abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Saturday, September 18, 2004
Isinulat ko 'to, September 11. Ngayon ko lang na-post.
***

Kina Leo na naman ako natulog. Putanginang paper 'yan. "'Wag kang matakot, ale, hindi ako drug-user, kahit mapula ang mata ko. Inaantok lang ako, inaantok lang ako." Masikip, pero ayus lang. Birthday ng utol niyang si Mac (na utol na nga naming lahat) kaya uminom nang kaunti; hindi naman nalasing, pero lumipad na ang antok papalayo, papalayo. Naghanap ng katabi. Libro ang nakapa sa tokador. Yearbook. Ng Ateneo. Batch ko.

Iniisa-isa ang bawat aklat (lima 'yun, isa para sa bawat college, at isa pa para sa faculty at mga org,) bawat litrato. Kilala ko siya, hindi ko siya kilala; maganda siya, cute siya, mukha siyang katol, sayang, kung medyo ngumiti lang sana. Okey sana 'to kaya lang, sa timpla ng write-up, mukhang utak palitaw, utak puto-bumbong. O utak suman. Basta't utak kakanin.

Mayroon kayang tulad ko na, kung ganitong gabi ng pagkatuliro at pagkabagot at pagkaligaw-ng-ulirat, naghahalungkat ng mababasa at walang matatagpuan kundi yearbook? Nakikita kaya nila ang write-up ko? Ano kaya ang iniisip nila? Kung kilala kaya nila ako, sasabihin kaya nila sa sariling, sayang, ang gasgas ng ganitong write-up? Kung hindi kaya nila ako kilala, maiisip pa rin kaya nilang, sayang, ang gasgas ng ganitong write-up?

Gaya ko? Putangina, babasahin 'to ng mga anak ko. Masyado kasi akong mahiyain, masyadong pa-humble, false modesty. Dapat ako na lang ang tumira.

Putangina. Kung maibabalik lang.

***

Isang araw, mababagot ka at maghahalungkat sa lumang tokador, sa ibabaw ng inaanay na kabinet, sa ilalim ng hagdan. Makikita mo ang mga pahinang ito. Makikita mo ang mga dati mong kaibigan, dating kaaway, dating kakilala, di kilala. Aamuyin mo ang mga pahina, lalaruin sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo. Pilit mong huhugitin sa alaala ang tinig nila, ang talas ng paningin, ang anyo ng balikat kung naglalakad.

Maaalala mo rin ang mga wala roon: ang mga naglilinis ng kubeta, nagtitinda sa kantina, mga naglalako ng sampaguita sa kahabaan ng Katipunan. Hindi mo na sila nakikita; marahil hindi na makikita pa. At malulungkot ka.

Lalabas ka sa kalsada, at sa harap ng di-maisawikang pangungulila, makararamdam ka ng sakit - para bang karayom na tumutusok sa iyang likuran.

Tutubuan ka ng pakpak.

Ngunit pipilasin mo ito, ihahagis sa lupa, yayapakan. At maglalakbay ka pa. Maglalakad sa tabi ng estero, sa ilalim ng tulay, sa bawat eskinita at sulok ng kosmos at ng sarili mong sentido. Makararating ka sa hangganan ng pangungulila. Iibig ka, at iibig pa, at iibig nang iibig pang lalo.

Titingin ka sa ibaba. Ilandaang talampakan ng alangaang.

Lumilipad ka na pala.

***

Ayon ito sa alaala. Lublob ako sa "pagkatibak" noon. Ngayun-ngayon ko lang napagtantong ang tunay na "pagkatibak" ay hindi dapat ipangalandakan, nakakahiya, nakakapanliit ipangalandakan..

***

Hindi mo ito nababasa, alam ko, at hindi na nga siguro mababasa pa, kahit kailan. Huwag mong isiping nagpapaapekto ako, hindi, hindi ako nagpapaapekto. O siguro, kaunti lang. Nagpasulat ka ng write-up sa akin, wala akong magawa, sino ba naman ako para tumanggi, kaibigan lang ako, kaibigang nahilingan. Wala naman akong ibang kayang gawin kundi makisama - hindi ko kayang magsulat, hindi ko kayang makipagsuntukan, putangina, hindi ko kayang uminom nang uminom nang uminom, wala na akong kayang gawin, kundi makisama.

Deadline 'ka mo ng write-up n'yo, wala kang ibang matakbuhan, ayaw mo naman 'ka mo ng parang taeng write-up sa yearbook. Mababasa 'yun ng mga magiging anak mo (huwag kang magmadali, darating din tayo diyan.) Wala ka ngang ibang matakbuhan.

Gawin kitang malakas, matapang, walang bahid ng anumang kasalanan, 'ka mo. Isulat ko pa 'ka mo sa Ingles. Sabi mo: "write it the Mikael way." Sabi mo, galingan ko, sabi mo, sabihin kong mahilig ka sa literature kahit panay nicholas sparks at paolo coelho ang binabasa mo, sabihin kong astig ka, basta.

Iyon ang lumabas. Hindi ka man lang nag-thank you. Hindi ka nag-text, o nag-reply sa email. Nagalit ka nga siguro.

Sorry. Pasensiya na. Hindi kita kayang gawing malakas, matapang, walang bahid ng anumang kasalanan. Hindi kita kayang gawing astig - at least, hindi kaya ng gusto mo. E ako ngang mismo nang sumusulat, di ko kayang gawing ganu'ng kaastig ang sarili ko, e. Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para kung sakaling mabasa nga ng magiging anak mo ito (huwag kang magmadali,) e hindi ka niya ikahihiya. Kikilalanin niyang tunay na tao ang ina niya, dugong dumadaloy, pusong tumitibok. Pasensiya na.

Itinuturing kitang kaibigan. Iyon ka. Hindi ba iyon ang inasahan mo? Pasensiya na. Pasensiya na.

Hindi ko yata kayang magsinungaling.

posted by mdlc @ 10:48 AM  
0 Comments:
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto