May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Tuesday, June 08, 2004
Isang Tabong Dugo
Severino Co, Sr.
Sa tatlong anak ng Lolo Laya at Lola Siyanang, dalawa ang babae. Iisa lang lalaki: ang bunso, si Severino, na Lolo Noni kung tawagin namin.
Ang sabi ng mga nakakaalala, si Lolo Noni daw ang ang isa sa mga pinakamatalino sa angkan namin. Honor student sa elementary at sa hayskul, at nakapasok ng UP. Nasa ikalawang taon siya ng pag-aaral ng medisina nang bombahin ng mga Hapon ang Pearl Harbor at pumutok ang digmaan.
Gustong sumali ng Lolo Noni sa USAFFE noon. Nabaon na sa limot kung bakit niya gustong maggerilya; kung sinampal ba siya ng isang sundalong Hapon o inapi ba ng Kempeitai minsang pauwi galing sa eskuwela, hindi na natin malalaman, wala nang buhay para umalala. Madaling limutin ang mga bagay na hindi naman nagbunga; papaano kasi, ano mang pagpupumilit niya kay Lolo Laya, hindi siya pinayagang makisali sa gulong nangyayari sa paligid nila noon, nangyayari sa buong mundo.
Sa ilang taon ng giyerang iyon ay naging masunuring mamamayan ang pamilyang Co. Umaakyat pa sa lumang bahay ang mga sundalong Hapon para makipagkuwentuhan sa Lolo Laya, na noong mga panahong ito ay ginagalang na ng buong baranggay.
Bihirang magwala ang Lolo Laya, at nangyari ito nang minsang nalaman niya na kasama ang Lolo Noni sa mga asset na esudyante ng kilusang gerilya. Nagtatago sila ng baril para sa mga rebolusyonaryo, iniimpok sa isang safe house malapit sa MalacaƱang. Dahil nga sikat na ang Lolo Laya, di nagtagal ay umabot sa kanya ang balita. Ayun, sermon at bugbog ang inabot ng binatang Noni.
Sa sobrang panggagalaiti, nagmaktol siya at tumigil sa pag-aaral, na ikinatuwa naman ng Lolo Laya. Mas mainam, dahil nga mapapalayo na sa peligro ang nag-iisa niyang lalaki. Dahil siguro sa pagkabagot sa bahay ay naisipan nang mag-asawa ng Lolo Noni. Natipuhan niya ang isang balingkinitang dalagang tubong Imus, Cavite. Remedios ang pangalan niya, si Lola Meding kung tawagin.
Pero di rin nagtagal ay iniwan ng Lolo Noni ang asawa at tatlo nang anak sa Maynila. Para magkaroon ng sariling kabuhayan, at bilang pampalubag-loob na rin siguro dahil hindi siya pinayagang sumali sa Huk, ay ipinagpatayo siya ng beerhouse ng pamilya, sa Olongapo, malapit sa Subic, sa base ng mga 'Kano.
Dahil nga likas na matalino ang Lolo, at dahil na rin dolar ang kinikita mula sa mga G.I., mabilis na tumubo ang negosyo niya. Ang sabi ng mga nakaabot, kasing dami daw ng puno ng Akasya sa Pampanga ang mga beerhouse na naging pagmamay-ari ng Lolo Noni. Ako rin, hindi naniniwala; sobrang dami naman yata noon. Pero kung ganito ang naaalala ng mga tao, ang ibig sabihin, siguro nga, marami.
Umabot sa puntong hinihingan na siya ng tong ng mga Huk. Para daw sa proteksiyon niya; proteksiyon mula saan, ang Huk lang ang nakakaalam. Pero kahit siguro itanong ko sa kung sinong nabubuhay pang Huk, wala siyang maisasagot. Ang Huk kasi noong panahong iyon ay hindi yung Huk na gerilya, hindi yung Huk na nakikipagpatayan sa mga Hapon na ang gamit lang ay itak at baril na kakamutin mo lang ang sugat sakaling tamaan ka. Ito yung Huk na bandido, yung Huk na bersyon natin ng Mafioso.
Siyempre, hindi pumayag ang Lolo ko. Iyon ngang Hapon na may tangke at tora-tora, na inaapi ang bayan niyang sinilangan, balak na niyang palagan, ito pang Huk na huk-hukan lang naman talaga? Ang sabi pa niya, na tumatak sa isipan ng lahat ng nakaaalala, kahit daw singkong singkit ay hindi makakakuha ang mga bandido sa kanya.
Kaya nga't sa tuwing may Huk na dadalaw sa mga beerhouse niya para manghingi ng tong ay pumapalag, at minsan nakikipagbarilan pa ang Lolo Noni. Minsan, tinatambangan pa siya ng mga ito sa isang madilim na iskinita. Malas lang nila dahil mabilis pa sa kunehong nakikipagtalik kung bumunot ng baril ang Lolo. Hindi na raw mabilang ang mga bandidong napatay o nagulpi ng lolo ko.
Pero sa Maynila, alam ng Lolo Laya ang nangyayari. Dinagdag pa rito ang nerbiyos ng Lola Siyanang at ng dalawa niyang anak na babae, ang kaba na baka iwan niyang ulila ang bagong panganak kong tatay at ang mga tiyuhin ko, kaya't napilitan na ngang kumilos ang Lolo Laya.
Isang araw, may dumating sa Subic na tauhan ng Lolo Laya. Pinapauwi kaagad sa Maynila ang Lolo Noni; nag-aagaw-buhay na raw ang tatay niya, at gusto siyang makita bago tuluyan nang maputulan ng hininga. Dali-daling sumabay pauwi ang Lolo Noni, baril lang ang isinukbit sa baywang, hindi man lang nagdala ng pambihis na salawal.
Pagdating sa bahay, inabot niya ang Lolo Layang nakaupo sa tumba-tumba, umiinom ng kape sa balkonahe. Sermon na naman ang sumalubong sa kanya.
Nanggagalaiti ang Lolo Noni, gustong bumalik kaagad sa Subic para ipagpatuloy ang negosyo, gusto nang dalhin doon ang pamilya niya, malayo sa Maynila, malayo sa Lolo Laya. Pero napakiusapan siya ng mga kapatid na pag-isipan muna, doon na matulog, magpalipas muna ng gabi; tutal, bihira naman siyang mauwi. Bakit nga naman hindi? Ano ba naman ang isang gabi, sa isip niya. Pero sa unang silip ng araw sa bintana, ang sabi niya sa sarili, aalis na sila ng mag-anak niya.
Kinabukasan, tulog pa ang Diyos nang magising ang Lolo Noni para maggayak ng gamit para sa biyahe. Hindi na siya nakabangon. Ikinadena siya ng Lolo Laya sa kama, habang natutulog.
Ano mang pagkawag at pagkislot ang gawin niya, hindi siya pinawalan. Wala namang magawa ang mga kapatid at nanay niya, at mas lalo na ang asawa't mga anak na hindi pa man lang tinutuli. Sige na raw, pakiusap at ibebenta lang niya ang ari-arian sa Subic - hindi puwede. Ipagbibilin lang niya sa tauhang pinagkakatiwalaan - hindi puwede. Kukuhanin lang niya ang masuwerte niyang salawal - hindi puwede.
Nang mahimasmasan ay pinawalan din siya ng Lolo Laya. Pero sinabihan siya ng ama na kung aalis ay huwag na huwag na siyang magpapakitang muli. Walang problema para kay Lolo Noni. Sinabihan din siyang kung aalis ay huwag na huwag niyang dadalhin ang mga apo, kundi ang Lolo Laya mismo ang tutugis sa kanya. Hindi na nakapalag ang lolo ko, si Lolo Noning nakikipagbarilan sa mga sanggano, si Lolo Noning walang kinatatakutan.
Magmula noon, naging aburidong istambay ang Lolo Noni; nagwawala kung maubusan ng Ginebra sa tindahan, nanunutok ng baril kung may makasagutang kapwa istambay. Takot ang lahat ng taga-Blumentritt sa Lolo Laya kong maton, pero di naglaon ay gumawa na rin ng sariling pangalan si Noning lasenggo, si Noning war freak.
Dose anyos ang tatay ko nang mamatay si Lolo Noni. Ang sabi ng mga nakaabot, sakit daw sa atay. Kung araw-araw ka ba namang lumaklak ng Ginebra sa loob ng halos labindalawang taon, malamang nga ay sakit sa atay ang ikamatay mo.
Pero para sa akin, lason ang ikinamatay ng lolo ko. Oo, lason ng alak, pero lason rin ng saradong isipan, lason ng tradisyong hindi makaintindi sa ideyalismo niya, ng mga paniniwalang nagkadena sa kanya sa kama, nagtulak sa kanyang uminom nang uminom nang uminom, umaasang matatabunan ng alak ang dugong nanalaytay sa bawat pulgada ng ugat niya.