Walang bagong salitang kayang ilahad
ang hikbi ng bayan ko.
Wala ring luma.
Gaya ng ganito ngang nagsasalita ako
sa pamamagitan ng isang tula;
maghahanap kayo ng iba pang ibig sabihin
bukod sa sinasabi ko na.
Pipira-pirasuhin ninyo ang bawat taludtod,
maghahanap kayo ng parikala,
titingnan ang mga imaheng gagamitin ko.
Ngunit kung sabihin kong dugo
o sunog na balat o durog na buto,
kung sabihin kong sa bayan ko,
nag-uulam ng tubig at asin ang mga tao,
umiinom ng burak, bumibili ng mamisong pag-asa
sa tuwing daraan ang kubrador ng jueteng,
hindi naman ninyo makikita ang mga iyon.
Tinta lamang sa papel ang mga ito,
salita lamang. Sakaling salatin ninyo
ang bawat salitang naisulat ko,
hindi kayo matitinik sa mga titik,
hindi kayo masasaktan.
Ni hindi ninyo malalasahan
ang abong nanikit sa dila ko
habang winiwika ang bawat linyang
ngayo'y binabasa ninyo.
Hindi ito tula. Huwag kayong magbasa.
Bitawan ninyo itong papel na ito.
Maglakad kayo sa lansangan.
Huwag kayong maingay.
Pakinggan ninyo: tinatapakan ninyo ang mga bubog
ng basag-basag na alaala ng bayan ko.
Huwag kayong maingay,
pakinggan ninyo: may kargang tinig ang hangin.
Panalangin. Hikbi. Mayroong tula.
|