abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Tuesday, June 01, 2004
Isang Tabong Dugo
Co Lai Ah


Ang sabi sa mga alamat ng Intsik, nagmula raw ang daigdig sa isang itim na itlog. Pagkatapos ng labingwalong libong taon, nagising sa Pan Gu, ang Diyos na natutulog sa loob ng itlog. Nang mabiyak, doon nagmula ang buong mundo. Si Pan Gu ang naging ninuno ng lahat ng tao.

Ang sabi naman sa alamat ng mga Pinoy, sa kawayan nagmula ang daigdig. Nang mabiyak, lumitaw sina Malakas at Maganda, na malakas at maganda. Kaya nga dapat, lahat ng Pilipino, malakas at maganda. Paminsan-minsan, naiisip kong ituring ang sarili kong Pilipino lang, buong-buong Pilipino, para malakas na rin ako, at maganda.

Pero matapos ng dalawampu't isang taong inilagi ko sa mundo, hindi ko pa rin masigurado kung saan ako nanggaling. Basta't ang alam ko, may sangkap sa kalamnan ko, isang piraso ng mga binaong gunita ng mga ninuno, isang tabong dugo, na humihiyaw, humihikbi. Makilala lamang.

***

Yung lolo ko sa tuhod, si Co Lai Ah, napadpad dito sa Pilipinas galing Amoy, sa Tsina. Hindi ko na siguro tatangkaing tuklasin kung may mga kamag-anak pa ako roon. Gaya ng Lolo Laya, iniisip ko na lang na pagdating niya rito sa Pilipinas, babay na sa Tsina. Pati pangalan nga, pinalitan niya. Sa papeles, nakalista siya bilang si Carlos Co. Pero miski marunong na siyang mag-Tagalog, "Laya" pa rin ang itinatawag niya sa sarili niya, at natural, iyon din ang itinatawag ng ibang tao sa kanya. Laya ang pangalan ng taong bida sa isang kuwentong naging alamat na para sa buong angkan namin.

Hindi pa sumisikat si Bruce Lee ay naturingan na ang Lolo Laya bilang "Kung Fu Boy from China." Noong araw, bago mapuno ng mga talyer at auto supply ang lugar namin, madalas siyang makita ng mga istambay kung madaling-araw, kumikilos nang mabagal na mabagal, para bang nagsasayaw. Hindi pa uso ang TV noon, kaya't di nila alam na Tai Chi ang tawag doon. Mukha sigurong tanga ang Lolo Laya noon, kaya't di napigilang bumungisngis ng mga istambay sa tuwing makikita siya.

Minsan, may binili sa Binondo ang Lolo at sumakay ng kalesa pauwi sa Blumentritt. Nang pababa na, nagkaalitan sila ng kutsero. Masyado kasing mahal ang sinisingil na pasahe. Pagkatapos ng ilang minutong tawaran, sigawan, at murahan, naasar na ang lolo ko at binigyan ng isang matinding right hook sa nguso ang kabayo. E ano pa nga ba ang mangyayari? Ayun, pumalakda sa kalsada ang kawawang kabayo. Kung bakit yung kabayo ang sinuntok niya, at hindi ang kutsero, hindi na natin matutuklas iyon. Pero nakita siya ng lahat ng istambay, at magmula noon ay hindi na sila bumubungisngis sa tuwing nakikitang nagta-Tai Chi si Layang singkit, si Layang beho, si Layang imigrante mula sa Tsina. Magmula noon, nakilalang maton ang lolo ko sa tuhod.

Siyempre, dati, tulad ng lagi, kasama sa imahen ng machong maton ang pagiging babaero. Hindi ito napabulaanan ng kasaysayan ng Lolo Laya. Saan ka nga ba naman makakikita ng lalaking may isang kalaguyong sinusustentuhan sa kapitbahay habang may isa pang itinatago sa loob ng kuwadra, kasama ang mga kabayo, bukod pa sa dalawang asawang kinakasama sa ilalim ng iisang bubong. Oo, dalawa ang asawa ng lolo ko sa tuhod.

Nagpakasal kaagad siya pagkarating dito sa Pilipinas. Hindi naman siya mahirap na pesante sa Tsina, kaya't kahit papaano, nakapagbaon siya ng kaunting kabuhayan nang pumunta siya rito. Hindi naman limpak-limpak na salapi ang dala niya; kaunti lang, eksakto lang para makapagsimula ng pamilya at makapamuhunan ng ipapangkain sa magiging mag-anak niya.

Taga-Maynila rin ang Lola Maria. Naisakay siya ng Lolo noong nagsisimula pa lang ipasada ang bagong kalesa na siya niyang napiling gawing kabuhayan. Nagkaligawan, nagpakasal, sinubok gumawa ng pamilya. Kaya lang, may problema: hindi nakakapagdalantao ang Lola Maria. Sigurado akong nalungkot ang Lolo Laya, pero ano pa nga ba ang magagawa niya? Hindi naman damit ang tao, damit na puwedeng isauli sa pinanggalingan kung huli na nang mapansing may tastas pala sa kilikili, kupas pala ang laylayan, may butas pala sa bahaging malapit sa puso. Kaya't tuloy ang pagsasama ng dalawa.

Pagkatapos ng ilang taon ding pagsusumikap ng Lolo Laya ay nakapag-ipon siya ng pera, sapat para magdagdag ng dalawa pang kabayo sa kuwadra at magtayo ng sariling negosyo.

Maraming naging kustomer ang Lolo Laya. Naghahatid siya ng kung anu-anong gamit sa kung saan-saang lugar: punda't unan sa Bulacan, kubyertos sa Pateros, kalan sa San Juan. Sa Malabon, isang magandang babae ang naging kustomer niya, si Marciana.

Dahil masigasig rin namang kustomer si Marciana ay napadalas ang pagbiyahe ng Lolo Laya patungong Malabon. Nakapag-usap sila nang madalas, at di naglaon, umabot sa puntong nagkakahingahan na ng problema ang dalawa. Naging matalik silang magkaibigan, at dahil guwapings ang lolo ko, madaling tumubo mula sa pagiging magkaibigang iyon ang pagiging magnobyo.

Noong mga panahong ito, parang naging binatang tinutubuan pa lang ng buhok sa kilikili ang lolo ko. Nag-aahit at nagpapabango siya sa tuwing magtatagpo sila ng mestisang taga-Malabon, mamamasyal sa Luneta, magmemerienda sa Escolta. Pero tila di na siya iniwan ng problema pagdating sa mga babaeng napupusuan niya, napupusuan nang tunay. Sa Malabon, kung saan umuuwi si Marciana pagkagaling sa pamamasyal sa Luneta at pagmemerienda sa Escolta, kung saan naghahatid ng naibentang gamit ang lolo ko sa tuhod, doon, may nag-aabang gabi-gabi sa babaeng mestisa. May asawa't dalawang anak na si Marciana, bago pa man niya makilala ang poging Intsik na taga-Blumentritt.

Para sa Lolo Laya, hindi naman ganoong kalaking problema nito. Ilang ulit na rin naman siyang nagsusustento ng ibang babae, at nagsisimula na ring umasenso ang negosyo niya. Pero kung ngayon ngang sinasabing malawak na ang isip ng mga tao ay katakut-takot na tsismis na ang aabutin ng isang babaeng nasa ganoong situwasyon, mas lalo pa noon, noong hindi pa nauuso ang blusang walang manggas, noong ang ideya ng malanding babae ay yung nagsusuot ng paldang nakikitaan ng sakong. Naging malaking dilema ito para kay Marciana.

Pero ano nga ba ang magagawa ng isang tao kung sa tuwing makikita ang napupusuan ay biglang bumabara ang puso sa lalamunan? Dati, tulad nang lagi, tulad nang sa habang panahon, hahamakin ng sinuman ang lahat, lahat sa ngalan ng pag-ibig. Hindi nga lang siya pumayag ituring na tulad ng ibang mga mumurahing babae na naging kabit ng Lolo Laya; ang gusto niya, kung sasama siya, ituturing siyang asawa. Maninirahan siya sa bahay kung saan din nakatira ang lolo ko sa tuhod; ayaw niya ng dinadalaw lang siya kung kailan may panahon.

At ayun na nga; hindi nagpapigil sa mga anak at asawa si Marciana, sumama siya kay Laya, kay Layang intsik na pogi at mahusay mambola, kay Layang may asawa na. Si Marciana, na nanay ng tatay ng tatay ko, siya ang babaeng nakamulatan ko, nakamulatan ng buong angkan namin bilang ang Lola Siyanang.

Pero kahit nga nagkaasawa't anak na ay di pa rin tumigil sa panti-tsiks ang Lolo Laya; sabi ko nga, nagtatago pa ng kalaguyo sa kuwadra ng kabayo ang lolo ko.

Ito ang pinipili kong paniwalaan: siguro hindi naman talaga masamang tao ang Lolo Laya. Hindi lang naging lubos ang ligaya niya kasama ang Lola Maria, dahil nga hindi sila magkaanak. Wala naman siguro sa plano niya ang maging babaero. Nagsimula siguro sa pagpapapogi sa ibang babae, pangit-ngiti, pabigay-bigay ng maliliit na regalo. Dahil nga may hitsura naman, di naiwasang may pumatol na isang dalaga. Pagkatapos, dalawa, tatlo, apat. Kahit na nagkakilala’t nagsama na sila ng Lola Siyanang, tuloy pa rin ang pambabae. Kahit pa ba nagkaroon sila ng tatlong anak, hindi pa rin natigil sa pamamangka sa dalawa, o tatlo, o apat na ilog ang Lolo Laya. Halos hanggang sa araw ng kamatayan niya noong sanggol pa lang ang bunso niyang apo, nakikipagtagpo pa siya sa kung sinong babae man ang flavor of the month niya noon. Tumatak na sa pagkatao niya ang pagiging babaero, tulad ng balat at matang parang pinitpit, parang laging galit, tulad ng dugong binaon pa niya galing sa Tsina.

posted by mdlc @ 1:33 AM  
0 Comments:
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto