May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Thursday, October 21, 2004
Tumatakbo ako, pero gaya nang palagi, sa panaginip, parang gusto ko nang hiyawan ang sarili ko: Wala na bang ibibilis ang mga hakbang na 'to? Nariyan na sila, isang batalyon ng mga malalaking taong nakasuot nu'ng mga isinusuot ng sinaunang Hapones kapag giyera. Ngayong inaalala ko na, ang naiisip ko e 'yung mga malalaking mukhang gagong robot na may boxing gloves sa Takeshi's Castle. Pero noon, ang nakita ko, ang kinatakutan ko, kamukha nu'ng napaniginipan din ni Bruce Lee sa pelikulang biography niya.
Madilim. May kidlat na pumupunit sa kalawakan, sa di-kalayuan. Nagkalat ang mga bangkay sa maputik na lupa. Maraming bangkay. Mas maraming mga malalaking tao. Lahat, hinahabol ako.
Hindi ko alam kung bakit, pero dito, kaiba sa lahat ng iba ko pang panaginip, tumigil ako sa pagtakbo. Hindi ako natatakot.
Parang madyik, may lumitaw na baston sa harap ko. Pinulot ko. Isa-isa ko silang hinataw. Banda y banda, doblete, pilantik. Tinablan sila. Hindi ako natatakot.
Pero may isang humarap sa akin. Hindi tinablan. Hinablot ako nang para bang pupunitin ang katawan ko.
Hindi na baston ang hawak ko. Gaya nga ng palagi, sa panaginip, ang abnormal ay para bang normal, parang walang di-kapani-paniwalang nangyari: naging blade ang hawak ko. Blade na maliit, 'yung ginagamit sa luma at mumurahing pang-ahit.
Pero hindi ako natatakot. Lalaban ako. Hindi ako magmamakaawa. Pilit kong hinihiwa ang braso niya, para bitawan ako, pero hindi siya tinatablan, hindi siya nagpapakita ng sakit. Hawak niya ang magkabila kong braso. Parang hinahati niya ako sa dalawa.
Nagising akong pawisan, hindi pa rin sigurado kung gising na nga ba ako o namatay na, at langit - o impyerno - ang makipot kong higaan. Takot na takot.
***
Pumasok ako sa kuwarto. Nakatalikod siya sa akin, pero alam kong siya iyon, siguradong-sigurado ako, hindi ako puwedeng magkamali.
Nagising ako bago ko pa matawag ang ngalan niya.
Binabalikan na ako ng lahat ng nililimot ko.
***
Nasa ikalawang palapag ako ng bahay namin sa Blumentritt. Nakatanaw ako sa baba, pero parang hindi dalawang palapag lang ang tinatanaw ko pababa, parang dalawampu, parang dalawandaan. At imbis na bahay nina Robin ang nasa harap ng bahay namin, may isang basketball court, at doon ginaganap ang liga. Lumalaro ang 3bigJ, ang grupo namin na inisponsoran ng auto supply ni Kuya Oyet.
Kulang-kulang ang grupo, pito lang sila doon, foul trouble pa ang tatlo. Sinisigawan ako nina Bonbon, nina Karl. Bumaba ka na rito! Kulang-kulang na tayo!
Hindi puwede. Ang layo masyado. Ayaw akong payagan.
Sige na! Matatalo na tayo!
Mabilis akong tumakbo pababa. Parang gumugulong, nakakalula, nakakasuka. Nakakatakot. Pero sa wakas, nakarating din ako sa baba.
Naglakad ako sa basketball court, pero wala nang basketball court. O may basketball court pa rin, pero hindi na ito basketball court. Nakalutang na ito sa isang maruming lawa. Pero normal lang iyon. Lahat, normal lamang sa panaginip.
Naglakad ako papunta sa bench namin. Nagpalakpakan sila, ang nanay ni Bonbon, si Benedick, si Frederick, si Manok. Sa wakas, may pag-asa nang manalo.
Hindi semento ang nilalakaran ko. Sako, sakong pinagpatung-patong. Pagkatapos, kawayan. Parang lantsa na lumulutang sa maruming tubig. Pasok na! Huwag ka nang magsapatos! Matatalo na tayo!
Nadulas ako sa mga siwang ng kawayan. Halos hindi na ako nakakapit. Nakalunok ako ng tubig ng lawa. Maitim na maitim na tubig.
Pinagpasa-pasahan nila ang responsobilidad ng pagliligtas sa akin. Hindi siya marunong lumangoy! Iligtas n'yo siya!
Pinanood lang nila ako, silang lahat, habang dahan-dahan akong lumulubog.
Nagising akong humahagok, dumadahak, malungkot na malungkot, galit na galit, nag-iisip ng lahat ng paraan para makapaghiganti.
***
Pakiabot ang tuwalya, 'ka ko.
Ku'nin mong mag-isa mo, ang sabi ng ermats ko.
Para tuwalya lang, e, 'ka ko.
Tapos, naglitanya siya. Mga masasakit na salita, mga salitang mas lalong masakit dahil alam kong totoo. At dapat hindi niya alam iyon, hindi niya alam dahil miski ako, hindi ko alam iyon, mga bagay iyon na miski ako hindi pa sigurado.
Pero panaginip nga ito, kaya alam niya iyon, at walang kataka-taka kung alam niya, o alam ng buong mundo sa panaginip na ginagalawan ko.
Hindi ko na kinuha ang tuwalya. Nagising na lamang ako, siguro, dahil sa sobrang lungkot; umiiyak ako at sinasabing, Ang sama-sama kong tao,ang sama-sama, sa pagitan ng mga hikbi, paulit-ulit, paulit-ulit hanggang sa makatulog akong muli.
***
'Eto, totoo na 'to, hindi na 'to panaginip.
Ako: Jay, basketbol daw mamaya. Laro tayo?
Jay: Namputa, oo, ba.
Ako: Parang tinatamad ako, e.
Jay: Namputa, pare, magpapawis naman tayo. Ikaw, pinapawisan ka lang kapag hindi nakatapat sa 'yo 'yung elektrik pan, e!
Ako: (bahagyang nagi-guilty, dahil hindi ako nakatulong maglaba, dahil lasing ako kinagabihan.) Sige na nga. Akyat muna 'ko, matutulog lang, para may lakas mam'ya, pag naglalaro na.
Jay: Namputa, matutulog ka na naman! Kagigising mo lang, di ba? Magsaing ka na lang kaya?
Sinabi niya ito sa tonong parang "pansit na naman," pansit na dahilan ng pagkasingkit ng lahat ng singkit na tao sa buong mundo. Nakaksingkit kasi ang pananawa. Kapag nagkita tayo, ikukuwento ko sa inyo kung bakit singkit ang mga Intsik.
At ako, bumaba muli ng hagdang naakyat ko na ang kalahati, kinuha ang kaldero, sumalok ng tatlong gatang ng bigas, at hinugasan ito nang para bang nasisilip ko sa mga butil ang lahat ng panaginip na nalimot ko na at lilimutin pa.
***
Dahil pala sa lahat ng kagaguhang lumilitaw sa tagboard e minabuti ko nang alisin ito. Kung may kailangang banggitin, sa comments na lang. Para kahit papaano e hindi masakit sa mata.
magandang araw. kilala kita nga kita, kilala kita sa mga likha ni Rene Villanueva. Paborito ko siya. Sana magka kuwentuhan tayo palagi.
batang timawa