayom sa mata ang sinag ng tala.
Iisang taludtod sa iisang tula:
ang buwan ay sugat; ang gunita, sumpa.

***

Hindi ko malilimutan ang una naming pagkikita ni Ken. Sa McDo iyon, sa Katipunan, noong ipakilala ako ni Moll kina Gelo, Cholo, Kit at Ken, na mga miyembrong lahat ng Thomasian Writers Guild. May dala akong isang napakapangit, kahindik-hindik, kasuka-sukang tula, na babasahin ko sana sa Love Out Loud, isang performance poetry contest na gaganapin dapat sa Cravings noong gabing iyon.

Hindi natuloy ang Love Out Loud; ang sagot sa amin ng mga waiter ng Cravings, "Ano? Labaw ano?" Ang naaalala ko lang ay ang pagkagulat ko sa anghang ng mga salita ni Ken matapos niyang mabasa ang tula ko.

"Bakit ganyan kayong tumula sa Ateneo? Pare-pareho. Para kayong buffet table na iisa ang putahe."

Sumikat na ang linyang iyon; di kami nabibigong pagkuwentuhan at pagtawanan ang insidente sa tuwing mag-iinuman ang TWG nang kasama ako. Sumikat na sina Gelo at Kit, nagtatrabaho na si Moll sa isang istasyon ng TV, at may girlfriend na si Cholo. Kahit papaano'y umusad na naman ang panulaan ko, salamat nang di kaunti sa mga kaibigang nakilala ko noong mismong gabing iyon.

At si Ken, si Ken, ikinasal na noong Miyerkules. Wala akong dalang regalo; sa totoo nga'y mukha akong basahang pinaglumaan ng talyer noong dumating ako sa simbahan.

Kaya nga't heto, pareng Ken, para sa iyo, para sa ating lahat noong matadhanang gabing iyon, mahigit dalawang taon na rin ang nakalilipas: isang "Tulang Atenista," pinitas mula sa buffet table na iisa lang naman ang putahe, tahimik pa sa unang ambon ng Mayo, nagninilay nang parang walang sanggol na nagugutom sa mundo. Nawa'y pagpapalain kayo ni Anna sa pagsalaot ninyo diyan sa dagat ng pag-ibig-na-may-ngalan. Binabati ko ang mag-asawang Ishikawa.


Alitaptap
pasintabi sa kuwento ni Jonar

Gabi.
Isang bata ang nakatalungko
sa ilalim ng kalansay
ng isang puno.
Umiiyak.

Wala nang alitaptap.
Nasaan na kaya
ang mga alitaptap?


Hindi niya pinapansin
ang mga patak ng luhang
humuhulagpos
mula sa kanyang mga mata,
naglalakbay, umaalimbukay
sa alangaang, kumikinang,
kumikinang sa kalahating-liwanag
ng buwan.
Malualhati ang paglapag

sa lupa ng luha.
Wari bang nangingilin
ang lahat:

ang pangingisay ng mga bituin
sa bukbuking kalawakan, ang paghikbi
ng kuliglig sa di-kalayuan,

ang pagkirot ng kanyang pusong
pumapayapa nang unti-unti,

unti-unting

pumapayapa.

posted by mdlc @ 5:01 PM  
0 Comments:
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto