May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Wednesday, June 09, 2004
Mula sa Ayon sa Alaala: Mga Tula ng Pag-ibig
Limutin mo Ako
Kung aking sasabihing
limutin mo ako, ang ibig kong sabihin,
huwag. Ang ibig kong sabihin,
masdan mo ang mga ibong nakadapo
sa kawad ng kuryente kung kumikirot ang umaga
sa ulan ng nakaraang gabi, masdan mo
ang mga mumunting sapa ng putik
at tubig-ulang naiwan sa sugatang lansangan.
Dinggin: maingay ang mga ibon,
kinukurot ng matatalas nilang huni
ang iyong pandinig, may hagupit
na umaalingawngaw sa bawat ugong
ng dumaraang sasakyan. Dinggin at isipin
kung nalulusak ba sa piling ng gunita
ang mga gabing hinaplos ng ulan ang mga palad nating
hinanap ang isa't isa, isipin
kung paano umaapaw sa panghihinayang
ang bawat buntong-hininga,
kung ang alaala ba ay parang ibong
kayang bugawin, parang tubig-ulang
kayang tangayin ng hangin. Kung aking sasabihing
limutin mo ako, hinihiling kong
tanggapin mong lilimutin din kita,
hinihiling kong maniwala kang
hindi kita maaalala
sa pagkirot ng mga umagang
pinagdurusahan ko rin.