abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Thursday, August 12, 2004
"Fiction or any work of the imagination, whatever its quality, hallows its subject. To attempt, with a full consciousness of established authoritative mythologies, to give a quality of myth to what was agreed upon as petty and ridiculous-- Frederick Street in Port of Spain, Marine Square, the districts of Laventille and Barataria-- to attempt to use these names required courage...

"Just as landscapes do not start to be real until they have been interpreted by an artist, so, until they have been written about, societies appear to be without shape and embarrassing."

- V. S. Naipaul, mula sa sanaysay na Jasmine

Ginoo, bakit ganito? Hindi kalye ang naaalala ko-- tao. Nariyan pa rin ang mga kalye, mahaba, marungis, konkreto. Pero ang mga tao, nasaan, nasaan na ang mga tao?

Quezon Avenue


Kanina, pagkababa ko sa Pureza station ng LRT2, habang naglalakad papuntang Lardizabal para makasakay ng jeep na pa-Tayuman, bigla kong naalala ang Quezon Av. Bigla kong na-miss. O siguro, hindi bigla; pagdating sa alaala, wala namang nangyayari nang bigla, di ba? Nariyan lang lagi ang mga multo, anino, parang kargadong baril, nakakasa na, nakatutok sa sentido, nag-aabang ng kakalabit sa gatilyo.

Magmula kasi nang mabuo 'yung animal na LRT2 na iyon, hindi na ako halos napapadpad sa Quezon Av. Mahaba-haba rin ang pinagsamahan namin ng kalyeng iyon: siyam na taon nang halos araw-araw kong pagbagtas sa kabuoan niya. Mulang EspaƱa, tatawid ng Rotonda, dire-diretso hanggang Elliptical. Noong college, dalawang sakay pa galing doon; papasok pa ng UP bago makasakay ng pa-Katipunan.

Nalakad ko na iyan, iyang Quezon Av na iyan. Kasama ko si Jose, na hindi ko alam kung bakit ayaw matawag nang mas mahilab-hilab na pangalan, kung Joe ba o Joey o JP, tutal Jose Paolo naman ang pangalan niya. Hindi ko na alam kung nasaan ang hinayupak na genius na iyon. Nagtapos yata ng Comp Sci sa UP Manila. Naging estudyante ko pa last sem ang kapatid niyang bunso. Ngayon, sa huli kong balita, nagtatrabaho siya sa isang kompanya sa Binondo.

Umuulan noong hapong iyon; medyo mahirap sumakay, pero kung gugustuhin, pupuwede namang sumabit sa jeep. Galing Agham, naglalakad kami papalapit ng Quezon Circle; katuwiran namin, kapag nakarating ka sa boundary ng mga jeep, sa Philcoa, mas madali nang sumakay. Pero malayu-layo pa ang Philcoa.

E itong gagong si Jose, biglang humirit, "Isipin mo, naglalakad tayo papalayo sa pupuntahan natin."

Sumegundo naman ako, "Oo nga, mamaya, makikita na naman natin 'tong dinaraanan natin."

"E kung papauwi tayo naglalakad? Baka maya-maya, makauwi tayo."

"Oo nga." Ulol ka, Mikael.

At nag-about face nga kami. Maya-maya, EDSA na, tapos Delta, tapos Pantranco. Tapos Araneta na, kung saan kami nag-stop over sa Burger Machine (isa pong Bart Burger with Cheese). Tapos Sto. Domingo na, Banawe, D. Tuazon, Rotonda. Maynila na.

Kumanan na ako sa Blumentritt, at siya, diniretso na hanggang Maceda. First year high school kami noon, kaya ang tanging pagsisisi ko lang e hindi pa ako marunon manigarilyo. 'Yun ang unang pagkakataong maramdaman ko sa mismong talampakan ko ang Quezon Avenue, nang hindi ako nakasakay sa jeep o bus.

Nag-dorm na rin ako, noong third quarter ng freshman year. Tropa ko pa rin noon si Jose, pero di na kami naglalakad nang tatlong oras. Matapos noon, nabuo ang barkada. Hindi kasali doon si Jose, wala kasing hilig sa basketbol. Hanggang ngayon nagbabasketbol pa rin ang barkadang iyon. 'Yun nga lang, bungi-bungi na. Si Pasimio, napasali sa ibang tropa, ngayon nasa Naga na. Si Jedd, nagtapos ng Civil Eng sa UP para magpunta sa 'tate at ipagsapalaran ang pangarap na makapag-aral sa Paul Gilbert School of Guitar. Si Aaron, estudyante pa. Si Garcia, ewan ko, si Lysander din. Si Tomas, ang dalawang Ken, si Thur, si Allan, si Niel, ako, lahat kami, nagkikita na lang kung may basketbol. Dati once a week iyon, pero nang gumradweyt, nawala na rin.

Lahat kami napamahal sa Quezon Av, hindi (hindi lang?) dahil sa mga putang nagkalat sa mga bangketa. Tuwing Biyernes, may isang nanlilibre sa Al Khobar, isang karinderyang nagbebenta ng shawarma sa kanto ng BIR. Kapag natapat nang bagong bigay ang stipend, yari ka. Si Tomas nabuyo naming sa Magoo's sa Philcoa manlibre. Si Thur, dahil birthday din niya noon, sa McDo sa may Scout Borromeo. Si Aaron at si Niel, na parehong kuripot at nakiusap na ipagsabay na ang libre nila, inilibre kami ng tig-iisang Bulilit Burger sa BM sa may EDSA.

Sarado na ang Al Khobar at Magoo's. Malaki na ang McDo, narenovate na. Buo na ang underpass ng Quezon Av, hindi na mabigat ang trapik. Mabilis na papasok, at pauwi; madali na ring sumakay dahil laganap na ang FX. Mabilis na, singbilis ng biyahe ng mga tao papalayo sa sari-sarili nilang mga pangarap at pagkabigo, mabilis na mabilis nga, paraang hanging nagdaraan lang, parang paglipas ng iglap, parang pagkupas ng alaala.

Retiro

Retiro ang unang kalyeng nakabisado ko.

Grade two ako noon, inaabangan ang ermats ko sa may gate ng Lourdes. Grade two ako noon, at marunong na akong tumingin ng oras: 3:15 ang dismissal, 4:00 ang pinag-usapan namin ni Ermats na pagsundo sa akin, para makapaglaro pa ako ng Block 1-2-3 o 21 o agawang-base, 5:00 na. Grade two ako noon, at gusto ko nang umiyak.

Pero kaysa umiyak, tumayo ako, binitbit ang bag na mas mabigat pa yata sa akin, at naglakad. Bumili ako ng ice candy sa tabi ng Swan Bakeshop. Tumawid. Pumara ako ng jeep (kahit ano, basta hindi Recto,) sumakay. Siguro, iniisip ng mga tao noon, sino ba 'tong pawisang paslit na 'to na mukhang inabandona ng magulang? Pero putangina nila, ha, hahaha, nakauwi ako.

Bandang 6:30, dumating si Ermats sa bahay, pinapagalitan ako. Kesyo hindi ko raw siya hinintay, kesyo basta't darating siya, kesyo buti at natandaan ako ng guwardiya ng Lourdes. Pero ha, ha, hahaha-- nakauwi na ako, at di na ako tatablan ng pagbubunganga niya. Marunong na akong magkomyut.

Mula noon, di na ako pumapayag na ihatid at sunduin. Sinusundan na lang ako ni Inang (lola ko, na patay na,) hanggang palengke kung papasok ako, para masigurong hindi ako kukursunadahin ng mga limatik sa riles. Kung pauwi, kasabay ko si Bombi, na ang tunay na pangalan e Mark Angelo Lorenzo Cruz, na tinawag raw na Taks noong hayskul na at nasa Pisay na ako, Taks dahil 1) sa dami ng tagyawat niya; at 2) mukha siyang Taeng Kalye. Si Bombi na nagtapos sa San Beda, at ka-birthday ni Elvis Presley, at hindi ko na nababati ngayon, ni hindi ko na nga alam kung nasaan. Minsan, kasabay rin namin si Marcelo, na ang totoong pangalan ay Teodiver Marcelo, Jr., at kung tawagin sa bahay nila ay J.R., dahil nga Junior. Si Marcelo na lumipat sa Aquinas Sta. Mesa noong grade five, na ang pangarap ay maging drayber ng jeep (basta raw hindi buma-boundary,) na sana naman natupad niya. Hindi naman kataasan nu'ng pangarap niya, e.

Kaklase ko sila mula grade two. Si Bombi, hanggang grade six. St. Peter ang section namin noon, sa harap ako nakaupo, katabi ko si de Leon, si Phillip de Leon. Isang araw, sa klase ni Ms. Ubas na mukha namang prunes, binabasa ko ang pinaghirapang book report ni de Leon. Nakita ako ni Ubas na mukhang prunes. Ayun, na-confiscate ang book report.

Maya-maya, narinig kong humihikbi si Phillip. Siyempre na-guilty ako. Tapos tumayo siya, at sa harap mismo ni Ubas na mukhang prunes, in brodeylayt, 'ika nga, binigyan ako ng isang right hook, bang, sapul ako sa gilid ng ilong. Parang nakuryente si Ubas na mukhang prunes, natahimik lang, siguro dahil noon lang siya nakakita ng ganoong kagarapal na pag-aaway. Para ngang siya 'yung sinuntok, e.

Ewan ko, a; hindi naman ako umaatras sa suntukan, pero siguro dala na rin nu'ng nasa harap nga kami ni Ubas na mukhang prunes, at dahil nga nagi-guilty rin ako, hindi ako bumawi. Basta. Parang akong napupunong kaban ng frustration. Basta nga, e, basta maya-maya, narinig kong humihikbi ang sarili ko.

E ito namang si Roxas, na isa sa mga pinakakupal na taong kakilala ko noon, humirit, "Ay... umiiyak si Co!"

Hindi ko alam ang nangyari, pero parang naging rallying point ako ng buong klase. Humirit bigla ang lahat. Isipin n'yo, grade six na kami nito, a. Tuli na lahat, may bulbol na. Lahat ng kabarkada ko, na pawang mga gago at mahilig mang-asar, niresbakan ako. Si Parial na sa UST na nag-high school, pati college, si Bolano na nu'ng nakita ko noong fourth year high school e niyakap ko pa in brodeylayt ('ika nga), si Acosta na malay ko ba kung nasaan ngayon, sinimulang asarin si Roxas.

"Ikaw nga hindi lang masundo on time, umiiyak, e! Si Co, grade two pa lang tayo, namamasahe na!"

"Ikaw nga, ma-confiscate lang ang basketball cards, umiiyak na, e!"

"Ikaw nga, hindi lang chicken nuggets ang baon mo, umiiyak na, e!"

"Ikaw nga may yaya pa, e!"

"Ikaw nga spoiled brat, e!"

"Ikaw nga mukhang monggoloyd, e!"

Hindi ko alam ang nangyari. Pero pagtingin ko sa tabi ko, tumatawa si de Leon, gaya ko. At si Roxas, nakadukdok sa mesa, nangunguyakoy, umiiyak.

***

Tubikontinyud. Pramis. Talaga.

***

Congrats nga pala sa mga kaibigan nating nagsipagwagi sa Palanca: kay Naya na kasabay kong nagbagong taon, sa River Park ng Marikina, first place sa poetry; kay Joel Toledo, na kasabay kong umiinom gabi-gabi, na kapatid sa pananampalataya kay Adam Duritz ng Counting Crows, second sa poetry; kay Gelo Suarez, na kainuman sa BatCave, third sa poetry; kay Egay Samar, na sinamahan akong mag-abang sa Mini-Stop kagabi, first sa tula; kay Aste, na co-fellow sa Ateneo Nationals at kasamang nag-road trip sa Tagaytay, first sa fiction.

O, ano ka du'n?! Tangina mo, world, ang babangis ng mga ka-tropa ko!

posted by mdlc @ 9:56 AM  
0 Comments:
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto